Ngayon araw, Enero 14, umabot na sa bagong record na higit 37,000 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa. Bunsod nito, naging usap-usapan sa Twitter kamakailan kung may matibay bang siyentipikong batayan ang mga polisiya ng gubyerno para iwasan ang pagkalat ng pandemyang ito.
Sa isang panayam, malinaw na inilatag at ipinaliwanag ni Propesor Jose-Luis Jimenez, isang aerosol scientist mula sa University of Colorado, ang mga dapat alamin at alalahanin sa pagkalat at pag-iwas sa naturang sakit.
Aniya, airborne ang COVID o kumakalat sa hangin. Pinuna rin niya ang mga maling polisiya ng administrasyong Duterte gaya ng face shield, plastic barriers, at pagtanggi ng mga eskperto ng gubyerno gaya ni Dr. Teddy Herbosa na kumakalat sa hangin ang COVID-19 virus.
Ano nga ba ang isang airborne virus?
Ang COVID-19 ay isang nakahahawang sakit na dulot ng virus na SARS-CoV-2. Ang SARS-Cov-2 ay isang virus na airborne, at nangangahulugang naipapasa ito sa hangin. Kapag ang isang butil o droplet nito ay nailabas ng isang may-COVID, kumakapit ito sa hangin at maaaring makahawa. Naipapasa ito sa pamamagitan ng paghinga ng hanging may virus, o sa pagpasok sa mata.
Ani Propesor Jimenez, para itong usok ng sigarilyo kung kumilos. Kung kaya, mahalaga ang sapat na bentilasyon para mailabas ang airborne virus.
Epektibo ba ang plastic barrier at face shield?
Dahil ang virus ay kumikilos na parang usok, hindi epektibo ang mga plastic barrier at face shield.
Ani Jimenez, dahil mas madali para sa usok na pasukin ang anumang siwang, gayundin ang tatahaking daan ng virus. Lumilikha ng espasyo sa pagitan ng plastic at mukha na maaaring daanan ng virus.
Bagaman ligtas ang sinumang nasa likod ng plastic barrier, hindi ligtas ang nasa gilid ng plastic barrier dahil pumapasok at naiipon ang virus sa gitna ng mukha at plastic barrier, gaya ng naging patakaran sa mga fast-food chain at jeep.
Hindi na rin bago ang pananaw na ito, na matagal nang binigyang-linaw ni Joshua Agar, isang inhinyero sa UP. Dahil nga parang usok ang galawan ng virus, kayang-kaya nitong pumailalim sa face shield, at patuloy na makapanghawa.
Ani Prop. Agar, ang pinakamainam na sagot dito ay huwag pag-aksayahan ang mga makalumang face shield at plastic barrier, kundi pagtuunan ng pansin ang pagsuot ng maayos na face mask.
Ano ba ang mainam na face mask, at paano ba gamitin ito?
Ang pinakamainam na face mask ay mga N95 face mask, dahil sa hugis nitong nakasara sa mukha ng nakasuot. Wala itong mga siwang na maaaring pasukan ng virus, basta’t maayos ang pagkakasuot dito. Mahigpit na pinaaalalang wala dapat siwang ang face mask sa mukha upang maiwasan ang pagpasok ng virus.
Maaaring gamitin ang N95 face mask ng hanggang isang linggo, ngunit para gamitin ito nang ilan pang ulit, ay itatabi ito sa isang paper bag upang kusa na lang mamatay ang anumang virus na posibleng kumapit dito. Hindi kasi nakatatagal ang mga virus sa labas, kaya mabilis na lang itong kusang mamamatay.
Sa kabilang banda, kung walang N95 mask, epektibo rin ang paggamit ng mga mask na gawa sa telang masikip ang pagkakahabi, at binubuo ng 2 hanggang 3 patong ng tela.
Sa pangkalahatan, mabisa rin ang mga surgical mask basta masikip ang pagkakasuot dito. Mas mainam kung kayang doblehin ang surgical mask at tela.
Epektibo ba ang pagdidisinfect?
Bagaman nakatutulong ang pagdidisinfect sa pagtigil sa pagkalat ng virus at sakit, depende pa rin sa paraang ginagamit kung ligtas ba ito para sa atin.
Binubuo kasi ang virus ng mga sangkap na kahawig ng mga bumubuo sa ating katawan. Ani Jimenez, kung ano raw ang nakasasakit sa virus, ay nakasasakit din sa atin.
Buhat nito, hindi inirerekomenda ang matatapang na mga aerosol spray at iba pang kemikal sa hangin. Sa halip, inimumungkahi ang paggamit ng UV light, o ang pinakamadali, pagpapanatili ng sapat na bentilasyon.
Mapapanatili ang sapat na bentilasyon sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga pinto o bintana. Maaari ring ilagay ang bentilador malapit sa pintuan o bukas na bahagi ng silid, papalayo sa tao, upang lumabas ang hangin sa loob, at papasukin ang bagong hangin.
Samantala, bagaman wala pang napapatunayang kaso ng pagkalat ng virus sa kamay, hindi imposible ang pagkalat nito sa mga bagay na ating nahahawakan. Kung kaya, pinakamainam pa rin ang pagpapanatili ng kalinisan.
Samantala, mainam din ang pananatili sa bahay upang maiwasan ang pagsagap at pagdadala ng posibleng sakit sa mga lugar na maaaring pag-iralan ng virus sa hangin.
Saan nga ba mas ligtas, sa loob o labas?
Dahil sa galawang parang usok ng virus, matibay na iminumungkahi ang pagsasagawa ng mga aktibidad sa labas, kung saan mas madaling makalalabas at makakaikot ang hangin, pati ang virus. Ayon sa pananaliksik, 20 beses na mas mababa ang panganib na mahawahan kung sa labas idadaos ang gawain.
Kung sa loob naman gaganapin ang mga aktibidad, matibay na rekomendasyon na iwasang magsalita, para maiwasan ang posibleng pagpasok o paglabas ng mga droplet ng nakakahawang sakit. Kasama nito, dapat sapat ang bentilasyon, at kahit man lang tatlo bintanang may 15 sentimetrong bukas ay sapat na.
Sino ang dapat managot?
Dapat bukas at nakikinig ang gobyerno para sa mga pangangailangan ng bayan. Mandatong bigyang-pansin ng kasalukuyang administrasyon ang mabuti’t makataong pagtugon sa lumalalang krisis
Gayunman, kabaligtaran ang resulta ng mga polisiya nito gaya ng face shield, plastic barrier, at pag-ayaw sa mass testing. Sa ngayon, ginagamit nito ang kulang na pagbabakuna bilang aparato para isisi sa mamamayan ang mga kamalian nito at supilin sila sa mga patakarang “no vax, no labas” at “no vax, no ride.”
Kung kaya, iminumungkahi ni Jimenez na magpamahagi ang gobyerno ng libreng mga face mask para sa kaligtasan ng mga tao. Hindi dapat pag-aksayahan ng gobyerno ang mga makaluma nitong mga paraan sa paglaban sa virus, at gayundin ang mga materyales na walang kinalaman sa pagpapabuti ng sitwasyon ng bansa. Dagdag niya, mas mura pa ang face mask kaysa sa mga kawalang dulot ng pandemya.
Gayunman, makikita ang pagkiling ng pamahalaan sa mga di-gumaganang solusyon lalo nang mabunyag ang bilyong-pisong korapsyon sa Pharmally na nagbenta ng face shield sa bansa na ginawa namang sapilitan ng gubyerno.
Giit ng sektor ng kalusugan at mga siyentista, malaking tulong din ang libreng mass testing at pinaigting na contact tracing, upang mas epektibong matunton at mabantayan ang pagkalat ng virus. Dapat ding binabantayan nang mabuti ng gobyerno ang mga pangangailangang pangkabuhayan, pangkalusugan, at pang-edukasyon sa gitna ng pandemya.
Ipinagdiinan din ng chairperson ng konseho ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) na si Neo Aison ang kahalagahan ng pagtugon sa batayang pangangailangan ng sektor ng edukasyon, partikular na sa pangkabuhaya’t pangkalusugang kahingian nito.
Aniya, ito ang paraan upang matiyak na “ligtas” nga ang ligtas na pagbabalik eskwela.
BASAHIN: http://bit.ly/3FtxqP7
Unang rekisito ng pagbabalik-eskwela ang kaligtasan nito. Matapos iproklama ng CHED na magsisimula na ang Phase 2 ng pagbabalik-eskwela sa gitna ng Omicron at surge na mas mataas pa nang magsara ang mga paaralan noong Marso 2020, malakas ang panawagan ng mga estudyante na dapat buksan na ang mga paaralan sa paraang pinakaligtas.
Malaki ang pagbabagong maidudulot ng papapatupad ng mga siyentipikong polisiya, batay na rin sa mga eksperto at interes ng masa, para pababain ang mga kaso ng COVID-19. Hindi nakakatulong ang mga mapanakot at bobong panukala.
Sapagkat sa huli, kailangan ang komprehensibong solusyon sa pandemya mula sa pagtutulungan ng iba-ibang sektor at disiplina. Higit sa lahat, dapat panagutin ang kriminal na kapalpakan ng kasalukuyang rehimen sa pandemya.
Featured image courtesy of World Health Organization.