SONA ng Bayan, Tunay na Kalagayan ng Bayan


Tatlong araw na lamang gaganapin na ang unang State of the Nation Adress (SONA) ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 25, matapos makabalik sa Malacañang 36 taon mula nang isuka ang amang diktador ng Pag-aalsang EDSA.

Mag-iisang buwan pa lamang mula nang matalagang bagong pangulo si Bongbong, nagkapatung-patong na ang mga suliranin ng bayan na hindi mareresolba ng hungkag na “unity” ng rehimen.

Kasama na rito ang iniwang halos P13 trilyong utang ng rehimeng Duterte na nakatakdang resolbahin sa pamamagitan ng dagdag-buwis — siyang pagpapasa ng pagbabayad muli sa mamamayan. Ito ay sa kabila ng kanilang muling pagpapakasasa sa kaban ng bayan habang nananatiling kumpulan ng mga kroni at kulang ang kaniyang gabinete na mamanduhan ng walang kahusayan. 

Samantala, patuloy ang pagtindi ng mga krisis na nagpapahirap sa masa. Ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo na sa 6.1% ang inflation rate noong Hunyo, ang pinaka mataas mula Oktubre 2018. Pawang minaliit ito ni Marcos, Jr. ngunit, patunay na ang pagtaas ng implasyon ay tiyak na dagdag pahirap sa mamamayang Pilipino lalo’t kasabay din nito ang pagtaas ng bilang ng nga nawalan ng trabaho, at siyang pananatili ng di-nakabubuhay na sahod.  

BASAHIN: https://bit.ly/3B9BxSb 

Pagdating sa edukasyon, ipinag-utos ni Bise Presidente at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na magsisimula na ang full face-to-face classes para sa K-12 simula Nobyembre 2, 2022 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa anuman ang COVID-19 alert level.

Pagpapaalala ng mga kritiko, ligtas na balik eskwela ang hiling ng masa at hindi lamang basta-bastang pagbalik eskwela gayong nasa gitna pa rin ng lumalalang krisis pangkalusugan ang bansa. Sa katunayan, ginatungan pa ito ng krisis pang-edukasyon. 

Kalakip ng lumulubhang krisis ang siyang pagkilos ng mamamayang Pilipino. Ngunit, patuloy itong sinasalubong ng bagong rehimen sa paniniil sa boses ng oposisyon. Maaalalang kailan lamang, tinangkang pigilan ng Philippine National Police (PNP) ang mobilasyon sa Commonwealth Avenue, Quezon City na gagawin sa Lunes.

Pagyayabang ng pulisya, mahigit 21,000 tauhan ng estado ang inaasahang magbabantay sa lugar. Higit pa ito sa 15,000 noong 2021 ng rehimeng Duterte.

“The PNP is employing worn-out scare tactics. The PNP wants to show the world it is a human rights violator,” ani Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) secretary general Renato Reyes, Jr.

Gayunpaman, pinoportektahan ng 1987 Saligang Batas ang karapatang makapagtipun-tipon sa ilalim ng freedom of expression. Alinsunod dito, pinapahintulutan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na magprotesta ang mga progresibong grupo sa Commonwealth Avenue sa Lunes.

Lubos na iginigiit ng bawat sektor ang paglahok ng ninuman sa taunang SONA ng Bayan upang mapaibabaw ang panawagan ng masa, mailantad ng tunay na adyenda nina Marcos at Duterte, at kolektibo silang itakwil ng mamamayang Pilipino. Kaya naman, inaaanyayahan ng BAYAN at iba pang grupo ang lahat upang dumalo at magpadalo sa gaganaping SONA ng Bayan sa Commonwealth Avenue, Lungsod Quezon ngayong darating na Hulyo 25 (Lunes), at magsisimula bandang ala-8 nang umaga.

Featured image courtesy of Luis Liwanag

30 CSSP summas this year

Ang “Sana” ng Masa sa SONA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *