Patay ang dalawang bata sa Barangay Roxas, Catubig, Northern Samar at isang magsasaka sa Esperanza, Masbate sa kamay ng 20th at 96th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army noong Pebrero 8.
Kinilala ang mga biktimang sina Andrei Esponilla, 12 taong gulang na Grade 6 student, at isang hindi pinangalanang 9 na taong gulang, na noo’y naghahanapbuhay sa koprahan na sinasabing biktima ng indiscriminate firing.
Ang magsasaka ay kinilala namang 33 taong gulang na si Richard Mendoza, miyembro ng lokal na balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ngunit pinaratangang miyembro ng New People’s Army (NPA) na napatay diumano sa isang engkwentro.
Itinanggi ng Jose Rapsing Command (NPA-Masbate) na miyembro nila si Mendoza at walang naganap na engkwentro. Anila, “The deployment of the 96th IBPA in Masbate has no other purpose but to envelop civilian communities in terror.”
Sa isang namang kumalat video, makikitang bitbit ang bangkay ng isa sa mga batang pinaslang ng militar, samantalang hindi magkamayaw ang mga residente ng Brgy. Roxas sa paghahanap ng motor na magagagamit para dalhin ang biktima sa ospital.
Ayon sa pahayag ng militar, napaslang ang dalawang bata sa isa umanong engkwentro sa pagitan ng NPA at Army at habang tinutugis ang isang Ka Nonoy sa lugar na itinanggi naman ni Marco Valbuena, tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Nilinaw ni Valbuena na pinabayaan lang ng mga militar ang mga bata na mamatay at sinabi ng isang bata bago mamatay na Army ang bumaril sa kanila.
Batay sa isang ulat, nasa 30 sundalo ng 20th IB ang sumugod sa naturang lugar para magsagawa ng operasyon laban sa NPA matapos ang ambush na kumitil ng dalawang tropa ng 20th IB.
Ang pagpatay ng militar at magsasaka sa mga bata ng Catubig ay paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nagbabawal na patayin ang mga non-combatant sa armadong tunggalian.
Pinaiingay ngayon ang panawagang makisangkot ang midya, mga human rights organizations, at children’s rights advocates sa pagsisiwalat sa nangyaring insidente, gayundin ang pagpapanagot sa mga sundalong maysala sa pagpaslang ng mga inosente.
Pagdidiin ni Valbuena hindi na bago ang ganitong pag-atake ng mga pwersa ng estado sa mga sibilyan at kanilang karapatang pantao sa tabing ng kontra-insurhensiya, lalo na’t nasa “last push” na ang rehimen.
“These acts of war against civilians form part of the Duterte regime’s drive to to terrorize the people and suppress their resistance to defend their land and fight the military’s occupation of their communities to allow the encroachment of mining companies and plantations,” aniya.
Matatandaang binomba rin ng 501st Infantry Brigade ng AFP ang komunidad ng mga Agta at magsasaka sa Sitio Bagsang, Brgy. Sta Clara, Gonzaga, Cagayan mula noong Enero 29.
BASAHIN: https://tinyurl.com/524jdbuk
Samantala, kahapon, walang basehang idineklara ng Anti-Terror Council (ATC) ang 16 na “democratic and patriotic” na mga organisasyong kaalyado ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bilang mga “terorista” kasama ng CPP at NPA at ilan pa nilang consultants.
Giit ng mga kritiko, bahagi lamang ang deklarasyong ito ng ATC ng patuloy na panggigipit ng administrasyong Duterte sa mga organisasyong masa na bumabatikos sa diktadura nito at dapat itong panagutin at kanyang militar sa kanilang mga krimen.
Hindi na bago ang modus ng AFP na pagpaslang sabay pagredtag sa Northern Samar at Masbate. Noong Nobyembre 17, dalawang niredtag na magsasaka ang pinaslang ng 59th IB, Jorge Coronacion at Arnold Buri, sa Sampaloc, Quezon.
Featured image courtesy of Marco Valbuena