Pormal nang inanunsyo ng anak ng diktador at talunan sa pagka bise-presidente noong 2016 na si Bongbong Marcos ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa eleksyon sa Mayo 2022.
Nanumpa ngayong araw, ika-5 ng Oktubre, si Marcos sa paglipat niya mula Nacionalista Party sa Partido Federal ng Pilipinas. Wala pang inaanunsyong katambal ang anak ng diktador bilang kaniyang magiging bise presidente.
Matatandaang maka-ilang beses niya ring pina-recount ang bilang ng boto para sa pagka-bise presidente sa halalan noong 2016. Dalawang beses naisapubliko ang kaniyang pagkatalo kay Leni Robredo–isa pang nababalitaang tatakbong pangulo.
Enero, ngayong taon, nang inanunsyo ni Marcos ang kaniyang layuning tumakbo sa eleksyon, at noong ika-24 ng Setyembre, opisyal na inihayag ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ang nominasyon sa kaniya bilang standard bearer ng partido.
Nitong nakaraang linggo lamang, ipinababalik na ng Sandiganbayan Second Division sa Royal Traders Holding Co ang mga nakaw na yaman ng pamilyang Marcos sa.Pilipinas. Tinatayang ito ay aabot ng P1 bilyon hanggang P1.65 bilyon na halaga ng kinurakot ng mga Marcos mula sa pera ng taumbayan.
Inaasahang nasa P96.03 milyon at $5.4 milyong ang halaga ng bayarin ng RTB mula sa ninakaw na bank certificates ng mga Marcos sa taumbayan. Dadagdag ito sa P125 milyon pang kailangan bawiin ng Presidential Committee on Good Governance (PCGG) mula sa magnanakaw na pamilyang Marcos.
Hindi pa rin napananagot ang pamilyang Marcos sa kanilang mga kasalanan sa taumbayan. Noong 2018, nahatulan ng pitong kaso ng graft si Imelda Marcos ngunit, sa kasalukuyan ay malaya pa rin ang ganid na asawa ng diktador na si Marcos, habang ang mga bilanggong politikal na naggiit ng mga karapatang pantao ay nakakulong pa rin.
Noong 2017, umani ng maraming naglalakihang protesta at pagkundena ang pagkalibing sa diktador na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Libu-libong kaso ng paglabag sa karapatang pantao, pamamaslang, at pagdukot sa mga kritiko ng kanilang pamilya ang atraso ng pamilyang Marcos mula 1965-1986 na nanungkulan ito.
Hanggang ngayon, para sa mga biktima ng mga Marcos, pilit pa rin nilang pinagtatakpan ang mga salang diktadurang US-Marcos na naghahangad pang bumalik sa posisyon upang takasan at baguhin ang kasaysayan.
Binatikos ng mga biktima ng Batas Militar ang anunsyo ni Marcos: “His refusal to apologize to the victims of Martial law, dismissing them as merely seeking monetary compensation and washing his hands of any involvement in the military rule that allowed the Marcos family to run roughshod over the Filipino people with abandon, completes Bongbong’s self-centered image and blind focus on restoring the stature of the Marcos family to their former glory,” giit ng convenor ng Campaign Against the Return of the Marcoses in Malacañang Alliance (CARMMA) at Martial Law survivor na si Prop. Judy Taguiwalo.
Inuugnay din si Marcos sa mga kaalyado nitong Gloria Arroyo at Rodrigo Duterte na laman ng balita na may mahabang kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Ang tinutugis ng bayan na si Arroyo ay nag-file for candidacy bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga. Batay sa ulat ng Karapatan, ang rehimeng Arroyo ay salarin sa 1,206 na kaso ng extra-judicial killings, 206 na desaparecidos, at hindi bababa sa 1,000 na kaso ng ilegal na pag-aresto.
Samantala, ang kasalukuyang rehimeng Duterte ay mayroon nang utang na nagkakahalaga ng P11.64 trilyon, at tinatanaw pang tumaas sa P13 trilyon pagdating ng 2022. Kasalukuyan ding nasa ilalim ng imbestigasyon ang pangulo sa libu-libo nitong paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng militarisasyon, war on drugs, at terorismo ng estado.
Tinatayang nasa 27,000 hanggang 30,000 ang kaso ng EJKs sa ilalim ng rehimeng Duterte. Malubha rin ang naging epekto ng pandemya sa masang Pilipino na mas pinalala pa ng mga makasarili’t makadayuhang polisiya ng administrasyon ayon mismo sa mga biktima at kritiko.
Inanunsiyo ng pangulong Duterte ang kanya umanong pag-retiro mula sa pulitika sa katapusan ng kanyang termino. Subalit, ang papalit umano rito ay ang kanyang anak na si Sara Duterte-Carpio, katambal ng senador na si Bong Go.
Featured image courtesy of GMA News.