Makabayan, pormal na inendorso ang tambalang Leni-Kiko


Inihayag ng Koalisyong Makabayan ang kanilang pag-endorso kina Bise Presidente Leni Robredo at Senador Francis “Kiko” Pangilinan para sa darating na eleksyon ngayong umaga, ika-29 ng Enero. 

Pagdidiin ng koalisyon na kinilatis at kolektibong pinagdesisyunan ito ng buong kasapian ng Makabayan, mula nasyonal hanggang barangay chapters nito. Giit ng pangulo ng koalisyon na si Satur Ocampo na primarya sa mga salik ng pag-endorso ay ang kahalagahan ng kanilang tindig sa hindi pagpayag na manumbalik sa Malacañang ang tambalang Marcos at Duterte. 

“Sa panahong nananalasa ang pwersa ng tiraniya at nais manumbalik ang mga tagapagmana ng diktador, sina Robredo at Pangilinan ang tumindig bilang pwersa ng oposisyon,” paghahayag ni Liza Maza, co-chair ng Makabayan. 

Dagdag pa rito ang inilahad na pagkakaisa ng koalisyon at tambalang Robredo at Pangilinan sa pagtindig nito sa mga namamayagpag na isyu sa bayan. 

Sinalaysay ng mga tumatakbong senador mula sa koalisyon na sina Elmer “Ka Bong” Labog at Neri Colmenares ang kanilang maka-masang platapormang kaisa sa agenda ng nasabing tambalan. 

Malawakang nakatanggap ng suporta mula sa mamamayan sina Labog at Colmenares, lalo nitong ika-28 ng Enero matapos mapasama si Colmenares sa ineendorsong mga kandidato sa pagkasenador ng 1SAMBAYAN. 

Kilalanin sila: https://sinag.press/news/2022/01/28/colmenares-labog-dapat-daw-isama-sa-1sambayan-slate-pa-senado 

Samantala, nananatiling malakas at lumalawak ang pangangampanya para sa lider-manggagawa na si Labog. 

Ani Colmenares, “worth being part of a slate” si Labog dahil tiyak ang patuloy na pakikipaglaban ni Labog para sa interes ng mga manggagawa, mayroong eleksyon man o wala. 

Kabilang sa makamamamayang agenda ng koalisyon ang siyentipiko at makataong pagtugon sa pandemya, pagtitiyak ng sapat at agarang pamamahagi ng ayuda, special risk allowance (SRA), at mga benepisyo para sa mga manggagawa, maging pagsuporta sa mga maliliit na negosyo. 

Dagdag dito ang pagpapalakas ng pampublikong sistema ng kalusugan, pagsusulong ng pagwawakas ng Endo, pagtataas sa nakabubuhay na sahod, at pagpapaunlad sa lokal na mga industriya, partikukar na ang agrikultura. 

Kasama rin sa plataporma ng koalisyon ang pagtataguyod ng usaping pangkapayapaan at mabuting pamamahala, pagdedepensa sa karapatang pantao, at paggigiit ng pambansang interes at soberanya. 

Primarya sa naging batayan ng koalisyon at kasapian nito ang mga nabanggit na platapormang kaisa sina Robredo at Pangilinan, kasama na ng kanilang track record at matibay na pagtindig laban sa pamamayagpag ng tambalang Marcos-Duterte. Ayon sa Makabayan, mahalagang may pagkakaisa sa platapormang kinakampanya ng kandidato at ng mamamayan dahil dito nakabatay ang mapagpasya’t solidong suporta ng organisasyon. 

Bagaman nagkaroon ng pagkakaiba ang kasapian sa paunang mga pagpupulong, masusi itong iginaod ng koalisyon at nakipagdayalogo sa kampo nina Robredo upang mas mapagbigkis ang pwersa ng oposisyon. Giit ni Colmenares, masisigurado ang bulto ng mga boto mula sa malawak na mass base bilang napakaraming komonalidad sa plataporma ng bawat sektor. 

“May panibagong sigla itong kampanya na, sa tingin namin, ay lalo pang maemphasize sa darating na kampanya kasi, kapag nagkakaisa nga naman ay mas effective ‘yung delivery ng campaign, not only in terms of numbers but also in quality campaigning,” saad ni Colmenares. 

Pagdidiin ng koalisyon na solido ang suporta nito sa tambalang Robredo at Pangilinan, at tinitiyak na primarya sa kanilang kampanya ang ikabubuti ng interes ng masa at ang paglaban sa pagpapanumbalik ng tiranikong tambalang Marcos at Duterte. 

“Sa isang mahigpit na pagkakaibigan at pagtutulungan upang kamtin ang isang maayos na obhetibo ay kailangan ng mahigpit na pagtutulungan,” ani Labog.

Featured image courtesy of Makabayan

CSSP students intensify demands for genuine recovery break and #MoveTheSemUP

Araneta goons fire at farmers and civilian fact-finders

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *