Ang Oktubre ay itinalaga bilang Pambansang Buwan ng mga Katutubo upang gunitain ang kultura at pagkakakilanlan bilang mga katutubo o Indigenous Peoples (IPs) na kabahagi ng ating lipunan, kalakip ng pagdidiin sa kanilang pakikibaka laban sa diskriminasyon at pang-aapi ng estado.
“Patuloy kaming tumitindig sa pagpapalakas at pagpapaugong ng mga panawagan at hinaing ng mga katutubong mamamayan ng Pilipinas na ilang siglo nang [pinagkakaitan] ng estado ng karapatang mamuhay nang payapa,” pahayag ng UP Anthropology Society (UP AnthroSoc) sa kanilang pakikiisa kasama ang KATRIBU-UPD, BAI Network, KATRIBU Kalipunan, NNARA-Youth, NNARA UPD, at SANDUGO sa pagdaraos ng Pambansang Buwan ng mga Katutubo.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte ay napaigting at napalala ang paghihirap na nararanasan ng mga IPs. Hindi nila natatamasa ang kanilang “karapatan sa sariling pagpapasya, lupa, edukasyon, at iba pang batayang serbisyong pampubliko na dapat ay naihahandog ng pamahalaan.”
ANG IPs SA GITNA NG PANDEMYA
Tinatayang 10% hanggang 20% ng populasyon ng Pilipinas ay mga IPs. Sila ay kadalasang naninirahan sa mga liblib na komunidad, dahilan ng mabagal na pagpaparating ng impormasyon hinggil sa COVID-19 at mga ipinatutupad na health protocol.
Ika-12 ng Mayo, 2020 nang maitala ang unang kaso ng katutubong natamaan ng COVID-19 sa Mindoro. Ang pasyente ay apat na taong gulang na Mangyan na, ayon sa ulat, ay may tuberculosis. Bagaman ay gumaling at ang kanyang pamilya ay walang ipinakitang sintomas ng COVID-19, ang kakapusan sa serbisyong medikal ay dahilan kung bakit ang mga sakit na may lunas naman, tulad ng TB, ay hindi agarang nagagamot.
Sa kakulangan din ng edukasyon sa mga rural na komunidad ay mabilis lumaganap ang disimpormasyon na maaring magpatibay ng mga pagdududa ukol sa pandemya.
Maging mga health protocol ay nakakaapekto rin sa kabuhayan ng mga IPs. Ang mga Dumagat sa Rizal ay itinuturing na “geographically isolated and disadvantaged area” o GIDA dahil sa matayog na lokasyon ng komunidad.
Ayon sa pahayag ng UP AnthroSoc, si Dahlia, isang Dumagat, at ang kanyang ina ay wala umano sa listahan ng mga benepisyaryo ng ayuda ng DSWD sa kanilang barangay. Naging dahilan ito upang siya ay lumuwas at ipagpatuloy ang paghahanap-buhay sa gitna ng pandemya.
Dagdag dito, ang panghihimasok ng mga pwersang militar at malalaking kompanya sa mga komunidad ng IPs ay mas nagpapalala ng kanilang paghihirap at lubusang inilalagay ang kanilang seguridad at buhay sa panganib.
MGA PAG-ATAKE SA IPs
Ika-11 ng Oktubre, 2021 nang mamataan ang tangkang panghihimasok ng dalawang kahina-hinalang indibidwal sa isang gusali sa UP Diliman.
“Nagpanggap silang donors mula sa organisasyon sa Cebu para papasukin ng guard sa gate. Ngunit noong tinanong sila ng mga taga Bakwit School, nagpakilala naman silang miyembro ng International Maharlika na organisasyon daw ng IP mula sa General Santos City,” ulat ng Save Our Schools Network.
Dagdag pa rito, ang mga kinikilalang Aisha Noreen Verano at Don Antono De Nieve ay “pilit” na inuusisa ang kinaroroonan nina Teacher Rius Valle at Bai Bibyaon.
Si Bai Bibyaon ay ang natatanging babaeng chieftain ng Manobo na nanguna sa pag-aaklas ng mga katutubo laban sa kumpanya ng troso na nanghimasok sa Bulubunduking Pantaron taong 1994.
Si Bibyaon ay kasalukuyang nananahan sa isang sangktwaryo sa kamaynilaan. Samantala, ang NCIP ay inakusahan ang SOS Network at Bakwit School sa Diliman ng pagpapabaya sa chieftain at sumang-ayon, kasanib ang Armed Forces of the Philippines (AFP), sa “rescue operation” ng chieftain.
Kinondena ito ni Bai Bibyaon bilang isang propagandang militar na naglalayong patahimikin ang mga IP.
Nababahala ang SOS Network na maaaring maulit ang raid na naganap sa Bakwit School sa University of San Carlos-Cebu, kung saan 7 Lumad teachers ang inaresto ng estado matapos silang iredtag at akusahang mga rebeldeng komunista.
Samantala, ngayong buwan din inaalala ang pag-apruba sa Batas Republika blg. 8371 o Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) noong ika-29 ng Oktubre, 1997.
Isa sa mga layunin ng batas ay ang pagtataguyod sa karapatan ng mga IPs sa kanilang lupang ninuno, at karapatan sa pagpapasya ng anumang proyektong pangsulong sa panawagan nila sa sariling lupa.
Subalit, sa hindi mainam na pagpapairal nito ay sinusupil, hinuhuli, at walang konsensyang pinapatay ang mga IPs ng estado. Sa mga development aggressionbuhat ng pangangamkam ng mga korporasyon sa mga lupang ninuno ng mga IPs, kadalasa’y dinadahas ang mga ito ng mga pwersa ng estado o kaya naman ay pinapipirma sa mga maka-isang panig na mga kasunduan.
Sa hulihan, nauuwi sila sa paglisan ng kanilang mga lupain para na rin sa kanilang kaligtasan. Pinatitirikan ng mga imprastraktura ng estado at malalaking kompanya ang ninakaw na lupa.
Disyembre 2020 naman nang salakayin ng mga militar ang ilang mga baryo sa Aklan sa kanilang umano’y paghahanap ng mga umanong miyembro ng New People’s Army (NPA). Siyam na lider ng mga katutubong Tumandok ang kanilang pinaslang at 16 na miyembro ang inaresto.
Iniuugnay ng ilang human rights at environmental groups ang insidente sa pagpapatayo ng mga dam sa ilog Jalaur at ilog Panay – bagay na tinututulan ng mga biktima sa engkwentrong militar.
Enero 2021 naman nang maglabas ng pampublikong abiso ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na nagsasaad na ang Tumandok “is not one of the indigenous cultural communities duly validated and recognized by the NCIP Regions 6 & 7.”
Malaking dagok ito matapos ang panreredtag ng estado sa mga Tumandok. Ang pagtawag pa ni Duterte sa mga IPs na mga terorista ay labis na nakapagpalubha sa kanilang sitwasyon.
Sa kabilang banda, sina Japer Gurung at Junior Ramos, dalawang magsasakang Aeta, naman ang dalawa sa mga unang nakasuhan sa ilalim ng Anti-Terror Law (ATL). Naghain ang dalawa ng petisyon sa pagbabasura ng ATL ngunit, umatras matapos ang maka-ilang pagbisita sa kanila ng mga elemento ng estado.
Pinaghihinalaan ng Sandugo na ang pag-urong ng petisyon nina Gurung at Ramos ay dulot ng “external pressure” mula sa pananakot ng NCIP.
Iginigiit ng UP AnthroSoc na huwad ang IPRA at NCIP sa pagrerepresenta nito ng mga IPs. Nagiging daan lamang ang mga ito sa pagkait ng kanilang kalayaan, “kagaya ng pagpapatagal ng proseso upang makakuha ng sertipikasyon para sa kanilang lupang ninuno, kawalan ng consensus sa pagpapatupad ng pagkuha ng kanilang free, prior at informed consent sa iba’t ibang proyekto, at ang paggamit sa NCIP upang mas pahintulutan ang atake sa kanilang mga karapatan.”
PATULOY ANG PAKIKIBAKA
Noong 2020 ay may isinampang kasong murder sa Davao del Norte laban sa 10 indibidwal hinggil sa pagpaslang kay Garito Malibato ng katutubong Karadyawan taong 2018. Isa ang pangalan ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) Chairperson Windel Bolinget sa nakalista.
Si Bolinget ay aktibong nangangampanya laban sa mga pinsalang pangkaligirang dulot ng mga imprastraktura ng malalaking korporasyon sa mga komunidad ng IPs sa Cordillera. Ilang taon na rin siyang minamata ng estado at mga pwersang militar dahil sa kanyang mga aktibong pakikibaka.
Kontra sa kanyang pagkakadawit, ayon sa mga ulat, ay ni hindi pa nakakarating si Bolinget sa lugar ng krimen nang ito’y mangyari. Ang mga katutubo sa lokalidad ay may itinuturong paramilataryong grupo bilang salarin sa insidente. Kaparehas ng itinuturong nagpadala umano ng death threatskay Malibato.
Nito rin lamang ika-22 ng Setyembre ay idinawit din ng NCIP ang SOS Network, KATRIBU, at iba pang pormasyong nagtataguyod sa mga karapatan ng IPs bilang mga kabahagi umano ng isang “Communist Terrorist Group” network.
Samantala, naghayag naman Ang Koalisyon ng Indigenous Peoples (AKO IP) Partylist Chairperson Gil Valera ng pagnanais na pagtulong sa mga IPs upang “yung kamangmangan nila ay maging matalino na sila.”
Tahasang binatikos ng CPAang pahayag ng AKO IP at pinaratangang misedukado. Anila, ang mga ganito ring sentimyento ay ugat ng diskriminasyon at maling pakahulugan sa mga IPs.
Iginiit ng CPA: “Hindi kami mangmang!” Ang karunungan ay hindi nakukulob sa mga sulok at pasilyo ng mga institusyong pang-edukasyon. Ang mga IPs ay eredero ng siglo anyos nang kultura at kasanayang may tumbas na panghabang-buhay na karunungan.
Dagdag pa ng CPA, ang mga payasong naninindigan umano kasama ang mga minorya para lamang mailuklok sila sa pwesto ay hindi angkop na kumatawan sa mga IPs sa Kongreso.
“Let us choose public servants that engage our voices and efforts in the process of crafting these laws and the implementation of which,” pagdidiin ng CPA sa nalalapit na halalan.
Patuloy ang pagpapatahimik ng estado sa mga IPs na lumalaban para sa kanilang mga karapatan. Ngunit, sa kabila nito, patuloy pa rin ang kanilang pakikibaka na hindi pasisindak sa mga pananakot ng estado.
“Agbiag dagiti nailyan a minorya! (Mabuhay itong ating mga minoryang kababayan!)” tindig ng CPA.
Featured image courtesy of PhilStar