Nanguna sina presidentiable Vice President Leni Robredo at vice presidentiable Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Pulso ng Diliman: The UP Diliman 2022 Mock Elections na inilabas ng Bantay Boto 2022 Facebook page nitong Sabado, Marso 12.
Nagtala si Robredo ng 95% (4,870) ng kabuuang boto habang pumangalawa naman si Ka Leody De Guzman sa 1.6% (83). Dikit naman sina Senador Ping Lacson at Manila Mayor Isko Moreno sa ikatlo at ikaapat na pwesto para sa higit 5,106 estudyante ng UP Diliman na nagsagot ng nasabing survey.
Samantala, ang anak ng diktador at hindi sumisipot sa mga debate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nangulelat, kung saan nakakuha lamang ito ng 0.5% (26) ng boto. Sinundan naman siya ni Senador Manny Pacquiao na mayroong 0.1% (7).
Sa pagkabise-presidente, pumalo sa 84.4% (4,328) ang nakuhang boto ni Senador Francis Pangilinan, dating estudyante at Student Regent ng UP, habanag pumapangalawa si Prof. Walden Bello, na dati nang nagturo sa UP, na may 5% (254) ng kabuuang boto.
Dikitan naman ang tunggalian nina Doktor Willie Ong, Senador Tito Sotto, at Davao City Mayor Sara Duterte para sa ikatlo hanggang ikalimang pwesto.
Nitong Marso 9, Miyerkules, nauna nang isinapubliko ng Bantay Boto 2022 ang resulta ng mga nagwagi sa pagkasenador at party-lists.
TINGNAN: https://tinyurl.com/56xw4xx6
ANG MAGIC 12 NG UP DILIMAN
Nanaig sa pagkasenador ang mga kandidato ng Team Robredo-Pangilinan (TROPAng Angat) at Koalisasyong Makabayan, na pawang bahagi ng nagkakaisang hanay ng oposisyon laban sa tambalang Marcos-Duterte.
Nasungkit ng batikang human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno ang unang puwesto, kung saan nakuha niya ang 97.1% (4,895) ng boto ng mga Iskolar ng Bayan. Isa sa mga isinusulong na plataporma ni Diokno ang repormang panghustisya at gawin itong patas, maayos, at aksesible sa mamamayan.
Nagtamo naman ng 89.5% (4,513) ang pumapangalawang si Senadora Risa Hontiveros, na nakilala sa pag-akda ng Bawal Bastos Act, Raising the Age of Sexual Consent Act, at SOGIE Bill.
Ikatlo sa listahan ang human rights lawyer na si Neri Colmenares ng Koalisyong Makabayan na may 87.5% (4,409)ng kabuuang boto. Ilan sa mga isinusulong ni Colmenares ang libreng gamot at pagamot, pagsusulong ng pambansang minimum wage na P750, at pagpapanagot kay Pangulong Duterte sa madugo nitong giyera kontra droga at iba pang krimen.
BASAHIN: https://tinyurl.com/2p93nmrm
Kasunod naman ni Colmenares sa ikaapat hanggang ikapitong pwesto sina Senadora Leila De Lima (4,022) dating Ifugao representative Teddy Baguilat (3,492), dating Senador Antonio Trillanes (2,359), at labor leader Atty. Sonny Matula (2,258).
Pasok din sa Magic 12 ng UP Diliman sa ikawalong pwesto ang unyonista at lider-manggagawa na si Ka Bong Labog (2,204). Ilan sa mga nais niyang isulong sa Senado ang paid pandemic leave, pagwawakas ng endo, at pagkakaroon ng worker’s pension fund mula sa pamahalaan nang walang pagkaltas sa sahod ng mga manggagawa.
Kabilang din sa listahan sina NGO leader Atty. Alex Lacson (2,104), dating senador at Sorsogon Governor Chiz Escudero (1,612), at Senador Richard Gordon (1,436).
Samantala, ikalabing-isa si Marawi civic leader Samira Gutoc (1,472), ang nag-iisang kandidato na mula sa Aksyon Demokratiko, partido ni Moreno.
PAMAMAYANI NG MAKABAYAN
Namayagpag naman ang limang party-lost na pambato ng Koalisyong Makabayan sa kinalabasan ng party-list polls.
Nakapagtala ng 51.6% (2,633) ng kabuuang boto ang nangungunang Kabataan Party-list, ang kaisa-isang representasyon ng kabataang Pilipino sa Kongreso. Ilan sa mga isinusulong ng Kabataan Party-list ang ligtas, abot-kaya, at de-kalidad na edukasyon para sa lahat, 10K student aid, at batayang serbisyong panlipunan sa gitna ng pandemya.
BASAHIN: https://tinyurl.com/mr42vsjt
Nagkamit naman ng 13.4% (683) ang pumapangalawang Gabriela Women’s Party, na nagsisilbing kinatawan ng mga kababaihan, kabataan, at iba pang marhinalisadong sektor sa kamara. Pasok din ang iba pang miyembro ng Makabayan sa listahan, tulad ng ACT Teachers (248), BAYAN MUNA (111), at Anakpawis Party-list (62).
Nakakuha rin ng mahigit isang porsyentong boto ang Akbayan (305), AGAP(106), at AGRI Party-list (58).
Isinagawa ang pagkuha ng Pulso ng Diliman mula Pebrero 5 hanggang 28, 2022, at nakakuha ito ng humigit-kumulang 20 porsyentong total voter turnout gamit ang ‘nonprobability sampling’—hindi representasyon ng kabuuan ng pamanatsan—at mga tanong na hawig ng sa SWS election surveys.
BBM, #1 PA RIN SA PULSE ASIA SURVEY
Ngayong araw, lumabas din ang resulta ng Pulse Asia survey mula Pebrero 18 hanggang 23 kung saan nanguna pa rin ang anak ng diktador na si Marcos Jr. sa 60% habang 15% lang ang nakuha ni Vice President Leni Robredo.
Sa kabila ng pangunguna ni Marcos Jr. sa mga debate, tikom pa rin ito sa mga maiinit ng isyu ng bayan gaya ng oil price hike at paglalabas ng kanyang plataporma sa debate dahil abala itong magsalita tungkol sa pagkakaisa sa mga campaign sorties o maging ninong sa kasal.
#KAPPasyahan2022
#Halalan2022
Featured image by Manila Bulletin