Nagsumite ang UP Office of the Student Regent (OSR) ng posisyong papel noong ika-5 ng Disyembre, Sabado, patungkol sa institusyonalisasyon ng UP-DND Accord para sa gaganaping pagdinig sa Senado ika-7 ng Disyembre, Martes.
Pinagdiinan ng OSR sa posisyong papel na mayroong mahalagang gampanin sa pagbibigay-proteksyon sa mga bumubuo ng unibersidad ang Accord.
“However, frequent breaches of the provisions in the agreement have significantly endangered the security and welfare of our constituents.”
Ani SparkLINGG, UPD Linguistics Core Group, head Janina Navarra, “ang unilateral na pag-abroga [sa UP-DND Accord] ay isang manipestasyon ng pag-crackdown ng gobyerno sa lahat ng mga kritiko nito.” Inihayag niya rin ang pagsuporta sa institusyonalisasyon ng Accord bilang pagprotekta sa kalayaang pang-akademiko ng mga mag-aaral.
Dagdag naman ng OSR, bukas ito sa anumang probisyon sa pagsasa-institusyon ng 1989 UP-DND Accord. Nananatili naman ang pagtanaw nito bilang hakbang upang pagtibayin ang seguridad at pigilan ang mga paulit-ulit na pag-atake sa mga kasapi ng unibersidad.
Umaasa ang OSR na ipapasa ng Senado ang pagsasabatas sa mga bills na naglalayong gawing institusyonal ang Accord sa ikatlong pagbasa bago ang ika-15 ng Disyembre—ang pagwawakas ng pulong.
Magaganap ang pagdinig sa Senado ng alas diyes ng umaga sa Sen. Geronima T. Pecson Room at isasa-publiko sa pamamagitan ng teleconference. Magkakaroon ng talakayan ukol sa House Bill (HB) No. 10171 “transmitted to Senate for its action” at mga Senate Bill (SB) Nos. 2002, 2014, and 2035 na naglalayong isa-institusyon ang “provisions of the UP-DND Accord into the UP Charter”—isa sa tunguhin ng Committee on Higher, Technical, and Vocational Education.
Nagsumite naman sina Sen. Kiko Pangilinan, may-akda ng SB 2014, at Sen. Leila de Lima, may-akda ng SB 2035, ng bukod pang bill na naglalayon ding magbigay-proteksyon sa iba pang mga higher education institution.
Sa pagpupulong ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC) noong ika-20 ng Setyembre, ipinahayag ni Rep. Jesus Crispin Remulla ang kanyang pag-aalinlangan sa pagpasa ng HB 10171 o UP Security Bill. Aniya, naganap ang pagpasa sa isang “busy season”—kung kailan maraming pagdinig sa mga budget—kaya “rushed” umano ang proseso.
Nagmungkahi siya ng “reconsideration” ukol sa ikatlong pagbasa ng HB 10171. Sinagot naman ito ng isang liham ni Rep. Sarah Elago kasama ang iba pang kinatawan sa House of Representatives (HoR) upang mapawalang-bisa ang suhestiyon ni Rep. Remulla na labag sa patakaran.
Kapag naipasa ang mga SB sa pagdinig at, “if needed, a bicameral conference committee reconciles differences” at naaprubahan ng Pangulo ang HB 10171 ay ganap na maisasabatas na ang Accord.
“The UP community stands by the broad unity we established to defend the university and its very lifeblood: academic freedom. We will continue to protect and defend the sanctity of the university and the sanctuary of the people,” tindig ng OSR.
Nananawagan naman ang OSR sa mga UP student council, organisasyon, at pormasyon na maglabas ng pahayag at makilahok sa pagkilos na gaganapin para sa National Day of Action for Academic Freedom na magsisimula ng 7:30 nang umaga sa University Avenue sa pamantasan, kung kailan magsasagawa ng caravan mula UP Diliman hanggang Senado dakong 8:00 nang umaga, at pormal na magsisimula ang Joint Senate Hearing ng 10:00 nang umaga.
Hinihikayat din ng OSR ang pagpapadala ng email sa mga Senador at miyembro ng Committee on Higher, Technical, and Vocational Education.
Dagdag pa ng OSR ay ang pakikialam ng mga miyembro ng UP Community sa anumang pagsulong ukol sa Accord ay paraan upang palakasin ang depensa para sa “institutional autonomy of the university.”
Giit ni Navarra ay inaasahan niya na maipasa ang Accord sa darating na pagdinig at magkaroon ng mga hakbang na magpapalawig nito “sa lahat ng State Universities and Colleges (SUCs).”
Samantala, kasalukuyan namang pinagugulong ang pagbubuo sa Ugnayang Tanggol KAPP (UTAK) na binubuo ng iba’t ibang pormasyon at organisasyon sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) upang patuloy at palakasin ang panawagang depensahan ang kolehiyo.
“Together, let us win the rights, freedoms, and protections of UP, its constituents, of all academic institutions, and of the people,” anyaya ng OSR.
Featured image courtesy of Rappler