Pinanindigan ng susunod na Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa ilalim ni Marcos Jr. noong Linggo, Mayo 29, na wala umanong mali sa umiiral na patakarang end-of-contract (endo) contractualization sa bansa.
Iginiit pa rin ni Laguesma na hindi naman umano masama ang endo lalo na sa mga micro, small, and medium enterprises (MSME) at mga project-based na trabaho tulad ng construction work.
Bagaman binanggit niyang nalulungkot siya sa mga di-makatarungang kaso ng pag-aalis sa mga kontraktwal, iginiit niyang wala naman daw masama sa patakaran.
Ang contractual employment ay hindi naman bad per se. Maraming ganiyan na umiiral. Kahit na construction, at isa sa mga pinakatipikal na halimbawa… Kung bawal po iyang contract engagement, eh papaano na ang ating mga OFWs?” paliwanag ni Laguesma.
Tumutukoy ang endo sa sistemang kontraktwal sa karamihan ng mga manggagawa sa Pilipinas, kalakip ang hindi nakabubuhay na sahod at kawalang benepisyo. Tumatagal lamang ng anim na buwan ang manggagawa sa kaniyang trabaho, at tinatapos ang kontrata bago maregulado ang mga manggagawa.
Malimit na itong pinuna bilang iskema ng nga korporasyon upang lumiban sa pamamahagi ng mga benepisyo tulad ng SSS, Philhealth, Pag-ibig, 13th-month pay, at iba pa kapalit ng kasiguraduhan ng trabaho ng mga manggagawa.
Noong panahon ng pangangampanya ni pangulong Rodrigo Duterte, kaniyang ipinangako na tatapusin niya umano ang endo. Ngunit, noong 2019, ibinasura niya ang Security of Tenure Bill na magtatapos sana sa iskemang kontraktwalisasyon.
Beteranong burukrata
Maka-ilang beses nang nanilbihan si Laguesma sa iba-ibang administrasyon sa sektor ng paggawa, at nanguna sa pagpapatupad ng nga anti-manggagawang polisiya.
Nagsimula siyang magtrabaho bilang labor arbiter noong diktadurang Marcos Sr., at naging DOLE Undersecretary sa mga administrasyon nina Corazon Aquino at Fidel Ramos. Nagsilbi rin siyang Presidential Assistant ni Ramos.
Partner din si Laguesma sa isang law firm na instrumental sa pagbawi ng mga tagumpay ng mga unyonisadong manggagawa sa Philippine Airlines, pagpigil sa regularisasyon sa ABS-CBN, at pagbuwag sa mga unyon.
Administrasyong Estrada nang siya ay hirangin bilang Labor secretary, kung saan malaganap na lumawak ang mga manpower agency at subcontractualization scheme. Huli siyang nagtrabaho sa pamahalaan bilang Social Security System (SSS) commissioner sa administrasyon ni Noynoy Aquino kung saan hindi inaprubahan ang panukala ng Makabayan bloc na dagdag-pensyon sa matatanda.
Nakabubuhay na hanap-buhay
Maaalalang pinaplano ng paparating na administrasyong Marcos Jr. na buwisan ang ilan pang produkto, tulad ng single-use plastics at digital services, upang makatulong umano sa pagbabayad ng iiwanang P13 trilyong kautangan ng administrasyong Duterte.
Sa proposal ng Department of Finance (DOF), iminumungkahing suspindihin ng tatlong taon ang TRAIN personal income tax reduction (na magpapababa sana sa income tax maliban sa mga pinaka mayayaman); pagtangal ng VAT tax exemptions sa mga capital goods at digital service providers; pagpataw ng mga excise tax sa pickups at motorsiklo, single-use plastics, luxury goods, petroleum, at coal; at mga bagong tax sa online gaming o betting, cryptocurrencies, at carbon emissions.
BASAHIN: http://bitly.ws/rU4D
Tinatayang nasa bilyun-bilyon ang maiipon mula sa pagbubuwis ng mga ito. Sa kabila nito, sinalubong ito ng kritisismo ng iba’t ibang sektor at ipinagdiinang pawang iskema muli ng gobyernong ipasa sa mamamayan ang pagbabayad ng utang ng nakaraang administrasyon.
Samantala, nananatiling kimi ang kampo ng mga Marcos patungkol sa kanilang utang na P203 billion na estate tax. Hanggang ngayon, hindi pa rin nila ito binabayaran sa pamahalaan.
Dahil sa mga maaaring dagdag na buwis sa susunod na rehimen, nangangamba ang marami na magdulot ito ng domino effect sa ibang mga batayang bilihin at pangangailangan, kung saan tataas ang presyo ng mga bilihin.
Dadagdag ito sa anti-manggagawang iskemang endo at panunupil ng mga unyon na nakikipaglaban para sa taas sahod at benepisyo ng mga manggagawa.
Bagaman mayroong mga wage hikes para sa mga minimum wage earners sa ibang parte ng bansa—P33 sa NCR, P110 sa Western Visayas, P50–75 sa Cagayan at Caraga, P60–P90 sa Ilocos, at P 55 sa Bicol—naninindigan ang sektor ng mga manggagawang hindi pa rin ito sapat sa kabila ng nagtataasang presyo ng bilihin.
Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), insulto sa mga mangagawa ang mga nasabing “wage hikes.”
Ani KMU Secretary-General Jerome Adonis, “Habang tumataas ang presyo ng pagkain, serbisyo, produktong petrolyo…ang kahulugan no’n nababawasan kaming mga manggagawa ng suweldo, so bumababa yung kakayanang mapakain yung aming pamilya at matustusan yung gastos araw-araw. Kaya tingin ko magre-resulta ito ng mga pag-protesta sa taongbayan dahil hindi ito yung inaasahan natin sa impact sa plano ng gobyerno.”
Patuloy na pinaninindigan ng KMU na isabatas ang P750 National Minimum Wage Bill at pagbaba ng presyo ng mga bilihin, kalakip ang pagbabasura sa regionalization ng mga minimum wage.
Pagdidiin ni Adonis, kung mayroon mang kailangang patawan ng buwis, ito raw ay ang mga mayayaman bagkus na ang mga naghihirap, kagaya ng pamilya Marcos.
Panukala naman ng think-tank na IBON na magpataw ang gubyerno ng wealth tax sa halos 3,000 bilyonaryo sa bansa upang kumolekta ng P467.1-bilyong kita para sa pagtustos sa gastusin ng gubyerno.
Hinamon ni Adonis si Laguesma na tugunan ang umiiral at mas malalang mga suliranin sa sektor ng mga manggagawa, kabilang na ang kawalan ng respeto at harassment sa mga unyon, kontraktuwalisasyon, at hindi nakabubuhay na sahod.
Dagdag niya, “mahaba na ang kasaysayan ni Laguesma sa labor department… tumindi ang mga kontraktwal, dumami ang mga agency, at talagang ginamit ang Assumption of Jurisdiction na sumupil sa mga lehitimong welga gaya ng sa PAL, SM, at Manila Hotel.”
Duda ang KMU na masosolusyunan ito ni Laguesma bagaman patuloy nilang itutulak ang agenda ng mga manggagwa para sa pagtataas ng sahod, pagbuwag sa kontraktwalisasyon, at proteksyon ng kanilang mga konstitusyonal na karapatan gaya ng pag-uunyon at pagwewelga.
Featured image by Philippine Star