Mga Makabayan representante, proklamado na


Pormal nang ipinroklama ng COMELEC ang Kabataan Party-list, ACT Teachers Party-list, at Gabriela Women’s Party-list na bahagi ng Makabayan bloc ngayong hapon sa Philippine International Convention Center (PICC).

Nagkamit ng 535,690 boto ang Kabataan Party-list na ika-14 sa 55 nanalong party-list. Habang ika-21 ang Gabriela Women’s Party-list sa botong 423,891at ika-35 naman ang ACT Teachers Party-list na may 330,529 boto.

Bigo naman ang kanilang mga kasamahan mula sa Bayan Muna Party-list at Anakpawis Party-list na manalo dahil sa anila’y mga maniobra, dayaan, at red-tagging sa nagdaang halalan.

Nakasungkit ang bawat partido ng tig-isang representante sa Kongreso.

Bagaman naging puntirya ng samu’t saring atake at panreredtag, isang tagumpay na maituturing ng koalisyong Makabayan ang mga panalo ng tatlong partido na magsisilbing maliit na oposisyon sa Kongresong dominado ng mga alyado nina Marcos at Duterte.

Nitong nakaraang linggo, patuloy ang pagtatangka ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na pigilan ang proklamasyon ng tatlong partido dahil umano sa kanilang disqualification case.

Gayunman, sa kabila ng maanomalyang halalan, kahapon ay iprinoklama nang nanalo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang nakabinbin ang mga certificate of candidacy cancellation case laban sa kanya sa Korte Suprema.

Ayon sa Makabayan, magpapatuloy ang koalisyon sa papel nito bilang “tunay na oposisyon” sa ika-19 ng Kongreso kung saan mayorya ng mga partido ay nakapailalim sa kontrol ng mga dinastiyang pulitikal at oligarkiya.

Sa mga nagdaang Kongreso, pasok ang limang party-list ng Makabayan sa Top 10 ng mga pinakamasisipag na mambabatas kung saan nagpapanukala sila ng halos isang batas kada araw gaya na lang ng Free Tuition Law na tinatamasa ngayon ng mga kabataan.

Samantala, landslide ang mga party-list ng mga dinastiya at kaalyado ng paparating na rehimen gaya ng ACT-CIS, Tingog, Dumper, Anakalusugan, TUCP, Agimat, AAMBIS-OWWA, at Alona.

Nakakuha naman ang nagpapanggap na kinatawan ng mga kabataan na Duterte Youth ng isang representante matapos makamit ang ika-12 pwesto.

Sa isang press conference kanina, iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na ibayong ipagpapatuloy ng koalisyon ang pagsusulong ng adyenda ng sambayanan lalo sa ilalim ng diktaduryan ng tambalang Marcos-Duterte.

BASAHIN: https://sinag.press/news/…/makabayan-tuloy-ang…/

Sa kasalukuyan, ilan sa mga isinusulong ng Kabataan Party-list, katuwang ang iba pang makabayang representante, ang 10K Student Aid Bill, Safe Schools Reopening Bill, Defend UP Bill, at Campus Press Freedom Bill.

Si Raoul Manuel, dating UP Student Regent at tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines, ang uupong kinatawan ng Kabataan habang muling babalik sa Kongreso sina Arlene Brosas at France Castro upang maging kinatawan ng Gabriela at ACT Teachers.

#RejectMarcosDuterte

Featured image courtesy of Rappler

Makabayan: Tuloy ang pagtatagumpay ng kapakanan ng mamamayang Pilipino!

The voice of the youth continues to prevail

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *