Matapos mag-rally, TSU admin nagbantang isuspinde ang tatlong estudyante


Tatlong estudyante ng Tarlac State University (TSU) ang pinagbantaang masuspinde matapos umanong makilahok sa International Women’s Day rally sa Angeles City, Pampanga noong Marso 8. 

Batay sa liham ng Student Affairs and Services Office ng pamantasan, hindi umano sumunod sa University Student Manual at Approved Student Discipline Manual ang mga mag-aaral na tinutukoy na miyembro ng Tindig-TSU, isang partidong politikal sa naturang unibersidad.

Nilinaw naman ng isang sangkot na estudyante na hindi siya kabahagi ng isinagawang rally at miyembro ng Tindig-TSU. Gayunman, pinagdiininan niyang walang karapatan ang unibersidad na supilin ang demokratikong karapatan ng mga estudyante. 

“The Student Affairs and Services Office does not have the authority to intrude in my personal life. It is disappointing how the institution maliciously tags me as a violator of the Student Discipline Manual. I am not in any way affiliated with Tindig TSU and I also did not join the International Women’s Day mobilization. However, even if I did, exercising my democratic rights should never be questioned, most especially by my university,” aniya.

Ilan sa mga paratang sa mga akusadong estudyante ang paglabag nito sa alituntunin na nagbabawal sa pagdaos at pakikilahok sa mga aktibidad ng isang di-akreditadong organisasyon ng pamantasan. 

Posibleng patawan ng suspensyon sa loob ng pito hanggang 15 araw dahil sa kanilang “major offenses.”

Bagama’t nilinaw ng Tindig-TSU na hindi sila opisyal na kinikilala ng pamantasan ngayong akademikong taon, nanindigan ang grupo na walang karapatan ang unibersidad na lupigin ang malayang pamamahayag at pagprotesta ng mga estudyante at ng organisasyon. 

Ayon sa Bill of Rights ng 1987 Constitution, karapatan ninuman sa malayang pamamahayag, pagsapi sa mga organisasyon, at pagpoprotesta.

“Tindig TSU and the students condemn the institution’s malicious tagging of students as violators of the Student Manual and upfront suppression of their democratic rights as they continue to stand and fight for the rights of the toiling masses,” pahayag ng Tindig-TSU sa isang press release.

Mariin namang tinutulan ng Kabataan Party-list Tarlac ang anti-demokratikong polisiya ng pamantasan at pinagdiinang huwag masamain ang malayang pamamahayag ng mga estudyante.

“Hindi kailanman dapat sinusupil ang karapatan ng mga kabataan na magsalita at magpahayag ng kanilang opinyon at paniniwala. Ang paggamit ng boses ng kabataan upang labanan ang katiwalian at pakikiisa sa laban ng mga masang api ay isa sa kanilang mga karapatan. Walang sino at ano mang institusyon ang maaaring magpatahimik sa kanilang mga pinaglalaban..,” giit ng Kabataan Party-list Tarlac.

Nanawagan naman sa unibersidad ang grupong Kabataang Tarlakenyo para sa Bayan (KTB) na ipagtanggol, sa halip na supilin, ang pundamental na karapatan ng mga mag-aaral nito. 

“Hamon sa administrasyon ng TSU na protektahan ang mga demokratikong karapatan ng mga estudyante nito at huwag maging kasangkapan ng estado sa panunupil sa boses ng mamamayan,” giit ng KTB.

Dagdag ng grupo, hindi dapat pahintulutan ang militanteng boses ng mga kabataan.

Sinubukan ng SINAG na hingiin ang opisyal na pahayag ng administrasyon ng TSU subalit hindi ito tumugon.

Batay sa mga larawan ng Tindig-TSU, nakilahok sila sa nasabing protesta upang igiit ang pagkakapantay-pantay ng mga babae at lalaki, at makiisa sa mga babaeng inaabuso at sinasamantala.

#StandWithTindigTSU
#DefendAcademicFreedom

Featured image courtesy of Tarlac State University

GABRIELA, lumaban at makibaka!

Duterte amends law allowing full foreign ownership on public services

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *