Ilitaw si Steve Abua. Sigaw ng mga kaibigan, organisasyon, magsasaka, at kaanak ni Abua matapos itong dukutin ng mga pinaghihinalaang ahente ng militar noong Nobyembre 6, sa Sta. Cruz, Lubao, Pampanga, dakong alas-2 ng hapon, ulat ng Pamalakaya Bulacan.
Si Abua ay kasalukuyang kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at katuwang ng mga magsasaka sa pagsusulong ng mga karapatan. Hanggang ngayon ay wala pa ring balita kung saan dinala si Abua.
Siya ay nagtapos ng BA Statistics at nanilbihang Konsehal sa UP Diliman Statistics Student Council noong 2006, ayon sa inilabas na pahayag ng pagkundena ng Opisina ng Rehente ng mga Mag-aaral ng UP kaugnay ng pagdukot.
Saad ng mga kaibigan ni Abua sa UP, dati rin siyang miyembro ng League of Filipino Students (LFS) – UPD, at noon pa man ay aktibo nang lumalahok sa pakikipaglaban sa mga isyung panlipunan sa loob at labas ng UP. Anila, masigasig na lider-estudyante si Abua na walang pag-iimbot na inalay ang talino at galing sa piling ng mga magsasaka.
Isang huwarang Iskolar ng bayan si Abua na piniling maglingkod nang buong-buo sa bayan para sa kanyang mga nakasama.
Bahagi si Abua ng malawakang pagtutol ng mga magsasaka sa pagsasabatas ng Rice Liberalization Law na anila’y lalo pang nagpahirap sa kanilang kabuhayan. Bunsod nito, tumaas ang presyo ng bigas at bumaba naman ang presyo ng palay.
Kinundena rin ni Julia Bandong, kasalukuyang Chairperson ng UPD Statistics Student Council ang nangyari. Sa isang interbyu sa SINAG, aniya, gagawin talaga ng administrasyong Duterte ang lahat ng panunupil sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao para itago ang katotohanan–kahirapan at kainutilang ibinunga ng kanyang rehimen.
Dagdag pa ni Bandong, sa halip na tunay na reporma sa lupa ay militarisasyon ang ibinigay ni Duterte sa mamamayang Pilipino. Bagay na lalong nagsasabing wasto aniya ang lumaban at ang panawagang panagutin at patalsikin na ang pangulo.
Ayon sa pagsisyasat ng SINAG, isa si Abua sa mga Alumni ng UP na dinukot sa ilalim ng administrasyong Duterte. Kamakailan lang nang dukutin rin si Kemuel Ian Cometa, alumni ng UP Los Baños.
Featured image courtesy of Ram Hernandez