Pagboto sa Anti-Terror Law: Bayan at Kasaysayan ang Huhusga


Naganap noong ika-7 ng Disyembre, Martes, ang deliberasyon ng Korte Suprema (SC) sa mga petisyong inihain laban sa Anti-Terror Law (ATL). Sama-samang pinagdesisyunan ng mga mahistrado ang interpretasyon sa batas na matagal nang tinuligsa ng iba’t ibang grupo.

Nitong ika-9 ng Disyembre, pormal nang idineklara ang Seksyon 4 at Seksyon 25 ng ATL na labag sa Konstitusyon ngunit idineklarang konstitusyonal ang natirang bahagi na sinasabi ng mga kritiko ng ATL na umaapak pa rin sa karapatang pantao.

Sa ngayon, liban sa paglalabas ng ilang detalye at maiksing pabatid, hindi pa rin inilalabas ng mga mahistrado ang opisyal na paliwanag hinggil sa desisyon ng SC.

Idineklarang hindi konstitusyonal ang Seksyon 4 matapos ang botong 12-3.

Partikular na idiniin sa Seksyon 4 ang: “…which are not intended to cause death or serious physical harm to a person, to endanger a person’s life, or to create a serious risk to public safety.” Hindi konstitusyonal ang seksyon 4 dahil umano’y sumasagasa ang di-malinaw na depinisyong ito sa saligang karapatan.

Idineklarang hindi konstitusyonal ang Seksyon 25 matapos ang botong 9-6. Bunsod nito, inaalis ang kapangyarihang magtalaga ng Anti-Terror Council (ATC) sa mga indibidwal na ninais ng ibang hurisdiksyon at supranasyonal kung naabot ang mga hinihinging kwalipikasyon.

Isinabatas ang Anti-Terror Law ni Pangulong Duterte noong ika-3 ng Hulyo 2020, at binigyang-bisa noong ika-18 ng Hulyo 2020. Hindi katanggap-tanggap ang naturang batas, dahil sa dami ng binabangga nitong batas at karapatan ng Pilipinas, kasabay ng sistematikong programang kontra-insurhensya ng estado.

Mariing sinasalungat ng 37 petisyong inihain ng mga kinatawan ang pagbasura sa ATL dahil sa epekto nito sa malayang pamamahayag, malayang pag-uulat, karapatang pampribado, pagturing sa inosente, malayang impormasyon, at kalayaang pang-akademiko.

Sa Seksyon 4 ng batas, itinatakda ng batas ang depinisyon ng ‘terorismo,’ bilang anumang gawaing may intensyong takutin ang publiko, mamamayan, at samahang internasyunal; manakot; sirain ang pangunahing istrukturang pulitikal, ekonomikal, at sosyal ng bansa; at lumikha ng emerhensyang maglalagay sa publiko sa panganib. 

Nang walang matibay na pamantayan, maaaring baluktutin ang batas upang idiin ang sinumang biktima nito.

Habang gumugulong ang pagdinig sa Anti-Terror Law sa korte, nauna nang ginamit ang batas sa kaso ng dalawang Aeta sa Gitnang Luzon at apat na magsasaka sa Mindoro na pinagbintangang mga rebelde ng New People’s Army (NPA), na hindi lamang ikinulong kundi tinortyur din ng militar.

Dagdag pa rito, inalmahan naman ng mga petisyoner ang probisyon ng Seksyon 29, maaaring makulong ang sinuman sa loob ng 24 na araw bago pa man simulan ang paglilitis. Ayon naman sa Seksyon 16, pinahihintulutan nito ang pagmamanman sa kahit sinong pagsuspetyahang indibidwal sa loob ng 60 na araw.

Matatandaang ang unang kasong ipinataw sa ilalim ng Anti-Terror Law ay ibinasura ng nakabababang korte ng Olongapo dahil sa kawalan nito ng basehan sa pag-aresto sa mga magsasakang Aeta na sina Japer Gurung at Junior Ramos.

Sa ilalim ng ATL mawawala ang karampatang multa sa militar na Php 500,000 kada isang araw ng maling panghuhuli na dating probisyon sa Human Security Act of 2007 dahil sagabal daw ito sa pagpapatupad ng batas ayon sa mga ahensyang pang-seguridad at paniniktik.

Ayon sa grupong Karapatan, nasa 712 na ang bilanggong politikal sa bansa kung saan halos 500 ang hinuli sa ilalim ng administrasyong Duterte. Tinatayang higit nasa 400 na ang pinatay na aktibista kung saan umingay ang kaso ng Bloody Sunday Massacre na siyam ang pinaslang sa Timog Katagalugan noong Marso 2020.

Sa kasalukuyan, tiniyak ng Public Information Office (PIO) ng Korte Suprema ang agarang pagpapahayag sa detalyadong resulta ng ginanap na botohan sa ATL o Republic Act 11479. 

MGA NARATIBO NG TERORISMO NG ESTADO

Hindi na bago ang ganitong klase ng mga kaso sa mga lupain ng mga katutubo. 

Nitong Pebrero ngayong taon, 21 mag-aaral na lumad na lumisan mula sa karahasan sa kanilang lugar, ang sapilitang dinakip ng mga pulis mula sa University of San Carlos sa Cebu. Pitong iba pa, kasama ang mga guro at nakatatanda, ang inaresto nang walang warrant, at inakusahan ng kidnapping.

Hindi rin bago na isinasara ng gobyerno ang daan-daang paaralang Lumad dahil iginigiit ng gobyerno na pugad ng pag-rerekrut ang mga nasabing pasilidad na pang-edukasyon. Dahil dito, patuloy na pinagkakaitan ng edukasyon ang mahigit 5,500 mag-aaral na Lumad.

Sa hanay ng mga paaralan at estudyante, malaki rin ang magiging epekto ng Anti-Terror Law lalo sa ilalim ni Pang. Duterte. Hindi malilimutang minsang sinabi ng pangulo, “[t]he game is killing…I say to the human rights, I don’t give a shit with you. My order is still the same…”

Ayon sa Bahaghari-UPD Chapter Chairperson na si Latrell Felix at USC counciloe, malaking banta sa karapatang pantao ang batas dahil sa pagpapadali nito sa proseso upang mang-aresto at mang-pahamak ng mga indibidwal na mapagkakamalang sangkot sa terorismo. 

Aniya, mula pa noong pang-aabusong sa karapatang pantao bunsod ng extra-judicial killings, lumiliit ang “ligtas na espasyo para sa malayang pagpapahayag.” Dagdag pa,”[k]itang kita kung sino ang kanilang pinagsisilbihan na uri at ang ATL ang manipestasyon ng kanilang ganid sa kapangyarihan.”

Maaalalang mas inunang suportahan ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Department of Education (DepEd) ang kontrobersiyal batas sa halip na bigyang-pansin ang pagtutol ng mga estudyante at guro sa ATL at panawagan ng ligtas na magbalik-eskwela.

READ: https://sinag.press/news/2021/07/14/deped-ched-to-support-anti-terror-council/

Bilang isang lider-estudyante ani Felix, “malaking banta ang Anti-Terror Law sa akin dahil kaya nila akong bintangan na terorista dahil lamang sa pang-babatikos sa mga maling panukala ng gobyerno.” 

Bukod pa rito ay nililimatahan maski ang kalayaang akademiko. Dagdag ni Felix, “ang kurso kong Sosyolohiya kung saan pinag-aaralan namin ang … [mga] teorya na radikal at rebolusyonaryo ay kayang pagbantaan ng estado at ihulma bilang subersibo na mga tala.”

“Karapatan at buhay ang nakasalalay sa amin [aktibista] at ang pagliit ng espasyo sa pamamahayag gawa ng ATL ang siyang kumikitil ng aming demokratikong karapatan na mamahayag,” pagdidiin ni Felix.

Isang mahalagang tanong ngayon ay paano pa natin huhubugin sa sariling kamay ang ating kasaysayan kung mismong batas ang humuhusga sa atin? 

Ngayong nagpasya na ang korte, ngayon nama’y bayan at kasaysayang nililikha nito ang huhusga sa demokrasya at batas.

Featured image courtesy of REUTERS

A Gun to the Head: How Libel Stifles Speech and Punishes the Press

Hamon sa bayan: Labanan ang katiwalian, biguin ang mga tiwali

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *