Babangon muli ang Pilipinas, ito ang pinangangalandakang misyon ni Bongbong Marcos sa kanyang pagtakbo para sa pagkapangulo. Ngunit malinaw ang tala ng kasaysayan, wala siyang ibang hangarin kundi ibangon muli ang pamilyang Marcos at ipagpatuloy ang kanilang diktadurya at pamamasismo.
Huwad na Pagkakaisa
Kaninang umaga, pormal nang nag-file ng certificate of candidacy ang anak ng diktador, magnanakaw, pasista, at human rights violator na si Ferdinand Marcos. Tila walang pagkakaiba sa matatamis na pangako ng kanyang ama ang ibinulalas ni Bongbong sa kanyang unang anunsiyo kahapon tungkol sa pagtakbo.
“I am today announcing my intention to run for the presidency of the Philippines in the upcoming May 2022 elections. I will bring that form of unifying leadership back to our country,” ani Marcos.
Hindi maikakaila na ipinaparating muli ni Bongbong ang retorika na kinasangkapan ng kanyang nasirang ama upang magoyo ang madla sa kanilang madidilim na hangarin. Matatandaang ginamit noon ni Ferdinand Marcos ang naratibo ng “pagkakaisa” ng bansa sa ilalim ng “Bagong Lipunan.”
Sa sobrang pagpapahalaga ni Ferdinand Marcos at ng kanyang alipores sa “pagkakaisa,” hindi nito pinayagan ang lantad na oposisyon sa mga kapritsong desisyon at polisiya na kanilang ipinatupad, gaya ng Batas Militar.
Sa pangunguna ng napatalsik na diktador, ang mga kumontra sa diktadura ay ipinapatay, ipinakulong, tinotyur, at hindi na nakita pa. Sa katunayan, umabot sa 70, 000 ang nabilanggo; 34, 000 ang tinortyur; mahigit 3,000 ang pinaslang; at 77 ang mga desaparecido batay sa nakalap ng datos ng Amnesty International para sa 1972 hanggang 1981.
“Kung hangad nga ni Marcos ang pagbangon, kilalanin muna ng pamilya ang kanilang kasalanan sa bayan at ibalik ang mga nakubra nila mula sa kaban ng bayan. ‘Wag nila gamitin ang pagkapangulo para bigyan ng amnesia ang mga Pilipino,” sambit ni Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares, isang martial law victim at survivor ng torture.
Sa madaling sabi, kung isusulong muli ni Bongbong ang pamumunong nagdudulot ng “pagkakaisa”, hindi malabong maging makitid din ang pagtingin niya sa mundo at maging pikon sa oposisyon gaya ng kanyang ama. Mahiya rin sana siyang sabihing “babangon muli” kung siya at kanyang ama ang nagbaon sa atin sa hukay.
Sa pag-endorso sa kaniya sa pagkapangulo ng Kilusang Bagong Lipunan, ang partidong itinayo ng yumaong diktador at katuwang sa kanyang pag-abuso ng kapangyarihan, walang duda na kaparehong daan ang tatahakin niya: daang punong-puno ng inutang na dugo at mga nakaw na yaman mula sa bansa.
Walang Kasalanan si Bongbong?
Madalas igiit ng iba na hindi kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama. Ngunit hindi naman batang walang muwang si Bongbong noong Batas Militar. Mga kapartido niya mismo ang nagsabing noong panahon ng diktadura na pinapadala si Bongbong sa iba’t ibang bansa. Kitang-kita rin siya sa mga retratong nakatayo sa likod ng diktador, suot-suot ang unipormeng pang-militar.
Higit pa rito, ang lahat ng mayroon si Bongbong Marcos, maging ang plataporma niyang umiikot sa pagbabalik sa “Golden Age” ay bunga ng dalawang bagay: ang huwad na imaheng ipininta ng ama, at ang patuloy na pangangalaga dito ng anak.
Sa kabila ng hatol ng iba’t ibang hukuman sa kanyang mga magulang sa mga kasong graft at korapsyon, at sa kabila ng mga hakbangin ng pamahalaan, hindi pa rin ibinabalik ng mga Marcos ang kanilang mga ninakaw. Patuloy silang nakikinabang sa bilyon-bilyong mga ninakaw mula sa kaban ng bayan. Patuloy rin ang kanilang pagtangging humingi ng paumanhin sa mga biktima ng Batas Militar.
“His refusal to apologize to the victims of Martial Law, dismissing them as merely seeking monetary compensation, and washing his hands of any involvement in the military rule that allowed the Marcos family to run roughshod over the Filipino people with abandon, completes Bongbong’s self-centered image and blind focus on restoring the stature of the Marcos family to their former glory,” ani ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) sa kanilang pahayag kahapon.
Sa paggamit ng gawa-gawang legasiya at nakaw na pera bilang makinarya para sa eleksyon ay hindi lamang siya basta nagmana, kung hindi kasabwat siya ng ama simula noon hanggang ngayon. Hindi na nakapagtataka kung bakit madali ang pakikipagsabwatan ng mga kagaya ng pinatalsik na diktador, sa mga Duterte at Arroyo.
Sa huli, walang dudang dapat biguin ang pagtakbo ni Bongbong sa pagkapangulo. Ang pamumunong mala-Marcos ay hindi na dapat bigyan pa ng puwang dahil ito ay isang pamumunong diktador, pamumunong kurap, pamumunong sinungaling, at pamumunong mapang-abuso.
#NeverForget
#NeverAgain
#NoToBongbongMarcos2022
Featured image courtesy of Rappler