Kinasuhan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ng libel noong Nobyembre 29, Lunes, sa Taguig City Prosecutor’s Office ang labingsiyam na mamamahayag at editor mula sa Manila Bulletin, ABS-CBN News, BusinessWorld, Rappler, Philippine Star, GMA News, at Business Mirror na nagbalita ukol sa isyu ng maanomalyang Malampaya deal kung saan 90% ay napasakamay ni Dennis Uy.
Nakakuha ng kopya ng reklamo ang mga inakusahan noong Biyernes, Disyembre 3. Ayon dito, nagsampa si Cusi ng kaso upang protektahan umano ang kanyang integridad bilang isang serbisyo‐publiko.
“To defend [his] family’s honor and to send a strong message that there is a fair and humane way to settle misunderstandings and differences without resorting to malicious news reporting,” ayon sa reklamo.
Inakusahan ni Cusi ang mga mamamahayag na pinagbintangan umano siya sa kani‐kanilang artikulo na mayroon siyang ginawang ilegal kaugnay sa pagbenta ng halos lahat ng bahagi ng Malampaya project kay Dennis Uy, kaalyado at kaibigan ni Pang. Duterte.
Subalit, ipineresenta lamang ng mga nadawit na mga mamamahayag ang posisyon ng mga taong naghain ng kasong graft laban kay Cusi.
Kinasuhan ni Cusi ang mga taong naglathala lamang ng mga impormasyon. Hindi rin lamang basta‐basta tsismis ang mga naibalitang impormasyon. Mga seryosong akusasyon ito ng mga naghain ng kaso laban kina Cusi at Uy.
Bukod pa rito, nakasaad sa reklamong naghahabol si Cusi ng hindi bababa sa P200 milyon mula sa bawat media companies na nadawit o kabuuang P1.4 bilyon para diumano sa mga pinsala.
Ang mga kinasuhang mamamahayag ay sina:
- Carlo Katigbak at Lynda Jumilla ng ABS-CBN, Corp.;
- Wilfredo G. Reyes at Bianca Angelica D. Añago ng Businessworld Publishing, Corp.;
- Maria A. Ressa, Aika Rey, Glenda M. Gloria, at Chay F. Hofileña ng Rappler, Inc.;
- Camille Diola, Rhodina Villanueva, at Ian Nicolas Cigaral ng Philstar Global, Corp.;
- Jaemark Tordecilla at Ted Cordero ng GMA New Media, Inc.;
- Samuel Medenilla, Lenie Lectura, at Lourdes M. Fernandez ng Philippine Business Daily Mirror Publisning, Inc.; at
- Hermino Coloma Jr., Loreto D. Cabañes, at Jel Santos ng Manila Bulletin Publishing, Corp.
Ang Malampaya Deal
Maaalalang naghain sina Balgamel de Belen Domingo, Rodel Rodis, at Loida Nicolas Lewis sa Ombudsman ng kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act noong Oktubre 19, 2021 laban kina Energy Secretary Cusi at Dennis Uy dahil sa umano’y maanomalyang pagbenta ng halos lahat ng stake ng Malampaya project sa Udenna Corporation na pagmamay‐ari ni Uy.
Ayon sa kanila, pinadali umano ni Cusi ang pagbenta ng sales ng Chevron na dating may kontrol sa Malampaya sa Udenna Corp.
Binili noong Oktubre 25, 2019 ni Uy ang lahat ng 45% stake sa Malampaya project na pagmamay‐ari ng Chevron Malampaya LLC, sangay ng Chevron Philippines, at inilipat sa UC Malampaya Philippines, sangay ng Udenna Corporation. Inanunsyo ng Udenna Corp. noong Marso 11, 2020 na tuluyan na nitong nakuha ang halos kalahating bahagi sa Malampaya mula sa Chevron.
Noong Mayo 20, 2021 naman, inanunsyo ng Royal Dutch Shell na ipinagbenta na rin nito sa Udenna Corp ang lahat ng 45% stake nito sa Malampaya. Sa kasalukuyan, hawak ni Uy ang 90% ng Malampaya, at hawak naman ng kumpanya ng gubyerno na Philippine National Oil Company (PNOC) ang natitirang 10%.
Giit ng mga naghain ng kaso, walang bisa ang mga nangyaring transaksyon dahil lumabag umano ang mga ito sa kontrata ng Malampaya na nakapaloob sa Presidential Decree No. 87 na nagsasaad na kailangan ng aprubal ng Department of Energy (DOE) ang mga paglipat ng mga karapatan at obligasyong kontrakwal. Subalit wala umanong nailabas na pormal na aprubal ang DOE nang malipat ng Chevron ang sales nito sa UC Malampaya.
Ikinuwestyon rin ni Rodis ang pagiging lehitimo ng sangay ng Udenna na siyang bumili ng mga bahagi mula sa Chevron at Shell. Ayon sa kanya, hindi pa pormal na rehistrado ang UC Malampaya Philippines noong binuo ang naunang kontrata noong Abril 2019.
Tumutukoy ang nasabing Malampaya project sa sama‐samang pagkuha ng pambansa at pampribadong sektor sa natural na langis sa Malampaya-Camago field, sa West Philippine Sea malapit sa Palawan, na sinimulan noong 2001. Ito ang nagbibigay ng 40% ng enerhiya sa Luzon.
Gayunman, bagaman nawala na ang Shell at Chevron, nananatili sa kamay ni Uy ang monopolyo sa suplay ng langis. Kasabay ito ng pagratsada ng presyo ng langis na labis na ikinagagalit ng mamamayang tsuper at mamimili.
Sina Cusi, Uy, at ang Pangulo
Ayon kay Rodis, isa sa mga naghain ng graft laban kina Cusi at Uy, nakatulong umano ang pagiging malapit ni Uy Kay Pang. Duterte upang mabili niya ang halos lahat ng bahagi ng Malampaya.
Maaalalang parehas na taga‐Davao sina Uy at Duterte, at nasa Davao rin ang headquarters ng Udenna. Itinakda rin ng Pangulo si Uy bilang Presidential Adviser for Sports noong 2016.
Matatandaan ding si Energy Secretary Alfonso Cusi ang presidente ng partido ng Cusi faction ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP–Laban) kung saan tagapangulo naman si Pang. Duterte.
Libel at Kalayaan sa Pamamahayag
Sa kabilang banda, ikinababahala naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagkaso ng libel laban sa mga mamamahayag. Pinagdiin ng NUJP ang suporta nito upang ipawalang-kaso ang libel dahil nagagamit ito para puksain ang kalayaan sa pamamamhayag.
Maaalalang ipinawalang‐bisa ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals laban kay Raffy Tulfo, pati na ang dalawa pa niyang kasama sa “Abante Tonite,” sa kasong libel dahil sa mga sinulat niya noong 1999 hanggang 2000 ukol sa mga umano’y “shady deals” ng isang Bureau of Customs lawyer.
“Public officers are accountable to the people, and must serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency, act with patriotism and justice, and lead modest lives. Speech that guards against abuses of those in public office should be encouraged. Petitioner Tulfo should be acquitted,” ayon sa desisyon noong Enero 11, 2021 na nilathala noong Hunyo 29, 2021.
“The need to protect freedom of speech and of the press cannot be understated. These freedoms are the most pervasive and powerful vehicles of informing the government of the opinions, needs, and grievances of the public. It is through these guarantees that the people are kept abreast of government affairs. Without these rights, no vigilant press would flourish. And without a vigilant press, the government‟s mistakes would go unnoticed, their abuses unexposed, and their wrongdoings uncorrected,” dagdag ng Korte.
Kaya naman sinusuportahan ng NUJP ang pagsasawalang‐kaso ng libel sa bansa.
Giit ng NUJP, “The UN Human Rights Council has pointed out that the criminal libel law in the Philippines is excessive and is incompatible with the International Covenant on Civil and Political Rights.“
Dagdag pa ng grupo, sa halip na purgahin ang mga mamamahayag, dapat ituon na lang daw ni Cusi ang pansin niya sa mga anomalya sa Malampaya.
“May we remind Secretary Cusi of what the Supreme Court said about public officials suing for libel: “Without a vigilant press, the government’s mistakes would go unnoticed, their abuses unexposed, and their wrongdoings uncorrected,” dagdag ng NUJP.
Panawagan rin nila ang pag-alis sa libel bilang isang krimen na panawagan din ng College Editors’ Guild of the Philippines (CEGP).
“We renew our call to #DecriminalizeLibel as it is being used by selfish politicians who strive to target truth defenders. We stand firm in our call to #DecriminalizeLibel and uphold the freedom of the press. We vehemently condemn acts that threaten the freedom of the press from doing its mandate to expose and oppose irregularities of our government,” ayon sa CEGP.
Giit ng dalawang grupo, kailangang ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag sa ilalim ni Pang. Duterte. Matatandaang sa ilalim niya ipinasara ang ABS-CBN, kinasuhan ang Nobel Prize awardee na si Maria Ressa at Rappler, at kinulong at pinatay ang nasa 21 na mamamahayag mula sa alternatibo at lokal na midya.
#DefendPressFreedom
#DecriminalizeLibel
Featured image courtesy of DOE.