Inulan ng mga batikos ang bagong nilabas na kalokohan–este, content ng kontrobersiyal na direktor na si Daryl Yap. Paano ba naman kasi’t sinabihan ba namang bobo at sinungaling ang mga taong nagsasabing sila ay nagtatrabaho nang 18 oras?
Umapoy ng samot-saring reaksyon ang naturang bidyo, at bulto nito ay tumutuligsa sa kababawan ng pagtanaw sa obhetibong realidad ng mga Pilipino. Kung babasahin ang comment section sa bidyo nito, maraming mga Pilipino ang nagbahagi ng arawang danas nila o ng mga mahal nila sa buhay. Anila, sila ay nagtatrabaho ng 18 oras, at minsa’y lumalagpas pa.
Ang mga komentong ito ay ‘di hamak na mas may pagpapakatotoo pa sa pambabastos na pilit na ipinangangalandakan sa bidyo.
Ang mapait na katotohanan
Sa kasalukuyang umiiral na kondisyon sa ating bansa, pinatotohanan na ng pandemikong krisis at ng takbo ng kasaysayan ang mapang-aliping estado ng masang Pilipino. Simula’t sapul nitong pandemya, kinailangan nang magtrabaho ng mga nars, doktor, at iba pang healthcare workers nang aabot sa 36 na oras buhat ng pagdagsa ng mga pasyente. Kalakip nito ang pagkakahawa ng iba habang may ilang ikinamatay na ito.
Maka-ilang beses na silang humingi ng pagmamalasakit mula sa administrasyong Duterte, nagpanawagang palakasin ang sistema para sa contact tracing at mass testing, ikinalampag na bigyan ng sapat na pondo ang pagpapaunlad ng pasilidad ng mga ospital, at pamamahagi ng special risk allowances (SRA), meat and transportation (MAT) pay, at active hazard duty pay.
Nitong nakaraan, nagprotesta ang mga HCWs mula sa UP Philippine General Hospital (PGH) patungkol sa bagong singular allowance scheme na pinakikilala ng Kagawaran ng Kalusugan. Mula sa panukalang ito, ang dating mga benepisyong ipamamahagi sa mga frontliner ay papalitan ng One COVID-19 Allowance (OCA).
Ginatungan pa nito ang P500 milyong kaltas sa pondong nakalaan para sa UP PGH mula sa 2022 national budget.
Matinding pambabarat ito sa mga manggagawang pangkalusugang dalawang taon nang pinababayaan ng gobyerno na tahasang tinutuligsa at pinagsasawalang bahala ang mga pangangailangan ng sektor ng kalusugan.
Liban pa sa mga HCWs, masukal din ang arawang danas ng sektor ng mga manggagawa. Bagama’t isa sa mabibilis umanong lumagong ekonomiya sa Timog Silangang Asya, napakababa pa rin ng kalidad ng trabaho’t kita ang natatamasa ng masang Pilipino ayon sa IBON Foundation.
Dagdag dito, nasa 3.2 milyong Pilipino ang walang trabaho at lolobo pa ito sa 5.7 milyon kung isasama ang mga “discouraged and unavailable workers.”
Sa real living wage sa Pilipinas na mas mababa pa sa P500, pinalala ito ng pag-iral pa rin ng kontraktuwalisasyon, at malimit na pagsirit ng mga presyo sa merkado. Maraming manggagawa ang kumukuha ng sobra sa isa pang trabaho at naghahanap ng iba pang mga raket, upang makapagpundar lamang ng arawan nilang gastusin at mapakain ang kanilang pamilya.
Pinalala pa ito ng mga anti-mamamayang polisiyang pinatutupad ng gobyerno, kalakip ng pagbabawal nitong lumabas ang mga hindi pa bakunado at mga panukalang lubos na naglulugmok sa purchasing power ng mga mamamayan, tulad na lamang ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law at Comprehensive Recovery and Tax Incentives for Enterprise (CREATE) Law.
Kulang din ang paglalaan nito ng pondo at mismong pamamahagi ng ayuda, maging sa pagtugon sa partikular na mga panawagan ng sektor ng manggagawa, tulad ng pagtataas ng minimum na sahod sa P750 at pagwawakas ng Endo.
Ito ang malagim at mapoot na realidad ng mga manggagawang Pilipino, kumpara sa napakababaw at mapangkutyang chismisan ni Senador Imee Marcos at ng ilang karakter sa Vincentiments sa tinaguriang “Len-Len series” nito.
Ang maasim na kasinungalingan
Sa katunayan, bagay naman ang set-up nila — umiinom ng kape sa mga mamahaling mga tasa sa isang maaliwalas na bahay — dahil ganoon naman na lumaki si Imee. Nagpakasasa sa yamang nakaw ng kaniyang pamilya sa taumbayan habang nananatiling kimi at mapagkubli sa kanilang alapaap.
Ayon kay Imee, mayroong tatlong paraan upang makatapos ng trabaho. Una raw rito ay ang pagsabay-sabayin ang mga gawain. Ibibigay ko na rin naman sa kaniya iyon – pinagsabay-sabay naman talaga ng pamilya niya ang sunod-sunod na pagnanakaw at pagbaluktot sa kasaysayan ng bansa. Pinagsasabay-sabay nila ngayon ang kontrol sa kanilang mga kasapakat, kasama na ang mga Duterte, upang mas umabante ang kanilang makasariling adyenda.
Malakas ang impluwensiya nila maging sa Commission on Elections (COMELEC), kaya nga’t basta na lang dinelay ang paglalabas ni Commissioner Ferolino ng ponencia. Sa dulo, pinayagan pa nitong tumakbo si Marcos, Jr., dahil hindi naman daw “inherently immoral” ang hindi magbayad ng buwis. Nakakahiya naman sa mga mamamayang ginagatasan ng gobyerno.
May galamay din sila maging sa iba’t ibang ahensiya dahil bulto ng mga opisyales ay itinalaga ni Pangulong Duterte.
Ikalawa ay gawin na raw agad, ‘wag nang palipasin pa. Hands down naman sa pamilya’t mga kaalyado niya, nagagawa naman nila agad. Nagagawa nila agad na patahimikin ang mga mamamayan, gaya ni Archimedes Trajano. Nagagawa nila agad na bastusin ang mga kahirapang danas ng mga manggagawa. Mabilis silang umaksyon sa pagpapataw ng parusa sa mga tumutuligsa sa mapanupil na gobyerno, mabilis silang magpasa ng mga batas na nakaangkla sa ganansya nila at ng mga amo nitong imperyalistang US.
Aba ay tingnan mo’t mabilis pa sa alas-kwatro ay nakagawa na ng bidyong puro patutsada sa isang presidential aspirant; ngunit, simpleng pagbabayad ng buwis ay ilang dekada nang tinatakasan.
Panghuli naman daw ay gawing iba kapag naging routine na – para hindi raw nakakasawa. May punto sya, actually, may tama siya. May malakas siyang tama dahil pabago-bago ang palusot ng kaniyang kapatid sa tuwing umiiwas sa mga presidential interviews o debate. Biruin mo, mula sa katakutang makahawa sa isang Zoom conference ay nag-evolve ang kaniyang mga alibi hangga’t sa pagkakaroon ng animo’y conflict sa iskedyul.
Nag-iiba iba rin naman ang tawag ng mga anti-mamamayang galawan ng reaksyunaryong estado – pagpapatupad ng Martial Law noon, pagsasabatas naman ng di-konstitusyonal na Anti-Terror Law ngayon; Bagong Lipunan noon, Bayan Babangon Muli naman ngayon; Green Revolution noon, Rice Liberalization Law ngayon.
Malikhain sila, oo. Napakarami na nilang minanipulang katotohanang patuloy na naghahasik ng lagim ng disimpormasyon at pagbaluktot ng kasaysayan.
Hindi na rin naman ito maikakaila sa ilang beses nang panre-Recto ng mga Marcos sa kanilang mga natapos na degree. Itong matapobreng si Imee ay sinabing nagtapos daw siya sa Princeton University ng “Independent Concentration in Religion and Politics” nang may honors. Totoo namang pumasok siya sa unibersidad mula taglagas ng 1973 hanggang tagsibol ng 1976 at bumalik ng taglagas ng 1977 hanggang tagsibol ng 197. Ngunit, wala silang ni kahit anong rekord na nagtapos si Imee.
Sa katunayan, ayon sa isang pahayagan sa unibersidad, nagkasa ng protesta ang mga mag-aaral sa pagpasok ni Imee, sapagkat ikinababahala nila ang maaaring sapitin ng mga kritikal sa diktadurya ng kaniyang ama.
Isa pa ay nagtapos daw siya bilang cum laude mula sa UP College of Law. Bagaman siya ay kumuha ng ilang mga kurso sa Kolehiyo ng Sining at Agham, at sa ilalim ng Bachelor of Laws program, ayon sa pamantasan, wala namang rekord ang anak ng diktador na siya ay nagtapos at mayroong honors o academic distinction.
Isa pa itong naghahangad na tumakbo bilang pangulo gayong baog at hungkag naman ang plataporma, gayong convicted naman siyang tax evader. Pinanindigan niyang nagtapos siya mula sa Oxford University nang may degree sa isang presidential interview sa DZBB. Ngunit, kinumpirma na mismo ng Oxford noon pang 2015 na walang degree si Marcos, Jr. Sa halip, siya ay ginawaran ng Special Diploma in Social Studies noong taong 1978. Hindi ito degree.
Malinaw na isang paligsahan ng kabalintunaan ang patuloy na pakikipagsabong ng mga Marcos sa politikal na arena. Malinaw rin namang pinaugong nila ito sa pamamagitan ng gulong ng kasinungalingang malawak at malakas pa rin ang kapit hanggang ngayon.
Lalo na’t mayroon tayong mga content creators tulad ni Daryl Yap.
Ang matabang na mito ng ‘sining’
Bagama’t sinasariling-puri ni Yap na siya ay isang filmmaker at content creator, malisyoso ang tema ng mga ito.
Klaro ito sa pambababoy niya sa pambansang awit ng bansa, ang “Lupang Hinirang.” Pinalitan niya ang ilang mga salita sa awit ng mga termino ng maselang bahagi ng katawan ng babae. Lantad ito sa pagpoprodyus niya ng maiiksing pelikulang may mga konsepto tulad ng incest at misogyny.
Siguro, mahihinuha nating porma ito ng sining, dahil kung sa teknikalidad ay may binabandera itong kaisipan o ideolohiya sa pamamagitan ng pag-uukit nito sa iba’t ibang mga kwento. Ngunit, ang sining, sa esensya, ay walang saysay kung ito ay ginagamit sa pagkiling sa uring mapang-api at hindi sa pagsasalin at pagsasalamin sa danas ng masang Pilipino.
Ang sining at sariling ekspresyon na pinanghahawakan ni Yap ay bulag — isang direktang pambabastos at pambababoy sa realidad ng mga Pilipino. Sa dinami-rami ng platapormang minamanipula ng mga Marcos at ng mga kaalyado nito, isa lamang ang Vincentiments sa nananatiling midyum ng hindi wastong pagsusuri sa lipunan at hindi paggamit sa sining bilang sandata ng uring api.
Tulad nga ng sabi ni Alice Guillermo, ang sining ay ginagamit bilang estratehiya ng eksklusyon at pagkakaiba ng mga miyembro ng mas mataas na uri mula sa mas mababa sa kanila. Ganito ang pagtindig ng mga ginagawa ni Yap at ng mga maka-naghaharing-uring artista.
Klaro ang kinikilingan ng kaniyang paggawa ng mga pelikula. Pinananatili nito ang mapang-abuso at atrasadong mga ideya sa lipunang Pilipino, at pinaiiral ang pangingibabaw ng mga ganid na naghaharing-uri, ginagawang plataporma upang makapagkalat at makapanlinlang pa ang mga ito. Pinalalawig nito ang tahasang pagbabaluktot ng mga Marcos sa kasaysayan, at pagbabadyang pagbabalik sa poder sa haharapin.
Klaro ang linya na kaniyang idinidikdik sa “Len-Len series.” Minamaliit nito ang kahirapan ng mga manggagawa, ng mga magsasaka, ng mga healthcare workers – ang bawat sektor ng masa. Binabastos at ginagawang katatawanan nito ang pakikipagsapalarang nagtutulak sa kanilang magtrabaho ng lagpas 18 oras.
Kaya’t may punto naman ang sinabi ng karakter sa “Pagod Len-Len” na maraming mga boss, maraming pinakikinggan dahil ang masang Pilipino, bilang isang malaki’t nagkakaisang pwersa, ay walang kapagurang inaaral ang umiiral na mga kondisyon, pinakikinggan ang mga kahingian ng bawat mamamayan, at iginagaod na tugunan ito, na mas ilaban ito.
Dahil nasa kanila ang mapagpasyang kapangyarihan upang sagkaan ang ganitong mga pambababoy at pambabastos ng mga sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao.
#AkoSiLenLen
#NoToMarcosDuterte
Featured image courtesy of Vincentiments