Maligayang araw ng mga puso?Â
Hindi pa tayo sure. Hindi pa ako sure. Kung maligaya nga ba, o kung may puso nga ba — kung may puso pa ba ang pagsintang tila’y nakaririnding pinapangako ng mga nais daw manilbihan sa sambayanan.
Parang ka-talking stage mo lang na mamulak-mulaklak kung ika’y suyuin. Malamang umaakyat pa lang kasi ng ligaw, campaign season kumbaga. Napakagarbo ng mga pangako, siyang tunay. Eh sa realidad ba?
Pagpapahayag ng pagmamahal
Sabi ng mga matatandang animo’y eksperto sa larangan ng pag-ibig, pagsinta, pag-irog — matamis ang magmahal, nakapagpapalakpak ng tenga, nakapagpapalipad ng mga paruparo sa iyong tiyan sa nag-uumapaw na kilig.
Aba’y sino ba naman ang hindi papalakpak ang tenga kung prontahan ka ng mga pangakong nasa linya ng “babangon muli?” O ng mga pariralang hinulma ng mga kinalakhan niyang karanasan? Ng reassurancekuno na kaisa kanila kahit siya ang sadboi na dahilan ng breakdown ng iyong kinabukasan.
Ngunit, ito ay gasgas at lipas na. Lokbu na. Expired.
Walang nakapupukaw sa arawang mura sa telebisyon, kahit anong bulkan pa ang ihian niya. Walang nakakikilig sa mga baog na platapormang nagkukubli lamang ng pagkibit-balikat nito sa mga pinaslang at dinukot. Walang nakapapaniwala sa mga hipokrito’t hipokritang mga relihiyoso umanong ginagamit ang salita ng Panginoon upang sumuporta sa mga baboy at salot sa lipunang Pilipino.
Walang “unity” sa magnanakaw at mamamatay-tao. Hinoldap ka na tas mahal mo pa? Hindi naman tayo pinalaki para maging tanga sa pag-ibig.
Bagama’t makapangyarihan ang boto ng isang botante, pawang manamis-namis na kahuwaran itong katumbas ng pera sa harap ng mga manloloko at mambubudol.
Ngunit, hindi maaaring sisihin ang umaasang masa bilang ang kaniyang pagkiling sa mga ganitong mga salita, mababangong pangakong ipinako ng kabahuan ng panlilinlang, at pagposturang animo’y diyos-diyosang “tagapagligtas” ng bayan, ay tulak ng kaniyang arawang danas—pag-aalsa ng kaniyang tiyan.
Gayunman, hindi idinadaan sa mga pagtatalumpati sa entablado o pagsayaw sa harap ng manonood ang idinidikdik na pagbabago. Walang saysay ang mga salitang binitawan, mga tugtog na inawit na ni ha ni ho, kung hindi ito galing sa kongkretong pag-aaral sa lipunan at pagtugon sa kahingian ng mamamayan.
Makakamit lamang ang chika ng mga matatanda’t marupok na matamis na pag-ibig sa mga salitang sumasalamin ng kalagayan ng masa, sumusuhay sa kanilang kakayahan, nakasusugat sa kalaban at binabago ang mundo.
Paglalaan ng oras
Ayan, gets mo na ba? Game ka na bang magliwaliw kasama siya? Ipagkatiwala ang ilang taon ng iyong buhay sa kanya?
Iba man ang umanong ligayang nakukuha sa paglalaan ng oras, hindi tunay na pagmamahal ang presensyang pasundot-sundot lamang, tipid pack, tingi-tingi.
Huwad ang pagseserbisyo kung ang oras na dapat ay para tumulong at magmalasakit sa masang api ay ginagamit sa walang kabuluhang pagpuputak, pagputok ng buching puro patutsada sa kung kanino man. Walang nakapapanatag, lalo’t sa gitna ng pandemikong krisis, sa pa-blind item galore na nganga pa rin ang ending.
Masasabi bang pagmamahal ang ganitong katiting at walang kabuluhang oras na inilalaan para lamang mas lalo kang iligaw? Linlangin? Lituhin? Hiluhin? Sabi nga ng dakilang pantas na Moonstar88, “Asan ba ako sa iyo? Aasa ba ako sa iyo?”
Ang tunay na pagsalin ng pagsinta para sa masa ay nabubuno sa paglalaan ng oras — piraso ng buhay na hindi kailanman maibabalik — sa pakikiisa at pakikipamuhay rito. Sa makabayang paglahok sa mga pagkilos upang itaguyod ang ginhawang nais matamasa, hakbang-hakbang na isulong ang isang maka-mamamayang pagbabago.
Ang bawat oras na lumipas, at bumuo sa haba ng tinakbo ng pakikibaka, ay binuno sa pagluluwal ng mga ideya’t praktikang nakabatay sa paglalaan muli ng oras upang kilalanin ang masang pagsisilbihan nito. Naglalaan ang tunay na nagmamahal ng oras sa pagiging bukas sa mga puna, at pagtanggap nito upang mas mapabuti ang pagkilos.
Naglalaan ng karampatang oras ang tunay na sumisinta sa pagsisiyasat sa danas ng mga masang kakaisahin nito sa pagsusulong ng mga maka-mamamayang mga plataporma, polisiya, pagkakaisa, at pagbabago.
Pisikal na pagkakatalik
Kung sa paligsahan lang ng ”Most Promising Scammer,” ‘di hamak na mas solido ang mga pangako, mga panunuyo kung ito ay may kaakibat na pagsasabuhay – kung ipaparamdam niya ito sa aksyon, sa mas pisikal na paraan — yakapan, hawakan ng kamay, halikan, check-in sa motel.
Ngunit, kahit gaano kalambing ito, ganito rin ang ganahan ng mga desperadong manyak, magnanakaw, at tiraniko.
Nakapangingilabot ang tunay na epekto ng pagiging bastos ng ating Pangulo. Mula sa pagbabandera ng mga biro patungkol sa panggagahasa, pambababoy at pagpapapatay sa kababaihan, direkta niya itong pinakikita sa tahasan niyang panghihipo sa kaniyang kasambahay.
Gumagawa ito ng kultura ng impunidad sa pangil ng estado, ang mga militar at kapulisan. Si Duterte na rin naman ang nakaraang nagsabing maaaring manggahasa ang mga militar sa ilalim ng Batas Militar. Siya na rin naman ang lantarang nagsabing sayang at hindi siya ang maka-uuna.
Kapansin-pansin naman na ito sa mga kaso ng sekswal na abuso ng mga militar, katulad na lamang ng kaso ni “Belle*” sa kamay ng CAFGU na umalipusta at gumahasa sa kaniya.
Dagdag pa rito ang kaso ni Daniel Smith na nanggahasa kay “Nicole*” noong taong 2006 sa Subic, kung saan talamak ang prostitusyon at mga ulat ng panggagahasa. Si Smith ang unang nilitis sa ilalim ng maka-US na Visiting Forces Agreement (VFA).
Isa pa ang kaso ni US Marine Joseph Scott Pemberton na pumatay kay Jennifer Laude matapos malamang siya ay isang transwoman. Espesyal ang naging pagtrato kay Pemberton dahil mismong si Pangulong Duterte ang naggawad ng absolute pardon sa mamamatay-tao.
Sa tuwing napapansin ng reaksyunaryong estado na lumalaban na ang mga tao, natural na kanilang tugon ang paggamit ng pisikal na dahas.
Pinatotoo ito ng Bloody Sunday noong Marso 2021 na pumatay ng 9 na mga aktibista sa Timog Katagalugan. Pinatotoo ito ng Mendiola, Hacienda Luisita, at Kidapawan Massacre kung saan pinaputukan ang mga magsasakang itinataas ang kanilang kahingian, lalo’t sa ilalim ng panggigipit ng gobyerno.
Pinatotoo ito ng “shoot them dead” para sa Kaliwa na kautusan ni Duterte na nagresulta sa libo-libong kaso ng extrajudicial killings (EJKs). Sa katunayan, nitong Enero 2022 lang, naitala ng Institute for Nationalist Studies (INS) na mayroon nang 131 na mga EJKs sa bansa.
Pinatotoo ito ng maka-ilan nang panonortyur, paglabag sa karapatang pantao, pambubugbog, paniniktik, at pagpaslang ng mga pwersa ng estado.
Para sa pangulong nanumpang pagsisilbihan ang sambayanan, para sa tinaguriang ina kuno ng demokrasya, ito ay isang masahol na pagpapakita ng kanilang “pagsinta” sa kanilang pinaglilingkuran. Malagim at madugo, hindi ganito ang tunay na umiibig.
Sa halip, ang tunay na mapagpalaya kung magmahal ay may pag-iingat, may pagtatangi, may respeto lalo na sa iyong batayang karapatan. Ang totoong umiibig ay “hinahawakan” at “niyayakap” ang responsibilidad nito sa paglilingkod at pagkilos, at ang kakayahan ng kaniyang mga kasama upang kolektibong ipagtagumpay ito.
Bigayan ng regalo
Kapag ba sinabi ni Jessa Zaragosa na, “ibigay mo na,” ibibigay mo na ba talaga ang lahat? Siguro ito ang naging batayan ng mga hunghang na ganid na nagpapalala ng kahirapan sa bansa.
Nakapanlulumong mas matimbang sa kanila ang ganansya ng mga linta’t pesteng nanggagatas sa mamamayan. Kaya’t kahuwarang pagsinta sa bayan ang pagpayag sa 100% foreign ownership. Ito’y pagtalikod, pagtatraydor, at pang-aanaconda sa masang pinaglilingkuran.
Ang ganitong ganahan ay maglulugmok sa bansa sa mas malubhang krisis — mas tataas ang presyo ng mga bilihin, mas liliit ang sahod at bababa ang kalidad ng trabaho, mas mawawalan ng lupa ang mga magsasaka, mas sisimutin ang likas yamang tayo dapat ang primaryang nakikinabang.
Pahirap at kahuwarang paniwalaang ito ay isang hakbangin sa pagpapaunlad ng ating bansa.
Mas masidhi pa ang kaitiman ng budhi ng mga lokal na naglalakihang negosyante’t politiko. Aba’y may nag-aala Hesus na tinakdang anak daw siya ng Panginoon.
Simple lang naman ang koneksyon ng hipokritong si Quiboloy at kaibigan niyang pangulo. Nagbibigayan sila — pamamahagi ng “anak ng Diyos” ng materyal na yaman, kotse o pribadong pagmamay-ari sa pangulo, habang eternal na proteksyon naman ang ibinabalik ng tiraniko.
Isa pa itong pamilyang pinaglihi sa ninuno ni Satanas kung makapagnakaw, magsinungaling, at pumatay ng sinumang haharang sa kanilang paghahasik ng lagim. Hindi sila naging maramot sa kanilang sarili, dahil gamit ang nakaw na yaman, si Imelda Marcos at ang kaniyang pamilya ay nagpakasasa sa kanilang koleksyon ng mga sapatos, alahas, korona, at mga painting, na lahat ay galing sa nakaw na yaman ng taumbayan.
Nakapangingilabot, siyang tunay nga naman. Dahil taliwas dito, ang totoong nagmamahal ay mapagbigay para sa ikabubuti ng nakararami.
Ito’y tiyak na sa pamamahagi ng lupang mapagbubungkalan ng mga magsasaka, pagbibigay ng sapat na makinarya’t pataba upang makapagtanim ng de-kalidad na mga palay. Paninigurado ng suporta mula sa gobyernong hindi lamang sa papel, at hindi maka-panginoong maylupa ang daloy ng kasunduan. Ito’y sa pagtataas ng sahod ng uring manggagawa, pamamahagi ng nakabubuhay na mga trabaho’t pagwawakas ng kontraktuwalisasyon.
Ang sumisintang tunay ay nakatuon sa pagbibigay ng mga ligtas na espasyo para sa kabataan, espasyo upang makipagtalastasan at maging kritikal. Ito’y sa pagdepensa sa mga katutubo, paggigiit sa kanilang karapatan sa ninunong lupa at identidad. Ito ay sa pagbibigay-proteksyon sa mga batayang karapatan ng mga mamamayan, pagsagka sa ano mang atake mula sa mga kalaban.
Paninilbihan
Ano, teh, mauubusan na tayo ng mga karaniwang wikang nagsasalaysay sa mapagpalayang pagsinta; ngunit, parang may kulang pa.
Totoo naman, dahil hindi matipid ang nagmamahal. Hindi mapagkait, at higit sa lahat, nagsisilbi, naglilingkod – never gonna let you down, never gonna turn around and desert you.
Bagaman ipangalandakan ang pag-ahon sa laylayan, o pagsasaayos sa gobyerno, sa buhay mo, o kaya sa bilis sa pagkilos, kung tagilid ang pagtindig sa mga isyung malaki ang epekto sa pagpapalala ng paghihirap at opresyon mo’y may kailangang ituwid.
Kailangang punahin at isiwalat ang katotohanang walang “right way” na pagtugon kung ito ay dumudulo sa pagdanak ng dugo. Ito’y lalo na sa konteksto ng giyera kontra-droga ng tiranikong administrasyon na napatunayang kontra-mahirap.
Papaano natin masasabing mapagpalaya o radikal ang pagmamahal kung hindi tinutuon sa puno’t dulo ng problema sa kahirapan sa ating bansa? Kung hindi pananagutin ang mga dapat managot? Kung sa paglilingkod mo kuno sa bayan ay siya ring pagsalungat mo rito’t pagpanig sa mga mapang-api?
Mahalagang tunay na nakikita natin ang on the ground nilang pakikihalubilo sa masang pinagsisilbihan nila. Natural lang dahil dito natin mahihinuha ang katotohanan ng makamamamayang paglilingkod na nais nilang pagulungin.
Hindi naman natin ililimita ang pagsinta sa ganitong pagtanaw. Hindi naman kasi habambuhay mananatili ang mapanupil na paghahari-harian ng mga ganid at berdugo sa lipunang Pilipino.
Mayroon at mayroong babatikos at pupuna. Tunay na pamamahagi ng serbisyo sa sambayanan ang salubungin ito ng pakikiisa, lalo na sa mga maka-mamamayang plataporma – dahil iisang uri ang tunay na kalaban. Sa pagpapatibay at pagpapalakas ng pagpuksa sa kalaban, mahalaga, gayon, ang direktang pakikiisa sa pagkilos ng malawak na hanay ng masa, sa porma ng pagpoprotesta’t paglubog sa masa upang mas mapaingay ang kahingian ng mga mamamayan.
At, sa masidhing kabulukang pinananatili ng dominanteng uri, makaturangan, marapat, at isang tiyak na pangangailangan ang tumangan ng mga armas laban sa marahas na gobyerno’t kasapakat nitong mga naglalakihang mga negosyante, panginoong-maylupa, at kasosyo nilang mga imperyalista.
Sila ang tunay na puno at ugat ng paghihirap ng sambayanang Pilipino, at kasiraan ng nananaig na sistemang siyang nagpapahinog ng mga kondisyong labanan ang estado.
Marapat lang naman ang kahit ano ritong porma ng paninilbihan sa sambayanan dahil walang kinikilala’t dinidiktang iisang paraan ng paglilingkod, katulad ng radikal na pagsintang may kritikal na pagkilala at pagtugon sa ugat ng matagal nang umiiral na mala-kolonyal at mala-pyudal na mga kondisyon sa bansa.
Sa oras na magkulang na ang mga wika ng pagsinta
Mananatiling matamis ang pag-iibigang totoo kung napatutunayan ito lagpas sa salita at aksyon, sa teorya at praktika, sa plataporma’t pagtugon. Mahalaga, gayon, na may puso.
Ano pa’t ngayon ay araw ng mga puso? Kailangang mapagtanto ang kahalagahan ng pagkakaroon ng buhay na diwa, masigla’t buong puso sa paglilingkod, at sa pagkilos. Sa katahimikan man o kaingayan, sa kaguluhan o kaayusan, sa walang katiyakan at kasiguraduhan, mananatiling nangingibabaw ang kapasyahang maglingkod sa sambayanan.
Tulad ng pagkahulog mo sa mga makikinang niyang ngiti’y ganito mo rin yakapin at ibigin ang maliwanag na pagsabuhay sa bawat wika ng tunay na pagmamahal, kasama ang masang Pilipino tungo sa mapagpalayang tagumpay, kahawak ang kanilang kamay.
Featured image courtesy of Sugbo.ph