By: Sinag Staff
Higit 50 kasapi ng Coco Levy Fund Ibalik Sa Amin (CLAIM) – Quezon ang pwersahang pasusukuin umano ng 201st Brigade ng Philippine Army mamayang ala-1 ng hapon sa Atimonan, Quezon, ulat ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK).
Ang mga kasapi ng CLAIM-Quezon ay dadalhin sa Zone 3, Poblacion, Atimonan upang ilantad bilang mga miyembro umano ng rebeldeng grupong Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ani ng KASAMA-TK, ang iskemang ito ay matagal nang pinagkakakitaan ng militar sa ilalim ng E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program) Amnesty Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang programang ito ay ang naghuhudyat sa serye ng peke at mararahas na pagpapasuko ng mga pwersa ng estado sa mga magsasaka, kung saan ang militar ay maaaring kumita ng P60,000.
Dagdag pa rito, ang E-CLIP ay huwad na magbibigay daw ng “tulong, kaalaman, at kasanayan sa pagbabagong buhay” ng mga “magbabalik-loob” umano sa gobyerno.
Ilang beses nang naiulat ang mga pekeng pagpapasuko ng militar sa pinararatangan nilang mga miyembro umano ng BHB. Nitong Abril, nasa 244 na mga “fake surrenderees” sa San Jose Del Monte, Bulacan ang lumantad bilang mga dating miyembro ng BHB. Anila, sila ay may koneksyon daw sa Bayan Muna at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY).
Mariing ipinagpapanawagan ng sektor ng mga magsasakang itigil na ang pwersahan at pekeng pagpapasuko. Ayon sa tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na si Danilo Ramos, ang galawang ito ay isang porma ng red-tagging at ginagamit upang pangatwiranan ang pagpaslang sa mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 342 na pinaslang na mga magsasaka sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Ayon sa isang ulat ng Bulatlat, ang mga magsasaka ay pinapipirma ng mga “surrender papers,” at kapag sila’y hindi sumunod ay maaaring idaan sa mental torture, pananakot, at dahas. Pagdidiin ng KMP at Tanggol Magsasaka na parte ito ng Barangay Development Program (BDP) ng NTF-ELCAC. P28 bilyon ang inaprubang pondo para sa task force sa taong 2022.
Tahasang kinukundena ng KASAMA-TK at KMP ang nagbabadyang pekeng pagpapasuko sa mga kasapi ng CLAIM-Quezon. Kanilang ipinapanawagan sa Commission on Human Rights (CHR) at sa lokal na pamahalaan ng Quezon na “tumindig kasama ang mga magsasaka at pigilan ang pasistang atake ng AFP sa kanila.”
Featured image courtesy of Philstar Global