Gabi bago ang eleksyon. Hindi ako makatulog. Kinakabahan na rin ako sa mga nasa paligid, baka mamaya ay pulis o intel na bigla na lang akong dudukutin o babarilin. Sa loob ng madilim na silid, katapat ang laptop ay gumagana rin ang utak sa paglalatag ng mga posibleng mangyari. Hinahanap sa sarili ang kapasyahan na igpawan ang sandamakmak na mga balakid.
Kaya naisulat ang artikulong ito kung sakali mang hindi na makapagsulat sa mga susunod pa. Hayaan itong maging baliktanaw ng karanasan sa pagiging mamamahayag-pangkampus laban sa diktadura. Magsilbi sana itong pahina sa naratibo ng pakikibaka ng sambayanan–na minsan tayong tumindig, na minsan tayong hindi nasilaw ng ningning kundi ginabayan tayo ng liwanag.
Pagbabalik-loob sa minsang iniwan
May tatlong taon na rin akong nawala sa gawaing publikasyon mula hayskul. Nagsusulat pa rin ngunit hindi sa porma ng pamamahayag. Subalit minsan ay naimbitihan ako ng kaibigang magpasa ng mga kontribusyon kaya’t naging istap na muli hanggang ngayon. Pagsusulat pa rin ang aking inaatupag–pagdadraft, pag-iinterview, pag-eedit, at walang katapusang pagrerevise.
Sapagkat militanteng peryodista, niyakap ko ang tinatawag nilang “advocacy journalism.” Sa iba naman ay “alternative media.” Sa madaling salita, pahayagang pumapanig sa masang-api. Bumabasag sa konsepto ng “objective” bilang nagpapanatili ng nabubulok na kaayusan. Mulat sa “bias” at batay ang obhetibidad sa materyal na pagbasa ng umiiral na kondisyon. Isang peryodismong kontra-agos at bumabalikwas sa diktadura–nakikisulat sa pahina ng kasaysayan.
Niyakap ko iyon dahil iyon naman ang kasaysayan ng SINAG. Lingid sa kaalaman ng iba, sa panahon ng diktadurang US-Marcos, ay naging isang underground publication ang SINAG. Bagaman ipinasara ang lahat ng midya, nagpatuloy ang publikasyon sa paglalabas ng mga balita ng krisis at rebolusyon. Naging daluyan ang SINAG ng papasiglang kilusang masa.
Pagpasok sa UP bilang freshie, binyag sa apoy ang libo-libong protesta ng mga mag-aaral para ipagtanggol ang pamantasan sa terorismo ng estado. Kasagsagan din ito ng matinding atake ng rehimeng Duterte sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Maraming inutang na dugo ang gyera kontra droga, Martial Law sa Mindanao, at gyera laban sa mga progresibo. Malinaw, umiiral pa rin ang diyalektikal na tunggalian ng krisis at rebolusyon. Ang hamon ng panahon ay ang makipanig.
Saloobin mula sa pananaw ng isang nasa loob
Hindi na ako nakapasok sa loob ng opisina ng SINAG – isang masikip na kwarto sa ikaapat na palapag ng AS. Nakapag-newsroomna lang sa mga espasyong hatid ng Discord, Google Meet, at Messenger. Subalit, hindi pa rin naman nawala ang istoryang “onground.” Ang una kong assignment ay tungkol sa jeepney phaseout hanggang maikonekta ito sa malawakang kawing ng palagiang krisis panlipunan na higit na nagparusa sa bayan sa gitna ng diktadura ni Duterte.
Mahirap rin ang maging isang campus journalist. Hindi naman kami bayad dito, bagaman dapat mayroong allowance. Kaso lampas tatlong taon nang defunded, walang pondo kaya wala ring dyaryo maliban sa tatlo o apat na artikulo kada araw sa aming social media pages. Halos ganyan na rin sa loob ng dalawang taon. Walang suporta sa lipunang bawat kilos may bayad.
Gayunman, hindi naman pera ang motibasyon namin sa pananatili. Prinsipyo, na kahit hindi makain at kulang man ang pamasahe papuntang coverage, na magmulat, mag-organisa, at magpakilos ng laksa-laksa, ikawing-kawing ang balita sa organisadong paraan, ipaliwanag na bunga ito ng krisis, manawagan na magbalikwas, mangarap ng lipunang malaya at maginhawa.
Sa lipunang mayroon tayo ngayon, kabaligtaran ng lipunang malaya at maginhawa ang umiiral batay na rin sa aming mga kwentong naisulat at nadokumento – mga magsasakang inaagawan ng lupa, katutubong binobomba, manggagawang sinisisante, aktibistang pinapatay, biktima ng EJK na wala pa ring hustisya, estudyanteng binabansot ng krisis sa edukasyon, at marami pang mga naratibo ng nagnanaknak na krisis na nanganganak ng rebolusyonaryong pagkilos.
Sa loob ng newsroom, pantay ang lahat, editor man o staffer. Kolektibo ang paggawa. Lahat ay lalong umuunlad dahil nagkakaisa sa layunin: ang magbigay ng paliwanag para sa mga nais kumawala sa karimlan at ilantad silang mga nagdudulot nito. Sa loob ng newsroom, sumisipat kami sa danas ng maliit na komunidad at paano ito nakaugnay sa mas malaking lipunan.
Bagaman kinikilalang kami ay isang maliit na pahayagang pang-kolehiyo lang, nag-aalab ang aming pag-asa, sa kabila ng pagod at kahirapan, sa aming ginagawa sa araw-araw. Sapagkat iyon ang layunin ng publikasyon – ang sumama sa bayang biguin ang diktadura at ibalita ito.
Nang ilang ulit kaming nilooban ng mga tagalabas
Kaya naman bunga ng matatalas na mga opensiba at paglalantad sa rehimen, markado na sa baril at masid ng kaaway ang publikasyon. Nilooban kami ng mga tagalabas. Pinasok kami sa aming mga espasyo ng pamamahayag, na dapat sana’y malaya, ng walang iba kundi ng masahol na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Matapos ibalita ang pambobomba ng militar sa komunidad ng mga Lumad sa Surigao, binansagan kami bilang “front organization ng CPP-NPA-NDF.” Ang aming mga editor din ay tinawag na mga “teroristang reporter” sa motibong mapatahimik sila. Sumunod sa mga ito ang mga death threatsna aming inalmusal at kagyat din namang inalmahan ng militansya ng CSSP.
Liban sa redtagging, defunding, at walang akses sa opisina, naging isyu rin para sa amin ang atake sa social media. Patuloy na nirereport ang aming mga page upang kumonti ang mga taong makakabasa sa amin at iparalisa ang operasyon namin. Hindi rin kami makapaglathala ng print issue dahil mahal ito at giit ng aming Dean, wala raw pondo dahil ginigipit ng CHED mula nang magkalibreng tuition. Hindi naman magkabangga ang dalawa. Nga lang, binabangga kasi ng anti-estudyantendg CHED Chair ang panawagan ng mga estudyante gaya ng pondo.
Bunga ng mga problemang ito, hindi maitatanggi na mahirap manatili sa loob at mas komportableng manatili sa labas. Marami rin ang lumisan ngunit may mga bagong dugo pa ring pumasok. Iyon naman ang bumubuhay sa organisasyon. Liban sa wastong politika, mahalaga ang organisasyong may kapasyahang umabante at masikhay na tumutupad sa tungkulin nito.
Batid naming nakikipanig ang agham panlipunan sa bayang inuunawa nito. Aminado kami, mahirap ang maging mamamahayag. Higit na mahirap ang maging mamamahayag sa gitna ng diktadura. Subalit iyon ang buhay na aming pinili at araw-araw na pinili: ang ituring ang dyaryo hindi bilang pambalot ng tinapa kundi makapangyarihang espasyo ng “mga ideya na kapag niyakap ng masa ay may kakayahang maging materyal na pwersang baguhin ang mundo.”
Hiraya at pag-asa sa gitna at matapos ang diktadura
Ngayong gabi, pinagmumunihan ko pa rin kung saang “exciting part” ng kasalukuyang yugto ng kasaysayan ako, tayo, mapupunta. Iniisip at muling-pinagtitibay ang halaga ng mga peryodista sa gitna ng kawing-kawing na mga kontradiksyon. Iniisip ang kasaysayang lilikhain ng mga nag-aalsang masa at ang mga krisis na susunod pa na sa ati’y maglulubog o ‘di kaya iigpawan.
Maraming walang katiyakan sa magaganap bukas. Ito na ata ang winika ng isang Rusong rebolusyonaryo na “may mga linggo kung saan dekada ang nagaganap.” Subalit may mga katiyakang pinatunayan ang ating kasaysayan: na kung magkakaisa ang sambayanan, may kapangyarihan itong biguin ang anumang diktadura dahil nasa kamay niya ang demokrasya.
Ang hamon marahil sa panahon ng disimpormasyon sa tinaguriang “post-truth era” ay ibalik ang mga katotohanan na ang layunin ay buuin ang pampolitikang kapangyarihan ng sambayanan. Isa ito sa tungkulin ng peryodismo sa panahon ngayon: ilantad ang mga kasinungalingan, halawan ng aral ang nakaraan, magpaliwanag ng kasalukuyan, at umugit ng landas ng bukas. Ang pinakaobhetibong mamamahayag ay hindi ang mga nagmamasid kundi ang mga kumikilos.
Inaalala ko rin ngayong gabi ang ilang mga manunulat na iniwan ang mainstream society tungo sa marginalized communities. Paano ko ipaliliwanag sa nanay ko ang kawastuhan ng rebolusyon gaya ni Tony Zumel? Kaya ko bang lakarin ang Madyaas sa Panay o labanan ang mga pasista gaya nina Antonio Tagamolila at Wenceslao Vinzons? Kaya ko bang bitawan ang mga petiburges na pangarap at buong-pusong paglingkuran ang masang anakpawis gaya nina Christine Puche at Wendell Gumban? Handa ba tayong sundin ang kanilang kabayanihan?
Sa tunggalian ng pagkabalisa at pag-asa, mananaig ang pag-asa. Anuman ang mangyari bukas, natitiyak kong may wakas din ang mga diktadura na para sa aming mga peryodista ay isusulat sa mga pahayagan at sa mga mamamayan ay isusulat sa talaan ng ating kasaysayan.
Sa huli, ang maging peryodista laban sa diktadura ay ang pagiging militante at rebolusyonaryo.
Dibuho ni Kyla Buenaventura