Ginulat nina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Executive Director Mocha Uson, beauty queen Michele Gumabao, broadcast journalist Pia Roces Morato, at kilalang artistang si Arci Munoz ang sangkababaihan nang magtambalan sila upang buuin ang “Magdalena Mission: Alagang Ate” kasama ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang magsilbing mga “ate” ng kabataan para itaguyod ang “kapayapaan at kaunlaran” kontra-insurhensya.
Bukod sa halang lamang ang makikipag-alyansa sa isang task force na umaatake sa mga aktibista at kritiko ng pamahalaan na kadalasan ay binubuo rin ng ilang kababaihan, sinakto pa ng Magdalena Mission ang kanilang pagkatayo sa buwan ng Setyembre — kung kailan inaalala natin ang mga martir ng kahapong inagawan ng buhay ng pasistang rehimen ni Marcos. Isa na sa mga martir na ito ay si Maria Lorena Barros.
Si Lorena ay isang mag-aaral sa UP Diliman. Mula BS Biochemistry ay lumipat siya at nagtapos sa BA Anthropology, sapagkat naniniwala siyang hindi mo kayang tahakin ang kasalukuyan nang hindi binabalikan ang kasaysayan.
Tulad nina Mocha, Michele, Pia, at Arci, bumuo rin ng samahang pangkababaihan si Lorena. Ngunit ang malinaw na pagkakaiba nito ay ang layuning puksain ang problema ng kababaihan sa ilalim ng isang malapyudal at malakolonyal na lipunan. Noong Abril 1970, isinilang ang Malayang Samahan ng Bagong Kababaihan o mas kilala bilang MAKIBAKA.
Idinaos ang unang malaking kilos-protesta ng MAKIBAKA noong Abril 18, 1970, sa isang pageant ng Binibining Pilipinas. Nagpiket ang mga kababaihan sa Araneta Coliseum upang labanan ang komodipikasyon ng kagandahan gamit ng mga paligsahang ito.
Nagpatuloy ang militansya ng samahan nang iprotesta nila ang militarisasyon sa pamantasan. Naitayo rin ang National Democratic Nursery at Mother’s Corps para suportahan ang mga nanay habang namamayani ang diktadura. At habang nangyayari itong lahat ay binuhos din ni Lorena ang kalagayan at emansipasyon ng kababaihan sa kanyang pagsusulat.
Nang ideklara na ni Marcos ang Batas Militar noong 1972, naging ganap na rebolusyonaryo na si Lorena kasama ng malawak na hanay ng militanteng kababaihan. Nahubog ang kanilang realisasyon na lalaya lamang ang mga babae galing sa gapos ng pangangabuso dahil sa kanilang kasarian kung lalaya rin ang lipunan.
Iba kay Lorena, hindi batid nina Mocha, Michele, Pia, at Arci ang ugat ng digmaang sibil sa bansa. Hindi lamang ito isang suliranin na mareresolba sa pamamagitan ng pagbibigay ng payo tulad ng inaasta nilang proma bilang “ate” sa kabataang kababaihan. Sapagkat hangga’t hindi pa rin nakakamit ang tunay na reporma at pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at nakatali pa rin sa pamamalakad ng Estados Unidos ay hindi basta-basta maglalaho ang digmaan. Sa kanilang pakikisangkot sa NTF-ELCAC ay mas pinalaganap pa nila ang kulturang macho-pyudal na pinalaganap ng rehimeng Duterte, galing pa sa kasaysayan ng mga nakaraang administrasyon.
Kailangan nga natin ng mga kababaihang tumitindig, pero saang hanay nga ba sila bumibilang? Para kanino ang pemenismong kanilang inaasam?
Featured image courtesy of Philippine News Agency