Kababaihan at Agham Para sa Lipunang Malaya


Sa Lente ng Estudyante ng Agham Panlipunan

Idinaan sa remote learning ang klase taong 2020. Setyembre nang magsimula ang online class sa UP. Na-enlist ko ang General Education (GE) Subject na Soc Sci 2 sa klase ni Asst. Prof. Marielle Marcaida. Ang moda ng komunikasyon namin kay Ma’am Yeng ay sa Viber. Nakita ko ang icon niya, iyong parang profile picture sa Facebook. Nakangiti siyang may hawak ng isang brand ng alak na ang tawag ay Corona Extra.

Parang kaklase lang namin si Ma’am Yeng. Approachable, magaling magturo kaya kahit takot ako sa magiging resulta ng online class at pag-aaral muli ng Agham, nakaramdam ako na magiging madali ito at masaya dahil sa gaan ng awra ng propesor namin. Pinakatumatak sa akin sa klase ni Ma’am Yeng ay ang pagpapakilala niya sa mga alagad ng Agham Panlipunan: mula sa pilosopong si Socrates hanggang sa sosyolohistang si Max Weber. Bawat pagpapadaloy niya’y may memes at paliwanag na nagpagaan at nagpadali sa aming maunawaan ang mga aral sa kaniyang kurso.

Aksesible sa aming mag-aaral ang wika ng mga aralin sa agham panlipunan. Pwede kang magsulat sa Ingles o Filipino, mag-recite sa paraang nauunawaan. Nakikinig siya sa amin nang taimtim na para bang balido lahat ng sagot namin. Walang tama at mali sa pagkatuto.

Bago magtapos ang klase, nabanggit niya sa amin na kailangan ding maipakilala, at maitampok ang mga babae sa larangan ng agham panlipunan. Sana’y mayroong kurso nga o dagdag sa course syllabus ng Soc Sci. 

Tunay na may mahalagang papel ang kababaihang lumikha at magpakadalubhasa sa Agham Panlipunan.

Sa kasalukuyan, nagtuturo pa rin si Ma’am Yeng sa Departamento ng Agham Pampulitika sa Unibersidad ng Pilipinas. Dati rin siyang nagturo ng Agham Pampulitika sa Unibersidad ng Santo Tomas. Noong Nobyembre, nailathala sa Philippine Social Science Review ang kaniyang pananaliksik hinggil sa Aktibismo ng mga Estudyante sa online at offline na midyum.

BASAHIN: https://tinyurl.com/26drdcbf

Noong Disyembre, nailathala rin sa Philippine Political Science Journal ng Brill ang pananaliksik ni Ma’am Yeng hinggil sa pag-unawa ng salaysay ng mga kababaihan ng Pateros, partikular ang mga ina, sa pagtutol at paglaban sa Drug War sa Pilipinas.

BASAHIN: https://brill.com/view/journals/ppsj/42/3/article-p238_3.xml?language=en

Kakayahan, Hindi Kasarian: Ang Papel ng Kababaihan sa Larangan ng Agham

Dakilang gawain ang pagpapasiya ng mga kababaihan na piliin ang agham bilang larangan ng kanilang propesyon. Malimit na ipinagdiriwang ang tagumpay ng mga kababaihan sa pagpapakadalubhasa sa larangan ng agham dahil sa patriyarkal na sistema o ang kadalasang pagkilala lamang sa mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan.

Ipinagpupunyagi, ipinakikilala, at inaaral ang mga siyentistang sina Albert Einstein o Isaac Newton pero hindi sina Mileva Maric, ang unang asawa ni Einstein na dalubhasa rin sa agham, o Marie Curie na isa ring sikat na physicist at chemist. 

Malinaw na nagkakaroon ng pagkukulong sa kasarian na nagreresulta ng hindi pagkakapantay-pantay sa oportunidad para sa mga kababaihan. Simula 2015, itinatag ang Pebrero 11 bilang Araw ng mga Kababaihan at Batang Babae sa Agham ng United Nations General Assembly bilang paghihikayat na magkaroon ng buo at pantay na akses sa pakikilahok ang kababaihan sa larangan ng Agham.

Sa Pilipinas, katulad ng pagbibigay gawad sa mga Alagad ng Sining, mayroon ding itinatag ang pamahalaan ng paggawad sa mga Alagad ng Agham. Mayroong 42 Pambansang Alagad ng Agham sa kasaysayan ng Pilipinas at 11 rito ay mga kababaihan na nangahas na magpasiyang mag-ambag sa iba’t ibang sangay ng Agham. Ito ay sina Encarnacion Alzona, Clare Baltazar, Gelia Castillo, Mercedes Concepcion, Lourdes Cruz, Fe Del Mundo, Clara Lim-Sylianco, Luz Oliveros-Belardo, Dolores Ramirez, Perla Santos-Ocampo, at Carmen Velasquez. 

Ayon sa National Science Foundation (2017), 51% hanggang 58% ang partisipasyon ng kababaihan sa biosciences at social sciences taong 1995 hanggang 2014. Kakaunti ang mga babaeng pumipili nito dahil sa stereotype na ang agham ay para sa mga lalaki lamang.

Hinihikayat sa gayon ang mga kababaihan at dapat ding simulan sa mga bata na ang agham ay hindi lamang para sa mga lalaki. Sa kabilang banda, ang mga propesyong pangkababaihan ay hindi lamang natatali sa mga kababaihan lamang bagkus ay pwede rin ang mga lalaki.

Ang gawaing panlalaki o pambabae ay isang social construct o ang pagdidikta ng lipunan sa kung ano ang gawaing panlalaki at gawaing pambabae. Kung babalikan ang kasaysayan noong dumating ang mga mananakop, ipinakilala nito ang pambabae at panlalaki. Halimbawa nito ang wika ng Kastila na may mga salitang eksklusibo lamang na ginagamit para tukuyin ang isang lalaki o ang babae.

Pero balikan din natin na bago tayo sakupin, may mga babaeng lider at ito ang mga babaylan. Sila ay may kakayahang mamuno, lumikha, magsuri, o manaliksik. Hindi naikakahon sa tahanan lamang ang mga kababaihan.

Ang Internasyonal na Araw ng mga Kababaihan at Batang Babae sa Larangan ng Agham ay isang paraan upang alalahanin na may papel ang mga babae sa agham at lipunan. Binabali rin nito ang pagtingin noon na ang babae ay para lamang sa tahanan. Dagdag pa rito ang  mga babaeng tumatakbo ngayong eleksyon na tumintindig at lumalaban sa maka-lalaking sistema. 

Hindi mahihiwalay ang agham sa sosyal, politikal at ekonomikal na lipunan. Malaki ang gampanin at impluwensiya ng bawat aspeto sa pag-unlad nito, kung kaya’t mahalagang kilalanin kung paano nagsasalubungan ang larangang sosyal, pulitikal, at ekonomikal sa pagpapanatili at siya ring pagbabago sa lipunan. 

Layon ng Araw ng mga Kababaihan sa Agham ang pagdekonstra ng pagtingin sa kung ano ang panlalaki at kung ano ang pambabae. Kakayahan at hindi kasarian ang dapat tingnan sa anumang propesyon, kurso, at pangarap.

Bilang mas paggaod sa pag-alala’t pagkilala sa seguridad at karapatan ng kababaihan, liban sa kanilang espasyo sa siyensya, sa ika-10 taong pagdiriwang ng One Billion Rising sa bansa ngayong araw, kolektibong pinaiingay ng kababaihan, kasama na ang ibang sektor, ang panawagan nito para wakasan ang violence against women (VAW).

Ang Araw ng mga Kababaihan sa Agham at ang OBR ay nagpapakita ng mahalagang gampanin ng kababaihan sa lipunang Pilipino. Binibigyan nito ng espasyo, oportunidad, at proteksyon ang mga kababaihan laban sa diskriminasyon at abuso, na higit na lumala sa gitna ng pandemikong krisis. 

#WomenInScience
#AbanteBabae

Featured image courtesy of CNN

Presyo ng langis, tataasan na naman

Limang Wika ng Pagmamahal

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *