Si Len-Len ay Ang Pinagsasamantalahang Manggagawang Pilipino


Pinabulaanan ng mga manggagawa ang insensitibong sentimiyentong ipinarating sa “Pagod Len-Len,” isang bidyong dinerekta ni Darryl Yap at pinagbidahan ni Sen. Imee Marcos, kapatid ng tumatakbong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa nasabing bidyo, pinagtawanan ni Imee, kasama ng ibang mga aktres, ang karakter ni “Len-Len” dahil umaabot umano ng 18 hours ang trabaho nito.

Sa bidyo, sinabi ni Imee na kailangan lamang ni “Len-Len” ng time management.

Dagdag pa ni Imee, “Ang pagtatrabaho ay parang pag-inom ng kape. ‘Pag nagtimpla ka, dapat tantsa mo: Kaya ko ba ‘tong ubusin?” 

Nauna nang sinabi ni VP at presidentiable Leni Robredo sa Jessica Soho Presidential Interviews noong Enero 22, 2022 na umaabot sa 18 hours ang kanyang trabaho. Ang karakter ni Len-Len ay tila pang-aasar kay Robredo—mahigpit na karibal ni Marcos Jr. sa pagkapangulo.

Bagaman nakasaad sa bidyo na hindi umano ito pulitikal, nadulas si Yap nang mabitawan niya ang pangalan ni VP Robredo sa isang statement. Nangangahulugan itong indirekta niyang inamin na kay Robredo kinuha ang karakter ni “Len-Len.”

“But 3 truths will hurt you everytime you breathe: 18 hours per day everyday will kill you, you can’t fight my #LenLen content, Leni Robredo will never be president,” ani ng direktor matapos ang backlash.

Si Yap ay namataan ding dumalo sa proclamation rally ni Marcos Jr. at Sara Duterte sa Philippine Arena noong Pebrero 8 para magpakita ng suporta.

Matapos ang nasabing bidyo, sinabi rin ni Imee, at ng kanyang mga tauhan, sa isang buradong tweet ang mensaheng, “Anyone who claims to work 18 hours a day is either lying or stupid.”

Matatandaang noong 2022 Presidential One-On-One Interviews with Boy Abunda noong January 25, iginiit ni Bongbong na tutol umano siya sa “negative campaigning.” 

Salungat nito, maraming nakapansin na ang mga tagasuporta niya, tulad ni Darryl Yap at ang kanyang kapatid na si Imee, ang kumikilos para sa negative campaigning laban sa mga kalaban niya tulad ni Robredo.

#AkoSiLenLen

Bagaman maituturing na negative campaigning laban kay Robredo ang nasabing bidyo at buradong tweet, naging taliwas ang resulta nang mag-viral ang #AkoSiLenLen sa social media.

Inalmahan i ng mga manggagawa ang kabastusang nadama nila matapos kumalat ang bidyong “Pagod Len-Len.”

Sa isang panayam ng SINAG, ibinahagi ng isang seafarer, isang 5th-year medical intern, at isang medical intern at registered pharmacist ang kanilang komento ukol sa sinabi ni Imee.

Minimum na ang 14 hours na trabaho para sa seaferer at maswerte pa raw kung mayroong apat na oras na tulog araw‐araw sa isang linggo. Dagdag pa niya, sisiw na raw sa kanya ang 18 hours na trabaho.

Tinatayang 12 hours naman ang duty ng 5th-year medical intern pero hindi pa rito kasama ang oras para sa mga klase.

Para naman sa medical intern at registered pharmacist, tinatayang 12 hours ang duty pero hindi pa kasama ang mga asynchronous activities at oras ng pag-aaral.

Tinanggi nilang tatlo na hindi sila mga sinungaling at estupido. Sa halip, mga manggagawa at mag-aaral sila na kailangang magsumikap hindi tulad ng isang laki sa layaw. Anila, nakaka-invalidate ang gayong insensitibong sentimyento.

Bagaman naniniwala silang realidad ang pagkakayod sa loob ng 18 hours o higit pa na hindi dapat gawing katatawanan, naniniwala rin silang dapar pabutihin ang working conditions ng mga mangagawang pinagsasamantalahan.

Anila, mababakas sa nasabing insensitibong sentimyento ang pagiging elitista, hipokrito, laki sa yaman, at out of touch ng mga Marcos na napatunayan ng gubyerno na may mga nakaw na yaman.

“Laki kasi sila sa yaman. ‘Yung pera nila umaapaw na nang kusa na di na nila kailangan maghirap. Hindi niya na kasi nakikita ‘yung mga taong nagtatrabaho pa habang siya maaga natutulog at tanghali na gumigising,” ani ng seafearer.

“They live in another bubble, in another world, from those that they say they serve. They don’t practice what they preach,” sambit ng 5th-year medical intern.

“Paulit-ulit nilang sinasabi na maka-masa silang mga tao. Sasabihin ni Imee Marcos makamahirap siya kasi nakatulong siya sa Ilocos Norte. Hindi naman nila naiintindihan ang plight ng mga mahihirap,” tugon naman ng medical intern at registered pharmacist.

Maaalalang ganito rin ang pinanawagan ni senatorial aspirant at labor leader na si  Elmer Labog noong sumabog ang isyu.

TINGNAN: http://bitly.ws/oyoj 

Paninindigan ng tatlo, hindi dapat magtapos ang usapan sa isyu ukol sa sinabi ni Imee. Marapat na gumawa ang gobyerno ng paraan upang iangat ang mga manggagawa sa makataong kalagayan lalo na ang mga nasa laylayan.

Sobra sa oras, kulang sa sahod

Sa isang panayam ng SINAG sa Filipino Nurses United (FNU), ipinahayag nila ang kanilang naramdaman. Anila, mababakas sa nasabing bidyo at tweet ang kawalan ng simpatya at pagkilala sa mga frontliners na nangunguna sa paglaban sa pandemya.

Ayon sa kanila, 12 hours ang normal na shift hours ng mga nars. Ngunit dahil sa pandemya at kakulangan ng mga tauhan, sobrang tumataas ang workload kaya humihigit pa sa 18 hours ang kanilang shift kada araw.

“Dahil sa sobrang workload/patient load, na dulot ng understaffing, kulang na kulang ang staff, dagdag pa, marming nagkakasakit, maraming na-expose sa COVID kaya kailangang mag quarantine, ang iba sa amin ay halos sa ospital na nakatira,” anila.

Inilantad din nila ang kontraktwalisasyon sa hitsura ng emergency hiring na Contract of Service o tatlong buwanang trabaho lang ang binibigay ng Department of Health (DOH) kaya naman kinukulang at napapagod na ang mga frontliners na dalawang taon nang rumeresponde sa pandemya.

Gayunpaman, hindi sapat ang sweldo at mga benepisyo nilang natatanggap o hindi natatanggap mula sa administrasyong Duterte.

Anila, kulang pa sa P12,000 kada buwan o tinatayang P8,000-10,000 lamang kada buwan ang mga sinasahod ng mga nars lalo na ang mga galing sa pribadong sektor.

Dagdag pa rito ang hindi makataong kalagayan sa trabaho at ang hindi pa rin pagkatanggap ng mga benepisyo tulad ng hazard pay at overtime pay ng karamihan.

Maaalalang noong nakaraang taon pa ang ganitong isyu ng medical frontliners habang ang mga pulis at militar ay halos dumoble na ang sahod sa ilalim ni Duterte.

BASAHIN: http://bitly.ws/oxuq 

“Ang nais naming sabihin kay Imee Marcos, wala syang karapatang magsalita, mag-akusa ng ganoon kung wala s’yang imbestigasyon sa tunay na nangyayari on the ground,” paninindigan ng FNU.

“Pero kahit alam din nya, isa sya sa mga nasa poder o pamhalaan na matagl ng nagbulag bulagan at nagbingi bingihan sa mga kahingian ng mga ordinaryong mamamaya, manggagawa at lalo na frontline health workers ngayong pandemya para sa mas makataong sahod at work conditions, tulad ng work hours na lampas na sa kakayahan ng katawan at isip ng isang indibidwal,” dagdag ng grupo.

Patuloy ring nananawagan ang FNU sa pamahalaan upang itaas sa nakabubuhay na sahod na P35,000-50,000 kada buwan ang entry level salary ng mga nars. Kabilang din ang sapat na benepisyo, proteksyon, at seguridad sa trabaho.

Paninindigan din ng FNU, “Ang manggagawang nagtatrabaho, nagdurusa, at nagsasakripisyo sa bayan, tulad nga manggagawang pangkalusugan kagaya ng nars, ay hindi nagsisinungaling o istupido. Kami ay lubos na naglilingkod at tapat sa aming tungkulin, samantalang kailangan pa naming igiit ang aming batayang mga karapatan.”

Ang naratibo ni Len-Len ay naratibo ng manggagawang Pilipino—pinagsasamantalahan ng malaking negosyo, inaapi ng mga ganid na politiko gaya nina Marcos at Duterte.

Featured image from Manila Bulletin

Echoes of conscience: CSSP majors continue to amplify calls for acad ease and ligtas na balik eskwela

Isang estudyante, arestado matapos ‘taniman ng baril’ sa sariling bahay

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *