Palma Hall o A.S.? Para sa mga nakatatanda, A.S. daw ang dapat itawag dahil “ito ang ginagamit ng lahat ng tao sa pamantasan.” Para naman sa mga baguhang mag-aaral, Palma Hall pa rin ang mas sikat dahil ito ang nakamarka mismo sa tuktok ng gusali sa kanilang unang pagpasok sa UP.
Paano nga ba dapat kilalanin ang gusali ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman? Paano nga ba nagkaroon ng mga magkalayong pangalan ang naturang gusali? Saan ba talaga ito mas kilala?
Alinman ang gamiting katawagan sa gusali, hindi maitatanggi na nananatiling matimbang ang dalawang pangalan nito. Sa isang dako, kinikilala ng opisyal na pangalan ng gusali si Rafael Palma, isa sa mga dating tagapangulo ng pamantasan at isang makabayang indibidwal noong dulo ng ika-19 at ika-20 na dantaon. Sa kabilang dako, kinikilala ng palayaw nito ang dating kolehiyong namalagi sa gusali—ang Kolehiyo ng Sining at Agham (o Arts and Sciences sa Ingles kung kaya’t A.S.). At para sa artikulong ito, gagamitin natin ang A.S. bilang pantawag dito.
Liban sa paiba-ibang pangalan nito, tanyag din ang A.S. para sa iba’t ibang komunidad ng UP. Para sa mga mag-aaral, dito madalas dinaraos ang iba’t ibang pang-GE (General Elective) ng unibersidad, kung kaya’t hindi na nakapagtatakang makakita ng estudyante sa loob ng gusali sa kahit anong oras. Kahit saang programa man manggaling ang isang estudyante, paniguradong tutungo pa rin ito sa A.S. Sa kahit anong sulok ng gusali, makakatagpo ka ng mga sumusunod na estudyante: naghahabol ng babasahin sa klase, natutulog, nagpupulong, at kung ano-ano pa.
Dulot nito, nagsisilbi rin ang A.S. bilang lugar ng iba’t ibang pagtitipon para sa sangkaestudyantehan ng pamantasan, tulad ng mga miting de avancetuwing eleksyon at mga mobilisasyon ng komunidad ng UP. Bagaman mas madalas makita ang mga kilos-protesta sa University Avenue ngayong pandemya, mas pinipiling idaos ang mga mobilisasyon sa A.S. noong pisikal pa ang mga klase sa pamantasan dahil sa estratehikong lokasyon nito. Gaya ng mobilisasyon laban sa pagbabanta ni Senador Bato dela Rosa na maniktik sa loob ng unibersidad noong Agosto 2019, naglunsad ng isang walkout at kilos-protesta ang iba’t ibang sektor ng pamantasan sa A.S upang makiisa rito.
Kung tutuusin, ang tradisyong ito ng gusaling A.S. ay hindi na bago para sa iba’t ibang henerasyong nagdaan sa pamantasan. Bilang sentro ng mga gawaing pang-mag-aaral, hindi maikakaila ang mahalagang papel na ginagampanan ng A.S. sa buhay ng buong unibersidad. Kahit noong bagong tayo pa lamang ang A.S. noong dekada ‘50, binulabog na agad ito, kasama ang buong unibersidad, ng isang witch-hunt (o pagtutugis) mula sa Congressional Committee on Anti-Filipino Activities (CAFA) para sa mga progresibong indibidwal na kanilang “hinihinalang” mga komunista. Buhat nito, naglunsad ng isang pagkilos patungong Kongreso ang humigit-kumulang na 3,000 mag-aaral mula sa unibersidad upang batikusin at ipabuwag ang mapaniil na komite.
Sa mga susunod na dekada, matutunghayan ng A.S. ang masidhing pagtuligsa at pagkilos ng mga estudyante ng Kolehiyo ng Sining at Agham at buong unibersidad laban sa mga lumalalang kalagayang panlipunan ng bansa. Hindi na bago sa karamihan ng mga iskolar ng bayan ang mga salaysay ng katapangan ng mga estudyante ng unibersidad noong dekada ‘70, kung saan bumugso ang militanteng pagkilos ng iba’t ibang komunidad sa loob ng pamantasan upang kontrahin ang tumitinding pang-aapi ng rehimeng Marcos sa sambayanan.
Sa unang taon ng dekada, mangyayari ang ‘First Quarter Storm’ na nagpatunay sa lakas ng sektor ng kabataan-estudyante na tumindig laban sa mapanupil na estado. Sa susunod na taon, magaganap ang Diliman Commune sa kampus mismo ng UP Diliman bilang tahasang pagkontra ng komunidad ng pamantasan sa panghihimasok ng mga pwersa ng estado sa ating pisikal na kampus at kalayaang pang-akademiko.
Kung babalikan ang kasaysayan, mapayapang kilos-protesta upang suportahan ang pagtutol ng mga tsuper sa pagtaas ng langis ang pinagmulan ng Diliman Commune bago ito mauwi sa pandarahas ng mga pwersa ng estado. Kabilang lamang din ang protesta sa Diliman sa kabuuang pagkilos ng mga progresibong grupo mula sa iba’t ibang panig ng Maynila at Luzon para sa mga tsuper.
Sa Diliman Commune, mismong A.S. ay may malaking papel noon bilang isang mahalagang balwarte ng komunidad ng UP laban sa mga kapulisan. Nagsilbing panandaliang tahanan ng DZUP, isa sa mga pinakamahalagang moda ng komunikasyon ng Commune noon, ang isa sa mga kwarto ng A.S. Kilala rin ang A.S. Steps bilang lugar ng mga pagpupulong at pagtatalumpati noon sa Commune.
Habang marami pang ibang salaysay na nagdedetalye sa naging papel ng A.S. noong Commune, hindi pa rin maitatanggi na isang bahagi lamang ito sa kabuuang pagkilos ng buong pamantasan upang depensahan ang kanilang mga sarili, paaralan, at kalayaang pang-akademiko.
At sa susunod na taon, ilalatag na ni Marcos ang kanyang marka sa ating kasaysayan bilang isang tunay na diktador nang kanyang ideklara ang pagpapatupad ng Batas Militar sa buong Pilipinas noong Setyembre 21, 1972. Para sa A.S., masasaksihan nito ang pagdedesisyon ng ilang mga mag-aaral ng pamantasan na mag-underground upang makiisa sa malawakang kilusan na naghahangad patalsikin ang diktador sa kanyang pwesto. Kasabay nito, ipagbabawal rin ng estado ang iba’t ibang organisasyon ng mga mag-aaral sa unibersidad upang supilin ang karapatang mag-organisa ng mga estudyante.
Sa mga pangyayaring ito, magsisilbi bilang mga halimbawa sina William Vincent “Billy” Begg (Kasaysayan) at Maria Lorena Barros (Antropolohiya) na mga naging mag-aaral ng A.S. na piniling makiisa sa armadong pakikibaka at ialay ang kanilang sariling buhay laban sa diktadurya ng mga mapang-aping nakatataas.
Para kay Billy Begg, hindi hadlang ang kanyang kabataan upang maging instrumento sa pagbabagong kanyang hinahangad. Bagaman maaari siyang mamuhay na bilang isang “normal” na estudyante, pinili niya pa ring pumunta sa kanayunan noong 1974 upang tumulong sa mga pangangailangang medikal ng mga komunidad at makiisa sa armadong pakikibaka laban sa diktaduryang Marcos.
Isa rin sa mga pinakatanyag na kabataang martir noong panahon ng Batas Militar si Maria Lorena Barros na sumalungat sa mga pamantayang itinakda ng patriyarkal na lipunan sa kanilang mga kababaihan. Kaakibat ang kanyang angking galing sa pagsusulat at matatag na paninindigan sa kanyang paniniwala, sumapi si Lorena Barros sa armadong pakikibaka noong 1971 at iniwan ang kanyang buhay ng pagtuturo at pag-aaral sa lungsod upang tumulong sa pagpapalaya sa masa mula sa tumitinding diktadura ng rehimeng Marcos.
Nang mapatalsik ang rehimeng Marcos mula sa Malacañang, unti-unti ring nagbalik ang masiglang pagkilos at pag-organisa ng mga mag-aaral sa A.S at buong pamantasan. Patuloy ang karamihan sa kanilang pakikibaka kasama ang taumbayan at natunghayan ng A.S. ang paglaki ng bawat isa sa mga estudyanteng ito, tulad na lamang ni Lean Alejandro. Saksi mismo ang A.S. sa pagiging tagapangulo ng konseho ng mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham at Sining noong 1982-1983, na nagsilbing isang hakbang sa kanyang patuloy na paglago bilang isa sa mga pinakatanyag na lider-estudyante ng bansa hanggang ngayon.
At habang nananatiling sentro ang A.S. sa iba’t ibang pagkilos ng pamantasan laban sa kahit anong porma ng pang-aapi at diktadurya, hindi dapat natin ikaila ang halaga ng komunidad ng pamantasan sa pagsisilbi nito bilang tagapagpadaloy ng kasaysayan sa tanyag na gusali. Sa katunayan, maituturing na mas naging mayaman pa ang iba’t ibang uri ng mga indibidwal na lumalahok sa mga pagkilos sa A.S. nang binuwag ang Kolehiyo ng Sining at Agham upang maging Kolehiyo ng Agham, Kolehiyo ng Arte at Literatura, at ang kasalukuyang namamalagi sa A.S, ang Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya.
Higit pa rito, ang mismong komunidad ng AS ang nagsisilbing saksi sa pakikibaka ng pamantasan laban sa kahit anong porma ng pang-aapi at pagmamalabis ng mga nakakataas sa mga marhinalisadong sektor.
Hanggang ngayon, nananatiling aktibo ang komunidad ng A.S. sa pagtuligsa at pagkilos laban sa mga nagtatangkang magtaguyod ng isang diktadurya sa ating lipunan, at maging sa pagtulong sa mga kagyat na pangangailangan ng mga komunidad. Bilang patunay, kailangan lamang tingnan ang mga programang patuloy na inilalaan ng mga mag-aaral ng KAPP para sa mga komunidad sa loob ng unibersidad.
Sa usaping ito, hindi maisasantabi ang mapangahas na pamamahayag ng SINAG sa kabila ng mga pag-atake at banta mula mismo sa estado, tulad ng lantarang red-tagging sa ilang miyembro nito at pag-report sa mga social media account nito. Liban dito, mahalaga rin na tingnan ang Agui Aralan ng Rise for Education – CSSP na pinipili pa ring lumapag sa Pook Aguinaldo sa loob ng UP Diliman, kahit may banta ng pandemya, upang makatulong sa pagtuturo at paglilinaw sa nilalaman ng mga modyul ng mga mag-aaral dito.
Mula rito, malinaw na nilalampasan ng A.S. at komunidad nito ang pagiging mga saksi lamang sa kinabibilangan nitong lipunan, sapagkat isinasangkot talaga ng mismong komunidad ng A.S. ang sarili nito sa mga pagkilos na nagtutulak ng pagbabagong ikabubuti ng karamihan. Sa halip na magpakulong lamang sa pag-aaral sa loob ng gusali, ikinakabit natin ang mga teorya’t araling tinatalakay sa loob ng paaralan sa ating aktibong pagkilos kasama ang malawak na hanay ng taumbayan.
At hanggang nananatiling matapang at matatag ang buong komunidad ng A.S., hinding-hindi mawawala ang A.S. bilang bahagi ng kasaysayan laban sa kahit anong diktadurya. Sa pamamagitan nito, mas magiging tanyag ang gusaling Palma Hall o A.S. para sa magiging pagkakakilanlan nito bilang tahanan ng mga “Konsensya ng Bayan.”
Featured image courtesy of KALasag