Makabayan: Tuloy ang pagtatagumpay ng kapakanan ng mamamayang Pilipino!


Ibayong pagpapatuloy ng laban ang ipinagdiinan ng Makabayan sa gitna ng kamakailang paghahain ng anunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) sa umano’y di-pagproklama sa mga partidong may nakabinbing kaso ng diskwalipikasyon. 

Nilinaw ng election lawyer na si Atty. Emile Marañon na walang dapat ikabahala sa kasong isinampa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) laban sa KPL at Gabriela Women’s Party-list dahil wala itong legal na batayan. 

Ani Atty. Marañon, ang petisyong inihain ng NTF-ELCAC ay pawang kanselasyon lamang ng rehistrasyon ng mga nasabing partido. Hindi ito “denied due course of petition” o kaso ng diskwalipikasyon na maaaring maging batayan ng COMELEC upang hindi iproklama ang pagkapanalo ng isang partido. 

Dagdag ni Atty. Marañon, hindi pinahihintulutan ang kahit anumang porma ng kontrobersiya bago ang proklamasyon. Liban pa rito, isang “gross ignorance of the law” ng NTF-ELCAC ang pag-apela para sa suspensyon ng proklamasyon gayong wala naman silang legal na batayan. 

“The law is on our side, there is no reason na hindi kami maproklama ngayong hapon,” 

 ani Atty. Marañon. 

Pagsisiwalat ni Gabriela rep. Arlene Brosas, matagal nang pinaplano ang pagtanggal ng mga tunay na kinatawan ng marhinalisadong sektor sa kongreso. Isinaad niya ang mga kaso ng pagbibili ng boto, red-tagging, at panghaharass sa iba pang kandidato at mga organisador. 

“It has red-tagged us, vilified us — it has done but tag officials and candidates, and all other individuals,” dagdag ni KPL rep. Sarah Elago. 

Sa kabila ng mga kabi-kabilang atake at gawa-gawang kaso, naninindigan ang Makabayan sa ubos-lakas nitong pagsusulong ng adyenda ng sambayanan at patuloy na pinanghahawakan ang tiwala at mandatong ibinigay sa kanila ng masa. Ang KPL ay nakakuha ng lagpas 500,000 na boto, habang ang Gabriela ay mayroon namang lagpas 420,000 na mga boto. 

“Sa anumang anomalya sa halalan gamit ang rekurso ng estado, nanatili ang Makabayan Bloc dahil sa tiwala ng mamamayang Pilipino,” ani Bayan Muna rep. Eufemia Cullamat. 

Pagdidiin din ni Bayan Muna rep. Ferdinand Gaite na ang kanilang pagkatalo ngayong eleksyon ay pawang “temporary setback” lamang. Aniya, salik ang naglipanang panreredtag at pekeng balita laban sa Makabayan na naghudyat ng pagkatalo ng Bayan Muna at Anakpawis. 

Dalawang araw noon bago ang eleksyon, kumalat ang balitang diskwalipikado na raw ang mga partido sa ilalim ng Makabayan, kasama na sina Atty. Neri Colmenares at lider-manggagawa Elmer “Ka Bong” Labog. Pagsasalaysay ni Gaite, nagkaroon ng mga ulat patungkol sa mga Board of Election Inspectors (BEIs) na sinasabihan umano ang mga botante na diskwalipikado na ang mga kandidato ng Makabayan. 

Ngayong eleksyon, nakakuha ng nasa 200,000 na boto ang Bayan Muna. Ayon kay Bayan Muna rep. Carlos Zarate, nasa 900,000 ang nashave na boto mula sa partido. 

Ngunit, kaniya rin namang ipinagdiinang sa kabila nito, nakasungkit pa rin ang KPL, Gabriela, at ACT ng panalo sa kongreso. Pagdidiin nila, mananatiling tunay na oposisyon ang Makabayan sa ika-19 na Kongreso na dominado ng mga kaalyado ng tambalang Marcos-Duterte. 

Sa isang ulat ng Kontra-Daya, nasa 70% ng mga tumakbong partido ang kontrolado ng mga political dynasties at mga oligarkiya. 

BASAHIN: https://bit.ly/3yXl0zF

Inamin mang magiging mahirap ang sitwasyon sa 19th na Kongreso lalo’t mayorya sa 55 na mga partido ay nakapailalim sa mga “big political and economic interest groups,” ani rep. Brosas, mas mahalaga pa ring mayroong boses ang iba’t ibang sektor sa Kongreso. 

“Walang unity kung mayroong impunity. Walang unity kung mayroong injustice. Walang unity kung mayroong distorsyon ng kasaysayan. Kailangan ito ay tingnan sa point of view ng ating mga mamamayan,” pagdidiin ni rep. France Castro. 

Pagpapanawagan ng Makabayan sa COMELEC na panatilihin nito ang kanilang independensiya, at huwag pahintulutang mapangibabawan ng mga ahensiya tulad ng NTF-ELCAC na walang tunay na mandato. 

Patuloy na kumikilos ang Makabayan sa pagpapanawagang tanggalan na ng pondo at mabuwag na ang NTF-ELCAC. Kalakip nito ang mga bills at measures na isinusulong ng Makabayan sa pagtatagumpay ng interes ng sambayanan, kasama na ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB), HR Defenders Bill, at Security of Tenure bill.

“Tuloy-tuloy at hindi magbabago ang papel ng Makabayan sa 19th Congress lalo ngayon na haharap tayo sa napipintong pagbabalik ng diktadurya,” ani rep. Zarate.

Nakatakdang iproklama ang KPL, Gabriela, ACT, at iba pang partido ngayong araw, 4PM.

Featured image courtesy of ABS-CBN News

‘The masses shall not be suppressed and history shall not be erased’

Mga Makabayan representante, proklamado na

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *