Tumitinding krisis, bungad sa rehimeng Marcos: Taas presyo, walang-trabaho


Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang ibayong pagtaas ng unemployment rate sa bansa mula 5.7% noong Abril sa 6% ngayong Mayo habang pumalo naman sa 6.1% ang inflation rate noong Hunyo kung saan pinakaapektado ang langis, pagkain, at pamasahe.

Dumaraming walang trabaho

Ayon sa datos ng PSA, nasa 2.93 milyong Pilipino ang walang trabaho nitong Mayo, kung saan ang sektor ng agrikultura ang may pinakamalaking bilang ng mga nawalan ng trabaho. 

Nasa 733,000 na mga manggagawang agrikultural ang nawalan ng trabaho. Pagpapalagay ng grupong Anakpawis, buhat ito ng pagtatapos ng anihan ng palay kung kaya’t wala na namang trabaho ang mga magsasaka at manggagawang-bukid. 

Samantala, nasa 1.12 milyon naman ang nadagdag sa labor forceng bansa dahil na rin sa mga nagdaang pagtatapos ng maraming college graduate.  Subalit, tumaas din ang bilang ng mga kulang ang trabaho o underemployed nang 139,000.

Kasabay ng pagtaas ng unemployment ratesa bansa ang siya ring pag-akyat ng implasyon, buhat ng walang tigil na pagtaas din ng presyo ng langis. 

Pagsirit ng presyo

Nitong nakaraan, naitalang nasa 6.1% na ang implasyon sa bansa. Linggo-linggo ang pagtataas ng presyo ng langis na siyang nakaiimpluwensiya rin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado. Bagaman nagkaroon ng rollback sa presyo ng diesel at kerosene epektibo noong Hulyo 5, tumataginting na nasa P80-P100 ang karaniwang presyo ng langis kada litro. 

Dagdag pasakit pa sa mga magsasaka at mangingisda ang linggo-linggong dagdag presyo sa langis bilang esensyal sa arawan nilang pagttrabaho. Sa kabilang banda, malaki rin ang naging kaltas nito sa arawang sahuran ng mga tsuper. 

Tinatayang umakyat mula P8,000 hanggang P20,000 ang itinaas ng kanilang gastusin sa langis. Nasa P1,000 ang nawalang kita sa kanila, at kulang-kulang na ang naiuuwing kita sa kani-kanilang mga pamilya. Ang iba naman ay napipilitang sumideline din o itigil na ang pagpapasada upang makahanap ng ibang trabaho dahil sa pagkalugi. 

Sa kabila ng tumitinding ekonomikong krisis, hindi umano naniniwala si Marcos, Jr. sa datos ng pagtaas ng presyo. Aniya, hindi naman gaanong kataasan ang naitalang 6.1% na implasyon. 

Krisis sa langis

Wala rin siyang planong isuspinde ang dagdag buwis sa langis dahil aniya, may iba pang paraan upang maibsan ang epekto nito sa mga manggagawang Pilipino. Taliwas ito sa pangako niya noong kampanya na dapat daw isuspinde ang excise tax sa langis.

Bagaman pinangangatwiranang epekto ng kaguluhang Ukraine-Russia ang malawakang pagtaas ng presyo ng langis, iniulat mismo ng Department of Energy (DOE) na may sasapat pang suplay ang bansa hanggang anim na buwan sa maksimum. Ani ng mga grupo, kasakiman lamang ng mga monopolyo sa langis ang dahilan kung bakit tuloy-tuloy ang pagtataas-presyo.

Patuloy na malakasang ikinakalampag ng bawat sektor ang pagsususpinde sa dagdag buwis sa langis at pagbabasura sa Oil Deregulation Law, na nagiging iskema ng mga pribadong korporasyon upang pagsamantalahan ang nasabing krisis. 

Pagdidiin ng mga kritiko, isang di-makataong polisiya ang nasabing batas bilang ginagawa rin itong balon ng tubo ng mga pribadong kumpanya ng langis. Sa katunayan, naitalang tumaas nang P3.5 bilyon ang kita ng Petron habang P3.6 bilyon naman ang sa Shell Philippines.

Sa gitna ng nagsisiritang presyo ng langis at bilihin, wala pa ring naihahaing kongkretong plano ang administrasyong Marcos, Jr. sa pag-iibsan ng dagdag pasakit na ito sa mga Pilipino. Bagkus, minamatang ibagsak pa lalo sa mga mamamayan ang pasaning pagbabayad-utang sa pamamagitan ng dagdag-buwis uli sa mga esensyal na serbisyo, tulad ng transportasyon. 

Samantala, isa sa unang mga panukalang batas na inihain naman ng mga partidong Gabriela Women’s Party ang House Bill 400 na naglalayong tanggalin ang value-added tax (VAT) at isuspinde ang dagdag buwis sa langis buhat ng batas na TRAIN Law.

Kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis, kinatigan din ng Korte Suprema ang legalidad ng taas-singil ng MERALCO na aabot sa P23-bilyong ipinataw sa mga konsyumer o aabot sa halos isang libong dagdag-bayarin na bunga ng problema sa suplay noong 2013.

Tuloy ang laban ng mamamayan

Kaugnay ng tumitinding krisis, sinisingil na ng grupo ng  mga manggagawa na Kilusang Mayo Uno si Marcos Jr. sa kanyang kongkretong plano sa ekonomya. Ayon kay KMU Secretary- General Jerome Adonis, “Higit na kinakailangan ngayong tugunan ang kahingian naming seguridad sa trabaho, dagdag sahod, pagbaba ng presyo, at pagkilala sa aming karapatan.”

Maging sa loob ng UP, patuloy ang panawagan ng komunidad para sa mga soolusyon sa krisis pang-ekonomya. Iginigiit ng mga tinanggal na nasa 150 gwardiya na ibalik sila sa kanilang trabaho habang tuloy ang panawagan para sa ayuda at kabuhayan ng mga komunidad, sa pamumuno ng mga organisasyong masa at Kariton ng Maralita Network.

Kaugnay ng mga krisis, inaanyayahan naman ng Communist Party of the Philippines na lumaban ang mga mamamayan laban sa pagdurusa sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr.

Anila, dapat maglunsad ng iba’t ibang kampanya at pakikibaka ang masa para sa reporma sa lupa, trabaho, kalusugan, at edukasyon. Sa isang artikulo, ipinahayag nilang “walang anumang panggigipit at paniniil ang makadadaig sa kanilang determinasyon na sama-asamang lumaban.”

Featured image courtesy of Eloisa Lopez

Unsubtle Crony Traits: The Marcos Cabinet — Part 4

“Violence has no place in UP”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *