Napagkasunduan ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor sa pamantasan ang ilang pagbabago patungkol sa panawagang Recovery and Wellness for Allmatapos nitong magpulong noong Enero 25, Martes.
Batay sa naging diskusyon, itutuloy ang pagbubukas ng ikalawang semestre ng akademikong taong 2021-2022 sa Pebrero 7, maliban sa UP Open University na magbubukas sa Pebrero 13 at UP Cebu na magsisimula naman sa Pebrero 21.
Pinagdiinan ng bawat sektor ang kahirapang kanilang dinaranas sa gitna ng pananalasa ng bagyong Odette pati na rin ng surge ng mga kaso ng COVID-19. Sa UP Cebu, iginiit nila ang kawalan ng kuryente at koneksyon hanggang ngayon sa kanilang lugar, lalo na sa mga lubusang sinalanta ni Odette. Ikinababahala naman ng mga taga-UP Los Baños ang kahirapang maka-access sa SAIS upang makapagrehistro para sa darating na semestre.
Napagkasunduan ding magkasa ng Health and Recovery period sa pagsisimula ng semestre kung saan walang ipapataw na kahit anong deadline sa mga mag-aaral at kaguruan, at pagkokondukta ng synchronous na mga klase.
Giit naman ni Jia Tirol, mag-aaral ng Sosyolohiya, na dapat unahin ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas ang kapakanan ng mga mag-aaral, kaguruan, at kawani.
Pagdidiin niya, bagkus na mas pagtuunan ang kanilang mental, pisikal, at emosyonal na kalagayan, kalakip ng pagpapagaling mula sa sakit at pagpapahinga, kinakailangan nilang unahin ang kanilang mga gawaing pang-akademiko.
Ito ang kasalukuyang danas ni Tirol. Paghahayag niya’y hindi siya sigurado kung ano ang mas dapat niyang iprayoridad sa pagitan ng kaniyang mga backlogs at kalusuga’t kapakanan ng kaniyang pamilya. Ilan sila sa mga lubusang naapektuhan ng COVID-19 na kinailangan munang magquarantine.
Liban pa rito, ilang mga opisina rin ang lubusang nadiskaril ng dalawahang delubyong nananalasa sa mga sektor sa pamantasan. Ani Tirol, malinaw na hindi lamang kapakanan ng mga estudyante ang dapat unahin. Imperatibong isaisip ang kalagayan ng mga guro at kawani sa pamantasan.
“Napakaraming estudyante at guro ang naapektuhan ng COVID-19 o ng bagyong Odette pero nakakalungkot na imbis na sariling kalagayan nila ang kanilang iniisip ay kung paano nila magagawa ang kanilang mga academic responsibilities,” sambit ni Tirol.
Batay sa datos na nakalap ng Office of the Vice President for Academic Affairs, nasa 20% (~10,700) na mga indibidwal ang naging bulnerable dahil sa lumipas na kalamidad. Sa kabilang banda, mula sa resulta ng sensing formng UPD University Student Council (USC), nasa 531 na mag-aaral ang nagpositibo o naexposesa mga positibong kaso; habang nasa 92 na mga mag-aaral ang apektado ng bagyo.
Mula sa naging pagpupulong, napagkasunduang magkakaroon din ng Wellness at Learning and Development Programupang bigyan ng espasyo at oras ang mga kawani upang makapagpahinga at makarecover. Ito ay takdang magsimula sa Pebrero 2 at magtatagal nang limang araw. Para naman sa mga nagpositibo sa COVID, maaari raw itong humaba hanggang sampung araw.
Dagdag dito, napagpulungan ding tiyakin ang pamamahagi ng pare-parehas na benepisyo’t sahod sa mga kontraktuwal sa pamantasan. Sangkot dito ang mga Job Order(JO), Contract of Service(COS), at mga non-UP na mga kontraktuwal.
Sinigurado naman ng UP Kilos Na Multisectoral Alliance (MSA) na palalawakin ng administrasyon ng UP ang proyektong System Special Payroll,kalakip ng pagkakaroon ng 5k Emergency Allowance sa mga empleyado ng pamantasan.
“Inisyal pa lamang na tagumpay ito mula sa Health and Wellness Package Campaign na inilunsad noon pang nakaraang taon, at ipagpapatuloy nating igiit ang mga pang-ekonomikong agapay, pati ang pagtulak sa Administrasyon na tuloy-tuloy at paunlarin ang may malasakit at kumprehensibong plano para sa mga miyembro ng Unibersidad,” pagdidiin ng UP Kilos Na.
Iginiit ni Tirol na lubusang mahalagang matiyak ang pagsasakatuparan ng isang tunay na academic ease, at wellness and recovery breakpara sa lahat. Dikit sa mga panawagan ng iba’t ibang sektor, ani Tirol, imperatibong “iprayoridad ang kalagayan ng mga estudyante, kaguruan, at mga kawani” lalo na sa pangangalampag para sa kampanyang #LigtasNaBalikEskwela.
Hamon ni Tirol sa administrasyon ng UP na magtaguyod ng mga maka-estudyante at maka-gurong mga polisiyang tunay na makatutugon sa problemang hinaharap ng komunidad ng UP.
Samantala, nagpetisyon ang konseho ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP), kasama ng Rise for Education-UPD, na iusog ang semestre. Naghain sila ng limang mga kahingian upang matugunan ang kasalukuyang kalagayan at kapakanan ng mga estudyante, kaguruan, at kawani ng kolehiyo.
Lumagda rito: https://www.facebook.com/154617297935651/posts/4999855180078481/?d=n
Ikinakalampag ng konseho na magpatupad ng tunay na academic ease, ikonsulta ang ipapanukalang komprehensibong alituntunin kapag may kalamidad at pagtaas ng mga kaso, tiyakin ang pagsasaayos ng mga akademikong gawain batay sa konsultasyon ng mga sektor, paigtingin ang pampinansyal, pangkalusugan, at gadgetna suporta para sa mga komunidad ng UP, at bigyan ng sapat na oras ang mga mag-aaral, kaguruan, at kawani upang makapagpahinga.
Pinagdiinan din ng UP Diliman University Freshie Council (UFC) ang kakulangan ng nailatag na desisyon ng administrasyon ng pamantasan.
“The mandated ‘health and recovery break’ is only a band-aid solution in addressing this campaign and is an outright neglect of the needs of the UP constituents,” pagdidiin ng UPD UFC.
Dagdag dito, idinulong naman ng UPD University Student Council (USC) ang multi-sektoral na kampanya kay Quezon City mayor Joy Belmonte. Nagpadala ng liham ang konsehong nagtutulak sa alkaldeng magdeklara ng two-week wellness and recovery break. Dagdag pa rito ang dalawa pang linggong ekstensyon para sa paghahanda naman sa panibagong semestre.
Itinakdang magbukas ang ikalawang semestre sa Pebrero 21, habang magsisimulang muli ang administrative work mula Pebrero 14 hanggang 18.
Ayon sa konseho, ang pag-uusog ng semestre ay ang pinakamainam na hakbangin upang masiguradong ang mga pang-akademikong gawai’t wellness breakay may sapat na oras na mailalaan.
“During these trying times, we implore your solidarity with the education sector to compel our institutions to be more compassionate in policy implementations,” pagtatapos ng liham ng konseho.
Samantala, natanggap na ng Office of the City Mayor umaga ng Enero 26 ang liham at kasalukuyang naghihintay ng tugon ang konseho.
#AyudaAtPahinga
Featured image courtesy of Rappler