Mala-Hitler na pag-atake sa silid-aklatan, pag-atake rin tungo sa kaalaman at kapayapaan


Malaki ang gampanin ng mga libro sa mundo, lalo na sa pamumuhay ng tao. Ito ang pangunahing pinagmumulan ng impormasyong ginagamit natin sa pang-araw-araw.  Bukod dito, ang libro ay esensyal sa ‘nation-building’ dahil nakatutulong itong maiwasan ang mga pagkakamali ng nakaraan at makabuo ng mga solusyon sa mga problemang kinakaharap ng bansa. 

Makasaysayan ang ‘Book Burning’ ng mga Nazi sa Germany noong Mayo 10, 1933. Ito ang pagsunog ng mga Nazis sa mga librong hindi naglalaman ng ideolohiyang ipinakakalat nila. Paraan ito ng mga Nazi upang kitilin ang mga kaisipang lumaban sa diskriminasyon sa mga Hudyo, o anti-semitism, na pag-iisip at kanilang amang militaristang pamamalakad.

Makalipas ang  88 taon, ginagawa ito ngayon ng rehimeng Duterte sa bansa. Sapilitan at sistematikong tinatanggal ang mga librong tumatalakay sa tanging susi sa pangmatagalang kapayapaan na demanda ng digmaang bayan sa bansa — ang mga laman ng libro ng NDFP.  

Nitong Setyembre, nagkaroon ng mga ulat ukol sa boluntaryong pagtanggal ng mga librong mula sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang koalisyon na nangunguna sa usaping pangkapayapaan, sa ilang state universities sa bansa. Nauna ang Kalinga State University (KSU) sa pagpapaalis ng mga librong ito na siyang sinundan naman ng Isabela State University (ISU) at ng Aklan State University (ASU). 

Sinabi ng Board of Regents ng KSU na napagdesisyunang alisin ang mga libro ng NDFP sa kanilang silid-aklatan upang “protektahan” ang kanilang mga mag-aaral sa mga ideolohiya ng NDFP. Ganito rin ang dahilan ng ISU at ASU sa pagpapatanggal ng mga libro. 

Kabilang sa mga librong ipinatanggal ay mga akda ni propesor Jose Maria Sison, ang tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP). Ilan sa laman ng mga librong tinanggal ang mga hakbang na isinagawa ng estado at ng mga pangkaliwang organisasyon upang maiwasan ang mga giyera sa pamamagitan ng panlipunang programa tulad ng pagsasaayos ng reporma sa lupa at pagtataguyod ng demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino.

Iminungkahi ng KSU na ang desisyon nilang alisin ang mga libro ay nangyari matapos ideklara ng Anti-Terrorism Council (ATC) na isang ‘terrorist organization’ ang NDFP noong Mayo 2021 at pinalitan ito ng mga materyales mula sa AFP. Sa ASU naman, naging kapalit ng isang librong inalis ang isang aklat mula sa RTF-ELCAC 6. 

“ISU supports the government’s ‘whole-of-nation’ approach to [communist insurgency]. As an academic institution, ISU has its mandate to protect the Filipino youth and ensure their future by providing them quality and relevant education,” lahad ni ISU President, Ricmar Aquino. 

Kaakibat ng pag-atake sa pang-akademikong kalayaan, nakita rin ang kawalan ng interes ng estado sa pagtuloy ng peace talks nang tanggihan ito ni Pres. Rodrigo Duterte noong Abril 2020. Dahil sa kawalan ng maayos na pagkukuhanan ng impormasyon, hindi maayos na naipababatid sa mga mag-aaral ang mga isyung panlipunan.

Samantala, kinikilala ng United Nations na ang armed conflictay dulot ng kawalan ng maayos na pamamahala ng gobyerno at pagkalimot sa ibang mga sektor ng lipunan.

Kabilang ang pangyayaring ito sa plano at hangarin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na wakasan ang terorismo sa bansa gamit ang dahas at pang-aabuso sa karapatang pantao. Talamak ang mga kaso ng ‘red-tagging’ na kagagawan ng task force. Maraming tao na ang natapakan, napagbintangan, at nalalagay sa panganib dahil dito at ngayon nama’y mga paaralan ang kanilang pinupuntirya. 

Maraming tao ang hindi komportable na pag-usapan ang nangyayaring digmaang sibil sa bansa pati ang mga grupo na kasama dito.  Ang ganitong pag-iisip ay isa sa dulot ng kawalan ng sapat na impormasyon kaya’t mas dapat na alamin ang mga nangyayari, na siyang mas mauunawaan natin gamit ang mga libro ng NDFP. Ngayong binawasan pa ang mga librong tumatalakay dito, paano ito mauunawaan ng kabataan at ng iba pang mamamayan? Paano ito masosolusyunan pagdating ng panahon na sila naman ang mamumuno ng bansa?

Ang pagkakait ng oportunidad sa mga mag-aaral upang basahin ang mga sulating tungkol sa prosesong pangkalayaan ay pagkakait din sa mga mag-aaral na intindihin ang ugat ng nagaganap na digmaang sibil: ang laban para sa lupa. Ang pang-akademikong kalayaan ay pinapayagan magsaliksik at mapag-aralan ang iba’t ibang uri ng kaisipan sa mundo, kasama na rin ang realidad na kinabibilangan natin.

Hindi kailangang ‘protektahan’ ang kabataan sa mga libro at impormasyon tungkol sa mga armadong labanan at sa mga kaisipan ito. Hindi layunin ng mga libro ng NDFP ang  mamilit na tumangan ng armas. Isang malaking kasalanan at kawalan na ipagkait sa kabataan ang oportunidad na matutuhan ang mga isyung nakakaapekto sa bansang kinabibilangan nila. Minamaliit ng estado ang kakayahan ng kabataan na intindihin at iproseso ang kanilang mga natututunan sa takot na sila ay kumilos laban sa mga inhustisyang dala nito.

Ang pagtanggal ng mga librong ito ay isang pag-atake laban sa akademikong kalayaan. Hindi natin dapat hayaang magpatuloy ang ganitong uri ng pamamalakad at paghihigpit sa mga karapatan ng mga mag-aaral. Tama na ang pang-aabuso ng estadong ito sa kalayaan ng mamamayan. Kailangan na nating kumilos at wakasan ang diktadurang ito. Dapat tayong tumindig at lumaban para mas magkaroon ng pagkakaintindihan at mapanatili ang kapayapaan. 

Defend academic freedom. Protect the freedom of thought. Hands off our libraries!

Featured image courtesy ofISU-ECHAGUE

Exorcising the ghosts of our feudal past

‘Campus Tour’ at donasyong libro ng NTF-ELCAC sa UP Visayas, kinundena ng mga organisasyon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *