Ibinasura na ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 19 ang patung-patong na kaso laban sa mag-asawang at Michael Bartolome nitong hapon, ika-24 ng Nobyembre.
Ayon sa grupong Karapatan, tagumpay ang paglaya nina Agovida at Bartolome na naglantad sa inhustisyang nararanasan ng mga bilanggong pulitikal at ang modus ng pagtatanim ng mga bala at pampasabog at pagsasampa ng gawa-gawang kaso ng administrasyong Duterte.
Kasabay ng pagdinig kaninang umaga, nagkilos-protesta ang grupong Kapatid mula sa Manila post office hanggang sa Manila City Hall upang ipagpanawagan ang paglaya ng mag-asawa.
Inaresto sina Agovida at Bartolome noong madaling-araw ng ika-31 ng Oktubre 2019, sa bisa ng mga gawa-gawang kasong ilegal na pagmamay-ari ng armas at pampasabog na isinampa sa tinaguriang “Manila 5” kasama sina Reina Mae Nasino, Alma Moran, at Ram Bautista na mga aktibista at organisador sa Maynila.
Ayon sa mga nakakita, tinaniman ang tahanan ng mag-asawa ng mga ebidensya, at niraid sa bisa ng search warrant na inilabas ni Quezon City RTC Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert.
Ulat pa ng isa naming source, ilang araw bago hulihin ang mag-asawa ay may namataan ng mga nagmamanman sa kanilang bahay at nilooban din ito at ninakaw ang mga gamit at laptop nila.
Si Villavert ay ang punong-abala sa pagpapalabas ng mga warrant na ginagamit ng pwersa ng estado sa pag-aresto sa mga kritiko nito. Tanyag siya sa paglalabas ng 54 na arrest warrant sa kasagsagan ng Oplan Sauron sa isla ng Negros na pinuntirya rin ang mga aktibista.
Batay sa datos ng Karapatan, nasa 76 na mga warrant na ang inilabas ni Villavert, kabilang na ang pag-aresto sa mamamahayag na si Lady Ann Salem, Reina Mae Nasino, at anim pang mga unyonistang inaresto noong International Human Rights Day taong 2020.
Pagdidiin ng grupong Karapatan at Gabriela Women’s Party-list na palayain na ang mga pulitikal na bilanggo. Isa na rito si Moreta Alegre, 74-anyos, na ilang dekada nang nakapiit sa kulungan.
Si Alegre ay inaresto noong taong 2005, kasabay ng kanyang asawa na si Jesus Alegre at anak na si Selman, sa patung-patong na kasong pagpatay. Hindi sila pumayag na ibenta ang kanilang maliit na lupa upang gawing resort.
Tagapagsalita ng Gabriela Metro Manila si Agovida. Siya rin ay ang tagapangulo ng Gabriela Manila, at ang namumuno sa ‘Bangon Babae Network. Education officer naman ng Kadamay Metro Manila ang asawa niyang si Bartolome, at siya ring nangunguna sa mga konsultasyon sa maralitang lungsod sa Maynila.
Sa bisa ng pagbabasura ni Judge Marlo Magdoza-Malagar sa kaso, opisyal nang nakalaya sina Agovida at Bartolome nitong gabi, ika-24 ng Nobyembre ayon sa balita ng kanilang abogado na si Atty. Kathy Panguban.
“Pinapakita lamang nito na walang silbing ahewnsya ang NTF-ELCAC na nagpapalaganap ng mga maling impormasyon at lumalalang red-tagging na nilalagay sa kapahamakan ang mamamayan at nagwawaldas ng pondo para sa walang tigil na lumalalang paglabag sa karapatang-pantao,” pahayag naman ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat hinggil sa paglaya ng dalawa.
Ayon naman kay Panguban, malaking tagumpay ang paglaya na ito dahil matutupad na ang testimonya ng kanilang 12-taong gulang na anak na hiling nang lumaya ang ama’t ina upang makasama na ang mga ito matapos ang dalawang taong pagkakakulong.
Sina Agovida at Bartolome na ang ikalimang kasong ibinasura batay sa search warrant na inilibas ni Villavert.
Gayunman, marami pa rin ang mga bilanggong politikal na nakakulong na tinatayang nasa 700 na ayon sa Karapatan kung saan kabilang sina Moran, Bautista, Nasino, at lima pang iba sa HR Day 7 na ipinakulong ni Villavert.
#FreeAllPoliticalPrisoners
Featured image courtesy of Gabriela