Naglunsad ang iba’t ibang grupo, sa pangunguna ng Save Our Schools (SOS) Network, ng isang tree at flower planting program ngayong araw, Abril 4, sa UP Diliman.
Nagdaos ng mga dasal at nagtanim ng mga puno ang mga grupo upang ipagpanawagan ang hustisya para sa brutal na pagpaslang kina Chad Booc, Gelejurain Nguho II, Elegyn Balonga, Tirso Añar, at Robert Aragon noong Pebrero 24.
Kahapon naman naglunsad ng isang lightning rally ang ilan ding mga grupo sa harap ng Camp Aguinaldo bilang pagkundena sa marahas at mapang-abusong taktika ng administrasyong Duterte laban sa mga kritiko nito.
Ayon sa tagapagsalita ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) na si Kej Andres, “What happened to the New Bataan 5 is unfortunately not an isolated case — killings of innocent Filipinos who want to serve their country continue to rise up, while the perpetrators of these violent actions are not held accountable.”
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, lagpas 580,000 na kaso ng harassment, intimidation, at threat ang naitala ng Karapatan Alliance. Samantala, lagpas 400 ang bilang ng extra-judicial killings (EJKs) liban pa ang mga may kaugnayan sa droga, at lagpas 500 ang bilang ng frustrated EJKs.
Dagdag ni Andres, ang gobyerno dapat ang nangungunang dumepensa sa buhay ng mga mamamayan. Ngunit, sa katunayan, ang rehimeng Duterte ang mismong naglalagay ng mga ito sa panganib.
Bago pa man ang pagpaslang kina Chad, ilang beses na silang niredtag ng estado at pinaratangang miyembro umano ng NPA.
Tinaniman din ang katawan nito ng mga baril at pampasabog upang pagmukhaing nasawi sa pekeng engkwentro.
Talamak ang panreredtag ng estado sa mga indibidwal tulad ng New Bataan 5 na patuloy na nagsusulong ng panawagan ng iba’t ibang sektor. Lubos nitong inilalagay sa panganib ang buhay ng ninuman, sa halip na tugunan ang kasalukuyang krisis sa bansa.
Patuloy namang ikinakalampag ng iba’t ibang sektor ang hustisya para sa New Bataan 5, at ipinagpapanawagan ang pagpapanagot sa rehimeng Duterte at mga galamay nitong AFP at PNP sa patuloy na pananakot at pag-atake sa mga mamamayan.
Featured image courtesy of Altermidya