Saksi ang SINAG sa hungkag na mga proyektong “pangkaunlaran” at “kapayapaan” ng estado na iilan lamang ang nakikinabang. Binubunsod nito ang kaliwa’t kanang demolisyon, bulok na edukasyon, pagpatay sa mga kritiko, katutubo, magsasaka, at manggagawa.
Hudyat lamang ito na ang bawat araw ay maaring huling araw para mabuhay kung hindi matitigil ang kalapastanganan ng estado sa kaniyang mamamayan.
Habang namamayagpag naman ang kabanata ng mga iskandalong politikal ng tiwali at maka-dayuhang diktadura ni Duterte, matinding krisis ang patuloy na daranasin ng bayan. Ang paggamit nito ng Anti-Terrorism Law ay hindi lamang tuwirang pagpapatahimik sa nagngangalit at mithiing lumaya, hinahalina nito ang taumbayan na huwag nang tumuligsa, tanggapin ang sitwasyon, umasa sa limos, at hayaang mamayani ang isang sistemang panlipunang labis na umaapi at nagsasamantala sa mamamayan ay marapat nang wakasan.
Wala sa isinusulong ng gobyerno gaya ng Charter Change o manikluhod sa limos ng dayuhan o kahit pa sa pagbabalasa ng mga tao sa loob ng gobyerno sa halalan makakamit ang tunay na panlipunang pagbabago. Dahil hangga’t ang gobyerno ay sityo ng mga panginoong maylupa at negosyanteng maka-dayuhan ay mananatiling palamuti sa mga pahina ng aklatan at para sa masa ang salitang “demokrasya”.
Hindi na bago ang pakikidigma sa ganitong kaayusan. Ang militansya ng mga Pilipino na nagpabagsak sa kolonyalismo, diktadurya, at iba pang sumusupil sa karapatan at kalayaan ay dahas ng digma, isang kabanatang itinuturo sa atin ng kasaysayang hindi pa natutuldukan.
Ang aral ng mga erehe, pilibustero, bandido, rebelde, mosquito press, aktibista, mamamahayag — mga bansag sa “kaaway” ng estadong nagsasamantala, nang-aapi, at pumapatay ng mamamayan — ay isang karangalan at obligasyon na marapat tanganan ngayon. Hindi kayang burahin ng red-tagging at militarisasyon ng estado ang kabuluhan at kasaysayan ng mga martir ng sambayanan na walang pag-iimbot at takot na nag-alay ng sarili para sa isang lipunang pantay-pantay at maalwan na bukas.
Sa kabilang banda, babala ito sa estadong dumidirehe ng kaniyang kuwento para manatili sa kapangyarihan at nabubulok na kaayusan. Tulad ng isang kuwento, ang sakim sa kapangyarihan at paniniil ng isang karakter sa kaniyang kapwa, ay may hangganan — nilalabanan, sinisingil, at binubuwal sa itinakdang panahon.
Sagisag ng pahayagan ang kasaysayan at pananagumpay ng digma. Gaano man karahas at katagal ang labanan, mananatili itong nagsusulat, nagsisiwalat at lumalaban kasama ng sambayanan.
Dibuho ni Kate Gotis