Pagpapalayas at pagkundena ang naging tugon ng mga organisasyon ng Unibersidad ng Pilipinas Visayas (UPV) kay NICA Regional Director Ana Liza Umpar ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) Region 6 at ilan pa niyang mga kasama, matapos nilang mag “campus tour” kasama ang ilang administrador ng UPV noong Oktubre 29, Biyernes.
Kasabay nito ay ang pagtanggap ng administrasyon ng UPV ng mga librong mula sa NTF-ELCAC na kilalang umaatake sa mga taga-UP at mamamayang kritiko ng administrasyong Duterte.
Ayon mismo sa Facebook post ni UPV Tsanselor Clement Camposano, mas pinili niyang huwag isara ang pinto ng unibersidad sa mga nais silang patahimikin. Gusto lamang niyang panindigan kung ano ang kanilang sinasabi at isapraktika ang lahat ng kanilang itinuturo. Dagdag pa niya, ang kalayaan sa pagpapahayag na kinakatawan ng unibersidad ay tumatagos hanggang sa mga taong salungat sa kanilang ideya.
“I prefer not to censor those who would want to censor us by closing the doors to them. Because I would rather that we walk the talk, that we practice what we preach. Because the freedom of expression that the University represents extends to those whose ideas we don’t like”.
Batikos naman ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (SAMASA-UPV), hindi dapat magkaroon ng kompromiso ang unibersidad sa mga mapaniil na puwersa ng pamahalaan lalo sa panahong kahit ang UP-DND Accord na nangangalaga sa kalayaang-akademiko ay sapilitang ibinasura ng administrasyong Duterte.
Dagdag pa nila, habang ang Anti-Terrorism Act of 2020, primaryang tagapagpakalat ng pekeng balita at sumusupil sa karapatan at kalayaan ng mamamayan, ay isinabatas ng administrasyong Duterte. Hindi raw katanggap-tanggap ang nangyaring ito sa unibersidad na tinaguriang balwarte ng aktibismo na may mandatong “honor and excellence.”
Noong Enero lamang ay nilabanan ng mga komunidad sa loob at labas ng UP ang pagkansela ng Department of National Defense (DND) sa 1989 UP-DND Accord na naglilimita ng pagpasok ng mga sundalo at pulis sa unibersidad. Matatandaang sunod-sunod ang banat ng administrasyong Duterte sa UP at iba pang kritiko nang malantad ang mga anomalyang kinasasangkutan nila.
Hindi rin kinatigan ng mga biktima ng administrasyong Duterte ang nangyari. Kwento ni UPV Propesor Tomas Talledo sa SINAG, dalawang taon na ang nakalipas nang mabiktima siya ng red tagging. Aniya, hindi ito makatarungang karanasan bilang mamamayan at bahagi ng akademya.
“Nearly two years ago I was a victim of red tagging. It was the most unjust experience for me as a citizen and as a member of the academic community,” aniya sa panayam.
Pagdidiin niya, para daw sa UPV na anyayahan ang NTF-ELCAC sa pag-unawa na kinakatawan nito ay kabaligtaran ng “intelektwalisasyon” (kasama ang mga donasyong libro) ay gumagawa ng alinman sa isang walang muwang na inaasahan o walang saysay na kilos ng pangangalaga sa sarili.
Dagdag pa nga ng mga mag-aaral ng UPV, aanhin ang mga donasyong libro ng NTF-ELCAC kung sa una pa lang ay batid nang sila ay lumabag sa mga karapatang pantao.
Lumiham naman ang mga organisasyon ng UPV sa Opisina ng Tsanselor upang hingiin ang kopya ng naging pag-uusap nila ng NTF-ELCAC, at listahan ng mga donasyong libro.
Nananawagan ang SAMASA UPV sa administrasyon ng Unibersidad na palakasin pa ang proteksyon nito sa mga kawani, guro, estudyante at iba pang sektor, sa halip na gamitin ang kampus para sa propaganda ng NTF-ELCAC. Kaugnay pa nito ang panawagan sa agarang paglipat ng pondo ng ahensya sa serbisyong kalusugan, edukasyon, at iba pang batayang serbisyo.
Kasalukuyan namang hinaharang ng mga alyado ni Pangulong Duterte sa Kamara ang pagpasa ng UP-DND Accord. Bagay na mas nagpadismaya sa komunidad sa pagpasok ng NTF-ELCAC sa kampus ng UPV.
Samantala, sa ibang pamantasan, idineklarang persona non grata sa Polytechnic University of the Philippines, College of Communication ang NTF-ELCAC.
Featured image courtesy of Chancellor Clement Camposano