COMELEC, pinaboran na naman si BBM, binasura muli ang DQ cases


“Denied”  ang hatol ng Commission on Elections (COMELEC) en banc sa mga apela ng mga nagpetisyon para sa diskwalipikasyon  ng tax convict na si  Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ngayong Mayo 10.

Sa botong 6-0-1, dinespatsa ng COMELEC en banc ang mga petisyon laban kay Marcos, Jr.ngayong araw, at muling pinabulaanan ang mga napatunayan nang mga ebidensiyang nakasaad sa mga petisyon. .

Inihain ang nasabing apela ni Abubakar Mangelen, chairman ng Partido Federal ng Pilipinas faction, Akbayan partylist, at Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA)  matapos ibasura ng COMELEC First Division ang kanilang tatlong DQ cases laban kay Marcos, Jr.

Ang Pudno Nga Ilocano naman ang naghain ng ibinasurang pang-apat na DQ case.

BASAHIN: http://bitly.ws/qQFj 

Ipinaglalaban ng apat na petisyong hindi maaaring tumakbo si Bongbong sa pagka-pangulo dahil sa hindi niya paghain ng income tax returns (ITR) mula 1982 hanggang 1985 kung kailan siya ang bise-gobernador, at kalaunan, gobernador ng Ilocos Norte.

Bagaman matagal napatunayang nagnakaw si Marcos, Jr. sa taumbayan, minaliit ng komisyon ang mga ihinaing Motions for Reconsideration ng mga nagpetisyon bilang mga “rehash” lamang. 

Maaari pang maghain ng apila ang mga nagpetisyon sa Korte Suprema.

Binubuo ng mga Duterte-appointees ang mga commissioners ng COMELEC: sina Aimee Ferolino-Ampoloquio, Aimee Torrefranca-Neri, George Erwin Garcia, Marlon Casquejo, Rey Bulay, at Socorro Inting.

Duterte-appointee rin si COMELEC Chair Saidamen Balt Pangarungan.

Nagkasa naman ng kilos-protesta ang iba’t-ibang pormasyon at indibidwal sa harap ng opisina ng COMELEC sa Intramuros dulot ng talamak na pandaraya at pandarahas ngayong halalan 2022.

Sa Brgy. Magonaya, Binidayan, Lanao Del Sur, sumugod ang isang grupo at pinagsisira ang mga balota at vote counting machines (VCMs). Dalawa ang naitalang patay matapos magbarilan ang mga tagasuporta ng mga magkalabang lokal na kandidato. Samantala, sa Buluan, Maguindanao, tatlong tanod ang pinatay matapos tumulong sa kalapit na presinto.

TINGNAN: http://bitly.ws/qQGQ 

Nagkaaberya rin ang mga VCMs sa iba’t-ibang panig ng bansa kaya natengga ang ibang mga botante sa mga presinto. Gayunpaman, nagmatigas pa rin ang COMELEC na hindi pahabain ang voting hours sa kabila ng paggigiit  ng Kontra Daya matapos makalikom ng sari-saring reklamo ukol sa halalan at mga sirang VCMs.

Ilang mga presinto ang naiulat na napadalhan umano ng sirang mga VCMs at corrupted na mga SD cards. Ang ilan ay sinabihang umuwi na lang at iwan ang kanilang mga balota. 

Nasa 1,800 ang VCMs ang natalang sira habang 1.1 milyong botante ang hindi nakaboto. 

Mahigpit itong tinuligsa ng mga botante dahil hindi maaaring hindi ang botante ang magpapasok ng kaniyang balota sa VCM. Buhat nito, ang mga residente ng Maginhawa, Quezon City ay nagkasa ng protesta kahapon, Mayo 9, upang igiit na hindi nila iiwan ang kanilang mga balota.

BASAHIN: http://bitly.ws/qQIW 

Kasalukuyan namang isinasagawa ang walk-out protest sa iba’t-ibang campus ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), pati na rin sa iba’t-ibang pamantasan,  sa panghihikayat kagabi ng UP Office of the Student Regent (OSR) at iba pang mga student councils matapos ang mga alegasyon ng maanomalyang botohan. 

#Halalan2022

#NoToDuterteMarcos2022

#SuspendClassesUP

Buong-lakas na wakasan ang tiraniya

PPCRV: Wala pang pandaraya sa ngayon; Protesta tuloy pa rin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *