Kasama ang kaso ng SINAG sa mga kasong ipinasa ng iba’t ibang grupo, kasama na ang College of Social Sciences and Philosophy Student Council (CSSP SC) sa Opisina ng Ombudsman para sa suspension case kay Lorraine Badoy, undersecretary ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), noong Marso 23, Miyerkules, sa Agham Road, Quezon City.
Kalakip ng mga naratibo sa kaso laban kay Badoy at sa NTF-ELCAC ay ang walang basehang pag-akusa sa SINAG, ang opisyal na pahayagan ng kolehiyo, bilang “NPA front organization” sa mismong Facebook page nila, matapos iulat ang pambobomba ng militar sa komunidad ng mga Lumad sa Surigao del Sur noong Hulyo 2020.
Nasa 37 na mga pamilyang Lumad mula sa Sitio Panukmoan at Sitio Decoy sa Lianga ang lumikas matapos ang strafing at bagsakan ng mga bomba ng militar ang kanilang komunidad. Ito ay naganap ilang araw bago maisabatas ang Anti-Terror Law na malaon nang ipinetisyong di-konstitusyonal, lalo’t sa mga malalabong pagpapakahulugan nito sa terorismo.
Serye ng mga artikulo ang inilabas ng SINAG para sa coverage ng nasabing istorya. Isa sa source ay ang boluntaryong guro na si Chad Booc, bahagi ng New Bataan 5, na pinaslang ng mga elemento ng 10th Infantry Division sa Davao de Oro.
Buhat ng naging ulat ng pahayagan patungkol sa pambobomba, hinamon ng NTF-ELCAC ang pahayagan sa isang debate matapos itong iredtag. Ginatungan ito ng pag-aakusa nina Jumar Bucales at Rico Maca, mga ahenteng Lumad ng NTF-ELCAC, na kaugnay ang pahayagan ng NPA na tinawag nilang terorista.
Sa isang imbestigasyon ng SINAG, napag-alamang umabot sa 250 na pages ng militar at pulis ang nagpakalat ng post ng NTF-ELCAC noong Agosto 3, 2020 na nangreredtag sa SINAG.
Lumubha pa ang mga atake laban sa SINAG sa gitna ng pandemya. Dinumog ang Facebook page ng mga state-backed trolls at nireport ang mga artikulong kritikal sa administrasyong Duterte. Dahil dito, nasuspinde ang pahayagan nang ilang beses sa Facebook.
Nasundan din ito ng redtagging at terrorist-tagging sa mga editor ng pahayagan kabilang na ang kasalukuyang editor-in-chief ng pahayagan at ang dating editor-in-chief at associate editor nito. Bumaha rin ng death threats sa SINAG.
Sa pangangatawan ni CSSP SC Chairperson Neo Aison, nakiisa ang konseho sa ilan pang grupo sa ilalim ng Movement Against Disinformation upang ipasuspinde si Badoy dahil sa paglabag umano sa Anti-Graft and Corrupt Act Practices at Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials bunga ng kanyang kaliwa’t kanang panreredtag.
Bago isampa ang kaso, pinaratangan ni Badoy ang mga taga-suporta, kabilang na ang Makabayan bloc, at kampo ni bise presidente Leni Robredo bilang mga kaalyansa ng grupong CPP-NPA-NDF.
TINGNAN: http://bit.ly/3uroM0i
Ani Badoy, “virtual mouthpiece” umano si Robredo ng CPP dahil sa pagtindig nitong ibasura ang NTF-ELCAC sa kabila ng pagpapatunay ni Robredo na siya ay hindi lamang sang-ayon sa tahasang panreredtag ng NTF-ELCAC.
Pinaratangan din ni Badoy si Atty. Neri Colmenares bilang operatiba umano ng CPP-NPA-NDF, habang ang Makabayan bilang “political machinery” nito. Ilang ulit nang pinasinungalingan ng kampo ni Robredo, ng CPP, at Makabayan bloc ang mga alegasyon ni Badoy.
“In the face of the increasing efforts of the Duterte administration to silence dissent, the SC enjoins the student body to continue amplifying our calls for the abolishment of the NTF-ELCAC,” pagdidiin ng CSSP SC. Sa loob ng pandemya, may pitong mayor na kaso ng atake sa mga Konsensya ng Bayan ang naitala.
Samantala, mariing pinaninindigan ng Makabayan na buwagin na ang NTF-ELCAC lalo ngayong panahon ng eleksyon buhat ng dumadami at lumalalang kaso ng mga panreredtag at pananakot. Pagdidiin nila, taktika lamang ng administrasyong Duterte upang pahinain at takutin ang lumalakas na pwersang masa.
Ngayong Marso 25, naghain ang mga kinatawan Makabayan Bloc ng kriminal na kaso laban kay Badoy at ilang pang tauhan ng NTF-ELCAC sa ilang paglabag nito sa Omnibus Election Code, lalo’t sa panreredtag nito sa gitna ng eleksyon.
“Ang redtagging na pinangungunahan nila at ni Pang. Duterte mismo ay pahamak sa kabataan, sayang sa buwis at panganib sa malinis, tapat, at mapayapang halalan,” giit ng Makabayan.
Featured image courtesy of Kate Gotis