Diretsong inilahad ng mga guro sa House of Representatives noong ika-29 ng Setyembre, Martes, ang kanilang mga panawagan para sa mas nakabubuhay na sweldo at kasiguraduhan ng kanilang kaligtasan sa magaganap na eleksyon sa susunod na taon.
Pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang isang piket ng mga guro sa harap ng gusali ng Kongreso upang mailapit mismo rito ang kanilang mga hinaing.
Maglilingkod muli ang mga guro sa Mayo bilang mga kasapi ng board of election inspectors (BEI) upang magsilbing tagapagbantay sa mga balota. Nananatiling matindi ang krisis sa bansa, kung kaya’t inaalala ng ACT ang kaligtasan ng mga guro para sa araw ng eleksyon.
Buhat nito, kinakampanya ngayon ng ACT ang humigit-kumulang na P10,000 kabayaran para sa mga gurong maglilingkod bilang BEI. Kaakibat din nito ang pagpapanawagan na magkaroon din ng allowance ang mga guro para sa kanilang pamasahe, pagkain, at hazard pay. Binigyang-diin din ng mga guro na gawing ligtas ang pagpapadaloy sa eleksyon.
Ayon kay ACT Secretary-General Raymond Basilio, ang kanilang mga panawagan ngayon ay mauugat sa mga isyu noong 2019 eleksyon. Kabilang dito ang kaltas sa kanilang sweldo, hindi pagbayad sa overtime, at iba pa.
Nitong Setyembre 30, Huwebes lamang din, dumulog ang ACT sa Civil Service Commission upang himukin ito na tugunan ang kawalan ng aksyon ng Department of Education (DepEd) hinggil sa pagbabayad ng overtime pay ng mga guro mula Hunyo hanggang Oktubre noong 2020.
Dagdag pa rito, pinuna rin ng mga guro ang tapyas na P15 bilyon mula sa hiniling na P41 bilyong pondo ng Commission on Elections (COMELEC) sa pambansang pondo para sa susunod na taon. Sa kabila ng pagpupuna ng ilang mga mambabatas, inabot lamang ng walong araw sa Kongreso ang pag-aaral sa badyet ng bansa.
Dahil sa matinding epekto nito sa mga magiging trabahador sa eleksyon, nag-apela pa rin ang COMELEC at DepEd sa naturang kaltas.
Nagbanta naman kamakailan lamang si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng militar upang masigurong mapayapa diumano ang magiging eleksyon sa 2022. Ito ay kinwestyon ng ilan ding mambabatas sapagkat wala itong batayan at maaari lamang makasagka sa inaasam na maayos na pagkasa ng eleksyon.
Liban pa rito, nananatiling kulang ang suporta at pondo para sa mga kaguruan ngayong pandemya. Pilit na sinasalo ng mga guro ang mga pasaning dulot ng remote learning.
Habang malawakang pinagugulong ng administrasyon ang mga pagkaltas sa badyet ng mga esensyal na sektor, lantarang paggamit muli’t muli ng militar sa pananakot, wala pa ring direktang tugon ang estado sa hinaing ng mga guro.
Gayunpaman, patuloy na itinataguyod ng mga kaguruan ang kanilang mga panawagan para sa ayuda at suporta.
Para sa nalalapit na selebrasyon ng World Teachers’ Day, inilunsad ngayon ng ACT ang 5 World Teachers’ Day Demands na naglalayong maghatid sa mga guro ng mas mataas na sweldo at overtime pay, kagamitan para sa pagtuturo ngayong pandemya, sapat na allowance, at akmang kabayaran para sa kanilang serbisyo sa eleksyon.
Featured image courtesy of ACT