Bitbit ng bawat sektor ang kani-kanilang kampanya’t ilang inaasahan sa nakaraang SONA ng Bayan. Pagdidiin nila, nawa’y tuparin ni Marcos, Jr. ang kaniyang mabulaklak na mga pangako. Ngunit, sa kaniyang unang SONA, klaro ang linyang kaniyang iginuguhit sa tatakbuhin ng rehimen nila ni Inday Sara.
Taliwas sa interes ng masa at tumutugon lamang sa ikaaangat ng kanilang mga kaalyado’t kauri.
Kaya naman, malakasan ding pagtindig ang tugon ng bawat sektor nang kanilang ikasa ang taunang SONA ng Bayan. Paggigiit nila, patuloy ang pagkilos ng mamamayan upang makamit at kolektibong matugunan ang “sana” ng sambayanang Pilipino sa SONA.
Isinawalat ni UP Diliman University Student Council (USC) chairperson Latrell Felix ang nananatiling panawagan ng mga Iskolar ng Bayan sa gitna ng nakaambang pagbabalik-eskwela. Aniya, kagyat pa ring isyu ang kawalan ng aksesible at de-kalidad na porma ng edukasyon, kasabay ng kawalan ng nakasasapat na panukala at hakbangin upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral, lalo sa ilalim ng banta ng paglabag sa kalayaang pang-akademiko ng pamantasan sa ilalim ng rehimeng Marcos, Jr.
Kaniyang pagpapalawig, talamak ang pagtaas ng mga presyo ng langis nitong nakaraan hudyat na magsiritan din ang presyo ng mga bilihan. Lubos itong ikinababahala ng mga mag-aaral kakailanganing mag-commute, lalo na ang mga naninirahan sa malalayong lugar, dahil sa kamahalan ng pamamasahe. Isa pang isyu ang agarang pagkakaroon ng matitirhan ng mga mag-aaral kung sakaling may mga klase silang kakailanganin ng on-site na kondukta.
Nitong nakaraan, inilabas ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA) ang memorandum 2022-88 na nagdedetalye ng ilang mga moda ng pagkakaroon ng blended na porma ng pag-aaral sa pamantasan. Sa kabila ng positibong pagsalubong ng mga mag-aaral dito, nananatili ang kanilang pagkabahala sa kalabuan at kaapuraduhan ng mga panukalang inilahad. Pagdidiin nila, kulang ang oras na kanilang inilaan upang makapaghanda ang mga mag-aaral, lalo na ang mga naninirahan sa kani-kanilang mga probinsya.
Basahin: https://bit.ly/3cuDONl
Kaugnay nito, isiniwalat ni Felix na napakarami pa ring hinaing ng mga mag-aaral ang hindi pa tinutugunan ng administrasyon ng pamantasan. Ayon sa kanya, kasalukuyang nagpaplano ang USC sa isang townhall upang masinsin ang mga kahingian ng bawat mag-aaral. Aniya, mahalagang manggaling mismo sa mga mag-aaral ang kanilang kasalukuyang kondisyon upang magagap ng konseho kung ano ang nararapat na mga hakbanging isagawa.
Mas lalong nahihirapan habang katiting o walang kinikita ang mga tsuper sa gitna ng krisis, pagsisiwalat ni Tatay Elmer ng PISTON patungkol sa kasalukuyang kondisyon ng mga drayber. Aniya, karamihan sa mga drayber ay nagkakasakit o kaya naman ay nawalan na ng matitirhan dahil sa kawalan ng pambayad sa upa. Mula rito, kaniyang idiniin ang kagyat na pangangailangang itaas ang sweldo ng mga tsuper at ibaba ang presyo ng mga bilihin, lalo na ng langis.
Nananawagan siya kay Marcos, Jr. na huwag sanang tularan si Duterte na mababa ang tingin sa mga tsuper. Idiniin ni Tatay ang siyang pagbababa ng buwis sa krudo, na noo’y ipinangako ni Marcos, Jr. noong siya’y nangangampanya pa lamang. Kaniya rin itong binawi dahil mayroon pa raw ibang paraan upang matugunan ang krisis sa langis.
Gayon, kung ang mga tsuper man ay pumuna at i-ere ang kanilang mga panawagan, ang natatanging pagtugon sa kanila ay pagkakakulong tulad ng nangyari sa 8 na tsuper mula PISTON kasama na si Tatay Elmer noong 2020. Sila lamang ay nagpoprotesta noon para sa kaukulang batayang serbisyo’t ayuda para sa kapwa nilang mga tsuper na lubusang natamaan ang kabuhayan ng pandemikong krisis.
Dalawang taong makalipas matapos di-makatarungang ipiit si Tatay Elmer, matapang siyang naninindigang patuloy na lulusong sa lansangan at lalaban “para sa katotohanan.”
Pagsusuri ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, magpapatuloy lamang ang pagbagsak ng ekonomiya kasabay ng mga neoliberal na patakarang pang-ekonomiya sa ilalim ni Marcos, Jr. Lantad ito sa kaniyang binuong “economic team” na binubuo ng mga opisyal na nagsilbi na sa mga nakaraang administrasyon, bitbit ang noon nang napatunayang di-makamamamayang panukala. Karamihan sa kanila ay nagsilbi sa ilalim ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mahigpit na kinakapitan ng tambalang Marcos-Duterte.
Basahin: https://bit.ly/3nn5q9t
Pagdidiin ni Africa, kailangan nang paunlarin ang lokal na agrikultural na produksyon sa bansa bilang “malaking bahagi at pundasyon” ang sektor sa ating bansa. Sa ganitong paraan, maaari ring makapaglikom ng sariling kita ang bansa, ibayong bawasan ang pag-iimport, at makapagbigay ng nakasasapat na mga trabaho sa mga mamamayan. Ngunit, hindi ito ang plano ni Marcos, Jr.
Sa kaniyang SONA kahapon, malaki ang papel na kaniyang ibinibigay sa mga dayuhang korporasyon sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Kasabay nito, idiniin niya ang pagkakaroon ng mga reporma sa pagbubuwis, “sound fiscal managements” kuno na, ayon sa mga kritiko, ay isa umanong “pagpapabango” lamang sa dagdag buwis sa mga mamamayan. Ito’y habang bawas pa lalo ang kakailangang bayaran ng mga mayayaman, lalo’t sa kawalan ng plano ni Marcos, Jr. na sila’y buwisan, saad ni Africa. Dagdag niya, ito ang dahilan kung bakit palaging katwiran ng rehimeng Marcos-Duterte na walang pondo ang bansa kaya’t patuloy na hinihithitan ang mga mamamayan sa pagdadagdag-buwis — iskemang gamit na gamit ng mga administrasyon mula Marcos, Sr. hanggang kay Duterte.
Pagsisiwalat ni Africa, walang maaasahan sa mga plano ni Marcos, Jr. kung wala siyang ilulugar na nakasasapat na rekurso upang makalikom ng pondo para sa kaniyang mga proyekto. Aniya, kailangan ng rebolusyon sa sistemang pang-ekonomiko ng bansa. Kaniya pang pagdidiin, “walang maaasahan sa lumang luma, bangkarote, at wasak na mga neolib na patakaran. Dapat na iwasto siya.”
Pasanin ng mga guro ang pagtitiyak ng pagkatuto ng mga mag-aaral habang walang ipinamamahaging suporta ang gobyerno. Pagsisiwalat ni Roel Mape ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), kaniya-kaniyang diskarte ang mga guro pagtatawid ng distance learning ng mga estudyante. Kasabay nito, sa 100% na on-site reporting ng mga guro, inda rin nila ang nagtataasang presyo ng mga bilihin hudyat ng pagdoble o triple pa ng kailangan nilang ipamasahe sa pagpunta sa mga paaralan. Kaya naman, patuloy na ipinapanawagan ng ACT ang pagtataas ng sahod ng mga guro sa Salary Grade 15 na nagsisimula sa P30,000. Sa aktwal, nasa 25,000 ang panimulang sahod ng Teacher I, lagpas P5,000 ang baba sa karaniwang sahod ng kapulisan ag militar na nasa P34,000. Aniya, ang mga guro ang mga pinakamababang sahod sa mga propesyunal sa bansa.
Liban pa sa kakulangan ng nakabubuhay na sahod ay ang pagbagsak ng nabubulok nang kalidad ng edukasyon sa bansa. Kagyat na isyu rito ay pananantili ng K-12 na sistema na pawang nagdagdag lamang ng 2 taong “kalbaryo” sa mga mag-aaral. Pagdidiin ni Mape, taliwas ito sa pangako ng programang mabibigyan agad ng trabaho ang mga mag-aaral. Aniya, mas lumalala lamang ang krisis dulot ng kawalan nga ng nakabubuhay na trabaho.
Sa kabila nito, ang pamumuhunan sa ganitong tipo ng edukasyon ang muling pagtutuunan ng rehimeng Marcos-Duterte upang makapagprodyus agad ng mga nakapagtapos na pwedeng isabak agad sa paggawang maaaring i-eksport. Pagkontra ni Mape, hindi maaaring ang mga manggagawa at propesyunal sa ating bansa ay umalis para lamang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Pagdidiin niya, kung pangarap talaga ni Marcos, Jr. ang pangarap ng sambayanang Pilipino, dapat niyang ilatag kung paano niya ito maisasakatuparan nang nakaayon talaga sa pangangailangan at kahingian ng mga mamamayan.
Pagpapanawagan ng mga nanay ng Pook Arboretum, kailangan nang ibaba ang lahat ng tumaas, lalo na ang langis at presyo ng mga esensya na bilihin tulad ng pagkain. Ilan sa kanilang primaryang ipinagpanawagan ang pagbababa ng presyo ng bigas — isa sa unang pangako ni Marcos, Jr. na isiniwalat na ng sektor ng agrikulturang imposible’t lalo lamang ilulugmok ang mga magsasaka. Imbes na bigas ang bumaba sa bente pesos, itlog ang nagtaas ng presyong umakyat ng bente pesos. Isa itong dagdag pahirap sa mga mamamayan na humaharap pa sa ibang taas-presyo ng bilihi’t paglugmok ng kalidad ng sahod. Isa rin sa panawagan nina nanay ay itaas ang sahod, ngunit bagkus na sahod ang itaas, planong magsakatuparan ng dagdag-buwis ang rehimeng Marcos-Duterte.
Pinuna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang kakulangan ng mga inilatag na plano ni Marcos, Jr. sa kaniyang SONA kahapon, ika-25 ng Hulyo. Ayon sa kanila, malimit na umiral ang maka-panginoong maylupang panukala ng rehimen, lalo na sa pagpokus nito sa pamamahagi lamang ng Government-Owned Lands (GOLs) at hindi ibayong pagkumpiska at pamamahagi ng mga ekta-ektaryang lupain ng mga hacienda at pribadong kumpanya. Dagdag dito ang pagsuporta ni Marcos, Jr. sa National Land Use Act na nagpapaigting ng ibanb paggamit sa lupain sa bansa. Taliwas ito sa interes ng mga magsasaka, at maaaring maging iskema ng estado upang mas pokusan ang mga proyektong imprastruktura nito. Sumasagka ito sa ibayong pamamahagi ng lupang mapagbubungkalan sa mga magsasaka.
Dagdag nila, bagaman sinuspinde ang panhongolekta ng amortisasyon mula sa mga magsasaka, hindj na iyo nakasasapat buhat ng malubhang epekto ng pandemikong krisis sa mga magsasaka. Ayon din kay Marcos, Jr., libre na raw ang pamamahagi ng lupa ngunit, pagdidiin ng KMP, limitado ito sa mga nananatiling balanse ng lupaing hindi naipamahagi sa ilalim ng anti-magsasakang CARP ni dating pangulong Cory Aquino. Pabor ito sa mga hanciendero at panginoong maylupa.
Kaugnay ng pagtugon sa krisis sa produksyon, walang malinaw na inilatag si Marcos, Jr. Saad ng KMP, hindi imposibleng mas mangibabaw ang mga “pro-market” na polisiya sa kaniyang rehimen. Panghuli, sa kabila ng kaniyang pangakong ibaba ang presyo ng bigas, wala rin siyang inilahad na kongkretong plano paano ito maisasakatuparan.
Patuloy na ginigiit ng Alliance of Health Workers (AHW) ang overdue na ipinangakong benepisyo sa kanila bilang mga medical frontliners noong pang administrasyong Duterte. Pasaring ng grupo, huwang binbinin ng bagong rehimen ang nararapat para sa kanila.
Matatandaang noong nakaraang taon pa hinihingi ng mga health workers ang kanilang special risk allowance (SRA), hazard pay, at iba pang allowance na nakasaad sa Bayanihan laws habang sumasabong ang isyu ng korapsyon sa Department of Health kaugnay ng paglobo ng Covid-19 cases, hindi makataong kalagayan ng mga healthcare workers, at deficiencies sa budget na nahudyatan ng Commission on Audit (COA).
Basahin: http://bitly.ws/oxuq
Panawagan din ng AHW, marapat nang itaas ang sweldo ng mga health workers. Ayon sa IBON Foundation, kinakailangan ng P32,000 na sweldo ang isang pamilyang mayroong dalawang anak upang mabuhay nang tama. Subalit, P11,000 lamang ang sahod ng mga pinaka maliliit na maanggagawang kaugnay sa AHW. Paninindigan ng grupo, marapat na P24,000 ang pinaka mababang sweldo sa mga manggagawa.
Dagdag pa rito, hindi pa ring ginagawang regular ang mga kontraktwal. Pagbubunyag ng AHW, higit sa 3,000 ang mga bakanteng posisyong regular sa pamahalan na dapat nang punuan.
Upang mapunan ang mga pangangailangan sa sektor ng kalusugan, hamon ng AHW sa rehimeng Marcos Jr., dagdagan ang budget sa kalusugan at ibigay na ang mga benepisying matagal nang ipinangako.
Pabigat sa karamihan ng mga Pilipino ang pataas nang pataas na inflation rate na pumalo sa 6.1% noong Hunyo. Kasabay nang pagtaas ng presyo ng langis, pinalolobo nito ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain.
Basahin: http://bitly.ws/t3Mx
Giit ni kuya Willy Moreno, isang ice cream vendor, marapat na gawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya upang pababain ang presyo ng mga bilihin at itaas ang sahod ng mga manggagawa.
Kaugnay rito ang isinusulong ng mga kritiko na tanggaling na ang value-added tax sa mga produkto at excise tax sa langis na ipinapasa lamang ng mga monopolya sa mga konsumer, kaya rin tumataas ang pamasahe at transportasyon ng mga produkto. Upang makontrol ng gobyerno ang presyo ng langis, giit din ng mga grupo na ibasura na ang oil deregulation law na nag-aatang ng kapangyarihang presyuhan ang langis sa mga kapitalista. Ani ng mga progresibong grupo, kung mayroon mang kailangang magbayad ng mas mataas buwis, ito ang mga pinaka mayayaman at hindi ang mga naghihikahos na mamamayan.
Patuloy na tumitindig ang Kabataan Party-list sa mga isyung kinahaharap ng mga kabataan lalo na sa eduksyon at academic freedom.
Maaalalang ipinag-utos na ni Vice President at Department of Education (DepEd) secretary Sara Duterte na simula Nobyrembre 2, 2022, bubugsan na ang lahat ng mga paaralan para sa face-to-face classes anuman ang COVID alert level.
Puna ng mga progresibong grupo, hindi lamang basta-basta balik eskwela ang dapat gawin ng administrasyon. Marapat itong maging isang ligtas na balik eskwela dahil nasa pandemya pa rin ang bansa. Kaya naman, kasama ng Gabriela Women’s Party at ACT Teachers Party-list, ipinasa ng Kabataan sa Kongreso ang House Bill No. 251 o ang Safe School Reopening Bill.
Basahin: http://bitly.ws/t3Ms
Kaugnay ng kaliwa’t-kanang red-tagging, patuloy pa rin ang Kabataan sa paglaban kontra Anti-Terror Law na ginagamit ng rehimen para kitilin ang academic freedom sa mga paaralan.
Nananawagan ang grupo sa hanay ng mga kabataan na lumabas, mag-organisa, at mag-educate upang mas mapalawig ang maabot ng mga panawagan sa loob o labas man ng Kongreso.
Pagbubunyag ng Confederation for Unity, Recognition for the Advancement of Government Employees (COURAGE), binigo muli ng bagong rehimen ang mga manggagawa sa pamahalaan nang hindi tupdin ni Pang. Marcos Jr., ang pangakong pupunuin ang mga reguladong posisyon sa gobyerno at sa halip mababawasan pa ang mga pwesto dahil sa binabalak na “rightsizing” sa mga burukrasya ng pamahalaan.
Nauna nang ipinangako ni dating Pangulong Duterte na gagawing regular ang mga kontraktwal na manggagawa ng pamahalaan. Subalit sa ilalim ng Joint Circular No. 2, s. 2020 (COA-DBM), maaari lamang gawing sub-kontrakwal ang mga kontraktwal para makatanggap ng SSS at 13th month pay subalit hindi pa rin regulado. Dahil dito, wala pa ring seguridad ang mga manggagawa sa kanilang trabaho at maaari pa rin silang agarang patalsikin at palitan.
Patuloy na pinaglalaban ng COURAGE ang regularisasyon ng mga manggagawa at pagtaas ng sahod. Anila, hindi makatao ang P12,000 na pinaka mababang kinikita ng ilang manggagawang kaugnay sa kanila.
“[M]ay naisulong tayo sa tulong ng BAYAN MUNA at Makabayan Bloc na magsulong ng panukalang batas na security of tenure. Ngayon, na-refile ‘yan ulit. Sana maging batas na ‘yan,” dagdag ng grupo.
Giit din ng COURAGE, sana ibalik na ng mga Marcos ang lahat ng mga nakaw na yaman at magbayad na sila ng estate tax para “[h]uwag nilang gipitin ang mga manggagawa.”
Pagpapaalala ng Katribu Youth, “Sa pagbaba ni Rodrigo Duterte sa pwesto, naitala ang 159 EJKs, 2,013 na iligal na pag-aresto, at 573,931 ang sapilitang napalayas na mga katutubo’t Moro.” Gayunpaman, hindi kailanman nabanggit ng bagong Pangulong Marcos Jr. ang mga ito lalo na ang isyu ng mga katutubo sa kanyang unang SONA.
Paglalantad rin ng grupo, maging ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang siya mismong “nagbebenta sa mga katutubo sa mga interes ng naghaharing uri.”
Maaalalang ngayong taon lamang, binigo ng NCIP ang mga katutubo ng Brgy. Bulalacao, Mankayan, Benguet nang payagan nito ang pagmimina sa ancestral lands bagaman walang pahintulot ng mga katutubo mismo.
Ipinapangako ng Katribu Youth na patuloy na kiikilos ang sector ng pambansang minorya upang ipaglaban sa bagong rehimen ang kanilang mga karapatanng pantao at karapatan sa kanilang lupaing ninuno.
Hamon din ng grupo kay Bongbong, “tigilan ang militarisasyon sa kanayunan; unahin naman ang interes ng mga katutubo’t Moro, ang pangalagaan ang ating likas na yaman at kultura; pakinggan ang mga panawagang isinusulong ng pambansang minorya; at dumaan sa mga proseso na konsultatibo at inklusibo sa pambansang minorya.”
#SONAngBayan
Featured image courtesy of SINAG