Si Felix at ang Fascinasyon sa Pagbabago


Bumoto si Felix sa Paaralang Malaya Elementary School. Minarkahan niyang sabik na sabik at may pag-iingat gamit ang itim na Smartmatic Pentel Pen ang bilog katabi ng pangalan ng presidenteng napili niya. Pagbabago,sabi nito habang nakangiti. Pagbabago,pag-uulit niya habang itinatapik ang kaliwang kamay sa kaniyang dibdib. Huminga itong malalim at tsaka lumakad papunta sa Titser na namamahala sa presintong kaniyang pinagbotohan. Minarkahan niya gamit ang hinlalaking daliri ang kaniyang boto. Pagkapasok ng kaniyang boto sa automatic na makinang balota, ngumiti itong muli. Nginitian din ito ng Titser. Inilibot ni Felix ang kaniyang mga mata at nakita nitong napakaraming tao at nagbabantay sa loob at labas ng presinto sa paaralan.

Bumaba ito mula sa ika-apat na palapag ng presinto. Pagbabago.Naglalakad na ito pauwi. Nagkalat ang napakaraming tao sa labas: pula, dilaw, kahel, at asul ang mga kulay na makikita sa Barangay Malaya, mula sa tarpaulin, tshirt at pamaypay na dala-dala ng bawat ka-barangay niya. Kinamayan siya ng isang kagawad na naka-pula, habang ang isa namang nakasuot ng kulay asul ay iniangat ang noo at tinaasan siya ng kilay bilang pagbati. Iba’t iba ang mga manok nila ngayong eleksyon at paniguradong sa susunod na eleksyon ng Barangay ay magkakaiba ang kulay ng partido ng mga kagawad na ito. Kanino kaya papartido ang Kapitan?

Pagbabago. Nangako ang presidente na pagtapos ng anim na buwan ay wala ng droga sa bansa. Nag-uurong ng pinagkainan si Felix habang nakikinig ng balita sa telebisyon. Mahigit labing-anim na milyong botante ang bumoto kabilang siya. Narinig niya ang campaign spokesperson ng Presidente, “Sa wakas ang pagkapanalo niya ay tagumpay ng masa na mula sa masa at para sa masa. Ipagdiwang natin ang demokrasya ng Pilipinas para magkaisa at makamit ang tunay na pagbabago.” Inulit niya pa ang pag-uurong ng mga pinagkainan dahil sa labis na pagkatuwa. Pumapalakpak ang mga tainga ni Felix sa balita.

Magkakaroon na siyang permanenteng trabaho. Mapag-aaral na niya ang kaniyang tatlong anak. Hindi na mamasukan bilang kasambahay at tagalaba ang kaniyang asawa. Mapagagamot niya na ang kaniyang ina. Mapagagawa niya na ang jeep ng kaniyang ama. Magkakaroon nang pagbabago at disiplina hindi lamang sa Barangay Malaya kung hindi sa buong Pilipinas. Lalaya na ang Barangay Malaya, lalaya na ang Pilipinas.

Magkakatabi silang natulog sa kama ng pamilya ni Felix. Siksikan man ngunit hindi iniinda ni Felix ito dahil sa mga susunod na araw, buwan, at taon ay giginhawa na ang kaniyang buhay. Pumikit si Felix yakap-yakap ang mga anak at panatag na humingang malalim bago tuluyang makatulog.

Pagbabago, nakatitig sa telebisyon si Felix ng hatinggabi habang nakikinig sa Presidenteng ibinoto niya limang taon na ang lumipas. Natawa niyang naisip na mas may saysay pang kausap ang matalik niyang kaibigan at kainumang si Benjo na pinatay ng mga pulis noong nakaraang taon dahil mayroon daw droga at baril sa jeepney na pinapasada nito noong lumampas sa curfew. 

Tiningnan niya ang kaniyang tatlong anak sa kusina na naghahati-hati sa isang gadget para sa online class nila. Naluluha na itong nakatitig pa rin sa telebisyon, katabi nito nakalagay doon ang tatlong larawan ng kaniyang ina, ama at asawa at may isang mauubos na kandilang nakalagay sa lata. Lumapit ang kaniyang panganay na anak sa kaniya at hinagod ang likod. Nakatingin silang pareho sa telebisyon at nagsalita ang kaniyang anak at sinabing, “Tay, patayin mo na ‘yan.”

Cruel work conditions force healthcare workers to seek other options amid raging pandemic

Mga pormasyon sa KAPP, matagumpay na nailunsad ang #FirstDayFight

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *