Walang pinagbago sa pinababangong pasismo


Hindi dapat paniwalaan ang pagpapabango ng mga pasista sa ilalim ni National Security Adviser Clarita Carlos. Walang bago sa mga plano at pangako niya; pawang pagpapalit ng mukha at pangalan sa deka-dekadang palpak na pambeberdugo ng estado. 

Kamakailan, bumalikwas si Carlos sa nakasanayang polisiya ng gobyerno sa ilalim ni Duterte, lalo na ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na tawaging rebelde at terorista ang sinumang​ tumutuligsa ng kapalpakan at kasakiman ng mga nasa kapangyarihan. Aniya, wala namang napapala sa red-tagging, at dapat pagtuunan ng pansin ang tunay na ugat ng halos kalahating siglo ng digmaang sibil. 

Tama naman siya: wala talagang napapala sa red-tagging, at dapat naman talagang pag-usapan ang tunay na ugat ng armadong pakikibaka. Ngunit mula sa labi ng tuta ng mga pasista, alam nating kasinungalingan ang lahat ng ito — bait-baitang prente upang ipagpatuloy ang pagpapatahimik sa tunay na hinaing ng masa. 

Gagamitin daw nila ang whole-of-nation approach na kung saan sama-samang kikilos ang lahat ng sangay ng gobyerno upang puksain ang rebolusyon. Anila, hindi lamang ang nakasanayang dahas ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno, kundi pati ang pagsugpo sa mga konkretong kondisyon na nagpapasiklab ng rebolusyonaryong diwa. Ngunit muli, panlilinlang na naman ito. Katulad ng ginawa ng mga nakaraang administrasyon, pakitang tao lamang ang pagtugon sa hinaing ng masa. Panakip lamang ito sa patuloy na pagpaslang ng estado sa sarili nitong mga mamamayan. 

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, ginamit ang programang kontra-insurhensiya na ito upang mapalawak ang papel ng militar. Kasabay ng pagluluklok ng mga dating heneral sa iba’t-ibang posisyon sa gabinete, naging daan ang whole-of-nation approach upang dumami ang tungkulin – at syempre, ang kapangyarihan – ng militar. 

Bagamat malinaw sa konstitusyon na dapat mangibabaw ang kapangyarihang sibil, sumusunod ang iba’t-ibang ahensya – pati na rin ang mga lokal na pamahalaan – sa kumpas ng sandatahang lakas. Nadidiktahan nila ang mga polisiya at programa ng gobyerno, at nagagamit ang pinalaking presensiya sa mga komundidad para lalong takutin ang masa. 

Ngunit, malinaw na hindi naman tunay na pag-unlad ang layunin ng kanilang panghihimasok; ito’y nakaangkla lamang sa pawang pagpapanatili sa kanilang kapangyarihan at ibayong pagpapahina ng rebolusyon. 

May limang bahagi ang whole-of-nation approach: ang apat na tungkulin (politika, ekonomiya, seguridad, at impormasyon) patungo sa layuning kontrol. Pinakamahalaga dito ang politika, at layunin ng estado na bumuo diumano ng mapagkakatiwalaang institusyon – malayong-malayo sa kasalukuyan. Pauunlarin din daw ang ekonomiya at pagmumukhaing mga bayani ang mga sundalo sa pamamagitan ng pakitang tao na pamamahagi ng ayuda at pagkakawang-gawa. Sa kabila ng kaliwa’t kanang pang-aabuso ng militar sa masa at mga pambansang minorya, ipagkakatiwala din sa kanila ang “seguridad” ng mga mamamayan. Huli, paiigtingin ang paniniktik sa mga mamamayan at pagpapakalat ng propaganda upang pumabor sa kanila ang daloy ng impormasyon. Sa gayon, anila, matatalo sa wakas ang rebolusyon dahil wala nang dahilan ang mga mamamayan upang sumali dito.

Ngunit katulad ng lahat ng programang kontra-insurhensiya, tiyak na wala itong patutunguhan. Alam nating huwad itong planong ito dahil simula’t sapul kontra-Pilipino na talaga ang whole-of-nation approach. Pagpapatuloy na naman ito ng panghihimasok ng Estados Unidos sa bansa upang sugpuin ang komunismo at magmukhang tagapagligtas ng daigdig. Kinuha ang whole-of-nation approach sa US Government Counterinsurgency Guide na nilabas noong 2009. Hindi lang nakasulat dito ang mga kailangang gawin ng bansa kung saan may rebolusyon; nakasulat din kung paano magpapadala ang Amerika ng mga ahente at tagapayo para pangunahan ang kontra-insurhensiya. 

Kahuwarang ituring itong tulong mula sa Estados Unidos dahil pangangalaga lamang ito ng interes ng mga imperyalista tulad nila. Paano iibsan ng “whole-of-nation approach” ang  paghihirap ng masa — primaryang nagtutulak sa mga mamamayang mag-armas — kung ang pangunahing layunin nito ay protektahan ang mismong mga pahirap sa masa? 

Napatunayan na ito ng deka-dekadang kapalpakan ng US na sugpuin ang komunismo. Sa kabila ng bilyon-bilyong dolyar – hindi lamang sa kagamitang militar kundi pati na rin sa ayuda – na ginagastos ng pinakamakapangyarihang imperyalista sa mundo, hindi matapos-tapos ang digmaang sibil sa Pilipinas. Hindi pa rin kasi tinutugunan ang ugat ng krisis, at wala naman talaga silang balak na tugunan ito. Katulad ng nutribun ng naunang rehimeng Marcos, tira-tira at pantawid gutom lang ang ibinibigay nila – sapat lamang para hindi mapansin ng sambayanan ang pang-aabuso at pananamantala. 

Palit-palitan man nila ang anyo at pangalan – Oplan Bantay Laya ni Gloria, Oplan Bayanihan ni PNoy, Oplan Kapayaan – pare-parehong pumalpak. Lalo lamang pinahirapan ang sambayan. Lalo lang din silang ginalit at binigyan ng dahilan para mag-alsa. Sentral na layunin ng whole-of-nation approach sa kontra-insurhensiya ang pagpapanatili at pagtatanggol sa makauring diktadura ng malalaking negosyo, politiko, panginoong maylupa, at imperyalistang interes.

Anumang palamuti at pabango, hindi kailanman gaganda ang palpak nilang pambeberdugo. Hindi maitatago ng anumang pagpapakitang-tao at propaganda ang katotohanan: na hindi taumbayan ang pinoprotektahan nila kundi ang interes ng mga pahirap sa bayan. Itakwil at labanan ang bagong mukha ng hindi nagbabagong pasismo!

Sapagkat sa kasaysayan, hindi pasismo ang bumabago rito kundi mga rebolusyon.

Featured image courtesy of Ezra Acayan

GABRIELA: ‘Surface Loi, Ador, Cha, and Elgene now’

Si Marcos ang dapat makinig!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *