Buong-lakas na wakasan ang tiraniya


Ito ang panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas (CPP) sa mamamayan ngayong araw ng eleksyon. Hamon nila na magkaisa ang bayan at tumungo sa lansangan upang “hadlangan ang panunumbalik ng mga Marcos sa poder katuwang ang pagpapalawig sa poder ng mga Duterte.”

Sa isang panayam sa tagapagsalita ng CPP na si Marco Valbuena, bagaman iginigiit na ang eleksyon 2022 ay patuloy na ribalan lamang ng mga paksyon ng mga naghaharing-uri ay inilantad din nito ang lumalaking pwersang anti-Marcos-Duterte na sumusuporta kay Bise Presidente Leni Robredo at nakakasang biguin ang mga pandaraya nina Marcos-Duterte.

Nagbanta rin si Valbuena sa mga diumanong posibleng maniobra at dayaan sa eleksyon gamit ang automated elections system (AES) pabor sa mga Marcos-Duterte. Anila, mas madali ang pagdadagdag-bawas ng mga boto dahil sa AES kasabay ng mind-conditioning ng mga survey at vote-buying na makailang beses ng naiulat bago pa man ang araw ng halalan.

Nagbabala rin ang CPP na makakaapekto rin ang tinawag nilang mga “imperyalistang bansa” gaya ng US at Tsina sa kahihinatnan ng eleksyon sa bansa dahil may sari-sarili silang mga manok. Ayon sa kanila, ang gubyerno ng Pilipinas ay isang neokolonyal na estado na primaryang kontrolado ng imperyalistang US.

Sa kabila ng mga banta ng dayaan, hinihikayat nila ang mga mamamayan na ipakita ang pagtutol sa mga tangkang pandaraya nina Marcos-Duterte sa araw-araw na pagpoprotesta at pagbabantay sa mga boto bagaman kontrolado diumano ni Pangulong Duterte ang makinarya ng pagpapatakbo sa eleksyon lalo’t pito sa komisyoner ng COMELEC ay itinalaga niya.

Panawagan nila, manalo man si Marcos o si Robredo, magpatuloy sa pagpoprotesta para sa mga panawagan ng bayan gaya ng pagbaba ng presyo ng mga bilihin, reporma sa lupa, pagtigil ng patayan, pagtatanggol sa ating teritoryo. Dinidiinan nila na dapat biguin sina Marcos-Duterte.

Ang CPP ay isang politikal na partido sa Pilipinas na hindi lumalahok sa tinatawag nilang “reaksyunaryong eleksyon” at nagsasagawa ng digmang bayan upang magkaroon ng pampolitikang kapangyarihan. Nabuo ito sa ilalim ng diktadura ni Marcos, ama ni Bongbong.

#Halalan2022
#KAPPasyahan2022

Featured image courtesy of Edwin Espejo

Ang maging peryodista laban sa diktadura

COMELEC, pinaboran na naman si BBM, binasura muli ang DQ cases

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *