Lagpas apat na dekada mula noong lagdaan ng diktador na si Ferdinand Marcos ang Proklamasyon bilang 1081 na naglagay sa Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar sa loob ng halos siyam na taon.
Ilan sa mga saksi at nakaranas ng mga karahasan noong Martial Law ay ang political detainee ni Marcos na si Aida Santos-Maranan at ang kaniyang asawa.
Bilang isang aktibista at parte ng kilusang laban sa pamahalaang Marcos, masinsinang hinanap ng mga tauhan ng dating pangulo sina Santos-Maranan kung saan sila ay inabuso ng mga ito sa paraang pisikal at emosyonal.
“Ang Martial Law to me was a psychological warfare”, sabi ni Santos-Maranan sa isang panayam sa ABS-CBN.
Isa rin sa biktima ng “torture” ng rehimeng Marcos ay ang manunulat na si Jose ‘Pete’ Lacaba na nahuli ng mga tauhan ni Marcos dalawang taon matapos maideklara ang batas militar.
Ayon kay Lacaba, hindi tumigil manakit ang mga sundalo sa kampo Krame hanggang hindi siya kumakanta. Dumating sa punto na hiniling na lamang nito na patayin siya ng mga sundalo.
“Mostly sa dibdib, braso, hindi gaano ang mukha para siguro walang pasang makikita kung saka-sakali man. At one point pina-squat, habang naka-squat pinapalo ng walis tambo,” ani Lacaba.
Tinataya na noong Martial Law ay umabot sa 107,240 ang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao kung saan 34,000 ang tinorture, 3,240 ang pinatay, at 737 naman ang desaparecidos.
Kasabay din nito ay ang pagpapasara sa 464 na midya sa bansa at ang pagkamkam ng Marcos ng 5 hanggang 10 milyong dolyar sa kaban ng bayan. Mula 1977 hanggang 1982, tumaas nang tatlong beses ang kautangan ng rehimeng Marcos, mula $8.2 million pataas nang $24.4 million.
Apatnapu’t siyam na taon matapos ang pagdeklara sa batas militar ay patuloy pa rin ang paglaganap ng karahasan at kasakiman sa lipunan.
Sa kasalukuyan, ang rehimeng Duterte ay tinaya ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) na higit sa 6,000 na ang napapatay sa digmaan kontra droga.
Kasabay rin nito ang pagpapasara at pananakot ni Duterte sa mga midya tulad ng ABS-CBN at Rappler at ang paniniil nito sa mga kalaban sa politika at sa mga kritiko nito mula sa iba’t ibang sektor.
Lantaran din ang pagnanakaw ng administrasyong Duterte sa taumbayan, liban pa sa mga iniulat ng Commission on Audit (COA) sa 2020 audit report nito, habang tuluyang lumobo ang kautangan nitong maaaring umabot ng P13 trillion pagdating ng 2022.
Sa paggunita ng ika-49 na anibersaryo ng Martial Law ay patuloy na ipinapanawagan ang pagtigil at pagkundena sa rebisyonaryong pangkasaysayan, karahasan, panunupil, at kasakiman mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Nagsagawa ng mga kilos protesta ang iba’t ibang sektor mula sa Maynila at ilang probinsya upang ipanawagan ang pagkundena sa pagtapyas ng pondo ng unibersidad, pagsasabatas ng UP-DND Accord, paglipat o pag-ayos ng pondong militar sa edukasyon at kalusugan, at pagtigil ng pasismo ng tiranikong diktadurya ni Duterte. Sa kabila ng mga lehitimong layunin at panawagan at mapayapang pagkondukta, sinagot ito ng pamahalaan ng puwersa at karahasan kung saan tinakot, ginamitan ng “water cannon” ang mga nagpoprotesta sa Sta. Cruz, Manila papuntang Liwasang Bonifacio, at pinasok ng mga militar ang UP Mindanao sa Davao.
Sa haba ng kasaysayan ng mga pagkilos, nananatiling dumadanak ang militansya sa iba’t ibang sektor sa malakasang pagpapanawagan at pagpapanagot nito sa mga nagdaang mapang-abusong mga rehimen. Ito’y siyang patunay na, halaw mula kasaysayan hanggang kasalukuyan, lumalawak ang lakas ng masang Pilipinong patuloy na nakikipag-digma sa mga pagpapahirap at pang-aabuso ng mapanupil na estado.
Featured image courtesy of Rappler