Lumulubog na ang bangka. Wala nang makapitan ang mga estudyante, guro, at kawaning lunod na lunod na sa krisis. Huwag na sanang antaying abo ang dumaloy sa karagatan ng mga luha.
Sa halos dalawang taong pananalasa ng pandemikong krisis sa bansa, lalo nitong inilantad ang kawalan ng patutunguhan ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Naging isa sa primaryang kampanya ng iba’t ibang sektor ang ligtas na pagbabalik eskwela, kalakip ng pangkalusuga’t ekonomikong kahingian ng mamamayan.
Inilugmok pa lalo ng umpisa ng 2022 ang sektor ng edukasyon, mula sa iniwang pinsala ng bagyong Odette hanggang sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. Ipinapaalala lamang nito ang lantarang pagpapabaya ng administrasyong Duterte sa batayang pangangailangan ng mga mamamayan, partikular na sa edukasyon.
Kasabay nito, nagsisilbi rin ang simula ng taong ito bilang paalala sa paglipas ng isang taon mula nang makaisang-panig na ibinasura ng Department of National Defense (DND) ang 1989 UP-DND Accord. Ipinagbabawal nito ang panghihimasok ng kahit aling elemento ng mga militar sa loob ng mga kampus ng UP, liban na lamang kung may pahintulot ito mula sa administrasyon ng unibersidad.
Kahit wala pa mang mga pisikal na klase ngayon, hindi pinalampas ng mga mag-aaral ang walang-basehang desisyon ng DND at patuloy na ipinapanawagan ang panunumbalik ng Accord bilang batas, kaisa ang iba’t ibang sektor.
Nagkasa ng mga protesta ang mga kabataang-estudyante sa loob at labas ng pamantasan sa isang taong pagdepensa sa kalayaang pang-akademiko, ‘di lamang sa Unibersidad ng Pilipinas kundi sa iba pang state universities and colleges (SUCs). Kolektibong kinundena ang walang habas na panghihimasok ng mga pwersa ng estado sa mga kampus ng UP, at ang paglapastangan nito sa demokratikong espasyo ng mga edukasyonal na institusyon.
Malinaw sa mga nagdaang taon ang komprehensibo at nagkakaisang pagkilos ng mga kabataan-estudyante para ipaglaban ang kanilang mga panawagan.
Kaligtasan Mula sa Kahit Anong Banta
Mahigpit na magkadikit ang pagbabasura ng UP-DND Accord sa panawagang Ligtas na Balik-Eskwela. Isakonteksto muna natin ang kasalukuyang kalagayan ng sektor ng edukasyon at ang mga panawagan nito.
Pangunahin dito ang patuloy na paglagapak ng kalagayan ng sektor ng edukasyon habang ipinagpapatuloy ang dalawang taong remote learning sa bansa.
Kamakailan lamang, kaliwa’t kanan ang mga binabalitang pagpapatupad ng “health and recovery” breaks sa iba’t ibang paaralan sa Pilipinas. Bunsod ito ng iniwang pinsala ng bagyong Odette sa mga naapektuhan, habang laganap din sa kasalukuyan ang mga nagkakasakit na mag-aaral, guro, at kawani dahil sa panibagong surge ng COVID-19.
Batay sa naging sensing forms ng UPD University Student Council, nasa 92 na mga mag-aaral ang lubusang naapektuhan ng bagyo. Nasa 531 naman ang nagpositibo o naexpose sa mga positibong kaso. Relatibong maliit na bilang pero mas malaki ang problema.
Liban pa rito, tuloy ang pakikibaka sa gitna ng pananalasa ng pandemikong krisis. Ito’y lalong pinalala ng kakulangan ng sapat na sahod at benepisyo, partikular na sa mga manggagawang kontraktwal sa UP na mas inilulugmok ng anti-manggagawang “no work, no pay” at “no employer-employee relationship.”
Malinaw ang malagim na sitwasyon ng edukasyon sa loob at labas ng pamantasan ngayon.
Sa kabila nito, kibit-balikat ang naging tugon ng administrasyon ng pamantasan. Bagama’t patuloy ang pagpapaugong ng kampanya para sa tunay na recovery at wellness break, ipinagtulakan pa ring buksan agad ang ikalawang semestre sa Pebrero 7, liban sa UP Open University at UP Cebu.
Sa paglakas ng pangangalampag ng komunidad ng UPD para sa kampanya, iginiit ni UPD Chancellor Fidel Nemenzo ang pagkakaparehas ng danas ng mga mag-aaral, kaguruan, at kawani ng UPD.
Ginatungan pa ito ng walang batayang pagpapanukala ng Commission on Higher Education (CHED) na pahintulutan pa rin ang planadong pagpapatuloy ng face-to-face classes simula Enero 31, na walang pagsaalang-alang sa krisis.
Naghuhugas-kamay lang ang administrasyon ng UP na sa huling suri ay sinusupil din ng bulok na lipunan. Walang puwang sa lipunan ang mga desisyon at aksyong hindi nagpapahalaga sa karapatan ng mamamayan para sa ligtas, malaya, at de-kalidad na edukasyon.
Sa kabilang dako, masikhay ang mga naging pagkilos para sa pag-iinstitusyonalisa ng UP-DND Accord. Nagdulot lamang ang walang kabuluhang desisyon ng DND Secretary Delfin Lorenzana ng paglakas ng kolektibong pagkilos ng komunidad ng UP at masa.
Sa loob ng UP, sama-samang tinuligsa at hinamon ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng unibersidad ang pagyurak ng estado sa kanilang kalayaang pang-akademiko at kaligtasan. Sa labas naman ng UP, nakiisa rin ang iba’t ibang paaralan, institusyon, at mga sektor ng lipunan upang sumama sa pagdepensa ng mga karapatan sa edukasyon at buhay.
Higit sa lahat, nagsilbing bukluran ang isyu ng UP-DND Accord para sa iba pang problemang kasalukuyang hinaharap ng sistemang pang-edukasyon ng ating bansa, partikular na ang Ligtas na Balik-Eskwela.
Balik-Eskwela para Kanino?
Bagaman nananatiling primarya ang kampanya para sa Ligtas na Balik-Eskwela, malinaw na hindi inihihiwalay ng sektor ng edukasyon ang kanilang paninindigan para sa kanilang mga karapatan.
Sapagkat hindi lamang ang virus ang natatanging banta sa mga buhay sa paaralan. Nariyan din ang kawalan ng sapat na ayuda, bulok na sistemang pangkalusugan, at mga awtoridad na bingi’t manhid sa kahingian ng sangkaestudyantehan at mamamayan. Kinakailangang maitaguyod muli ang mandato ng UP-DND Accord tungo sa pagsasakatotohanan ng isang tunay na Ligtas na Balik-Eskwela.
Habang inaabuso ng mga pwersa ng estado ang paratang nilang kuta na “rekrutment” ng mga komunista ang UP, walang kasiguraduhan ang kaligtasan ng bawat estudyante, guro, at kawani sa loob at labas ng pamantasan.
BASAHIN: Balik-Tanaw sa UP-DND Accord
https://tinyurl.com/mpka4dxk
Hindi lamang sa UP nagaganap ang mga atakeng ito. Patuloy na ginagambala ng mga pwersa ng estado ang mga karapatang pang-demokratiko at mga ligtas na espasyo ng iba’t ibang pamantasan sa bansa. Malinaw na sintomas ito ng lumalalang paghahari ng tiraniyang Duterte na nagsasawalang-bahala sa malayang pag-iisip at karapatan ng taumbayan.
Subalit bigo si Duterte na supilin ang mga kabataan. Nagbuo ng mga alyansa gaya ng Defend UP at UTAK, ang pakikibaka sa Kongreso, at sa lansangan kasama ng masa para labanan ang pasistang diktadura.
Sa halip na magpaalipin sa mga hamon ng estado, malinaw sa nagdaang taon ang nagkakaisang tindig ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng UP laban sa kahit anong pagbabanta sa kanilang mga buhay at kalayaan sa paaralan. Nadagdagan man ang mga isyung ating kinakaharap sa loob ng isang taon, hindi ito naging hadlang sa pagpapalawak at pagpapaigting ng mamamayan sa kanilang kolektibong lakas at pagkilos.
Sa paglala ng mga atake’t walang basehang paratang ng rehimen sa mga kabataang-estudyante’y mas pinagliliyab ang mga kondisyo’t kapasyahang makiisa sa masa at kolektibong sugpuin ang panunupil ng estado.
Sa halip na humantong lamang sa pag-alala ng mga problemang kinaharap ng ating sektor nitong nakaraang taon, nararapat lamang na gunitain at ipagpatuloy pa ang isang taong paglaban ng mga estudyante, guro, kawani, at iba pang sektor ng lipunan para sa ating karapatan sa malaya at kritikal na pag-aaral.
Ang pamantasang aming babalikan ay hindi isang warzone at factory. Ito ay dapat espasyo ng paglaban sa diktadura at pagbubuo ng bagong lipunan.
#DefendUP
#DefendAcademicFreedom
#UpholdUPDNDAccord
#MoveTheSem
Featured image by UPMPRO