Matapos iproklamang prayoridad ni Ferdinand Marcos Jr. ang pagiging mandatory ng Reserve Officers Training Course (ROTC) sa senior high school, mariing tinutulan ng ilang mambabatas at eksperto sa pambansang seguridad ang pagiging sapilitan nito. Isa na rito si Dr. Chester Cabalza, eksperto sa national security mula sa UP Department of Anthropology.
Sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong ika-25 ng Hulyo, inihayag niyang prayoridad niya ang pagsasabatas ng mandatory ROTC. Ito ay inaasahang ipatutupad sa mga estudyanteng nasa grade 11 at 12.
Nakaraan nang pursigidong isinusulong ng administrasyong Duterte ang ROTC. Taong 2019, sinang-ayunan ng mga House of Representatives ang bill sa third and final reading na nagmamandato sa ROTC bilang rekisito sa mga mag-aaral upang makapagtapos ngunit hindi naman ito nakapasa sa second reading sa Senado.
Pagsalungat ni Cabalza, nasa 16 hanggang 17 taong gulang lamang mga estudyante sa SHS, ang karamihan ng mga mapapasailalim ng itinutulak na ROTC. Kaniyang pagdidiin na hindi pwedeng pilitin ang mga menor de edad na sumailalim sa military training, lalo’t hindi lahat ng kabataan ay “may intensyong maging sundalo” at labag ito sa pandaigdigang batas.
Ani Cabalza, pawang isang “lame excuse” ang pag-uudyok umano ng damdaming makabayan sa mga kabataan upang isabatas ang ROTC. Dagdag pa, sa kasaysayan, hindi ito nagagamit bilang reserba sa kontra-insurhensiya o banta sa panloob na seguridad ng bansa.
Mariin itong sinusuhayan ng mga kritiko ni Marcos Jr. Dagdag na punto mula sa sentimiyento ng ilang progresibong grupo, ikinikintal lamang ng mandatory ROTC ang kultura ng impunidad at dahas sa kabataan. Ani Kabataan Rep. Raoul Manuel, ang panukalang mandatory ROTC at military training ay “false nationalism” lamang.
Dati nang ipinatupad ang mandatoryong ROTC subalit naudlot at naging boluntaryo na lamang noong 2002 nang madawit ang mga opisyal nito sa Unibersidad ng Santo Tomas sa katiwalian. Silang ibinulgar ni Mark Welson Chua, isang kadete na dinahas ng mga opisyales matapos ang pagbubunyag at pinaslang nila dahil sa kaniyang pagbubunyag.
Sa kasalukuyan, ang ROTC ay langkap na at isa sa mga boluntaryong programang nasa ilalim ng kursong National Service Training Program (NSTP) sa kolehiyo. Subalit, kaakibat pa rin ng programa ang mga tala ng karahasan sa boluntaryong ROTC at military schools.
Ikinagalit ng ilan ang kamatayan ni kadete Darwin Dormitorio sa loob ng Philippine Military Academy, pagbubunyag lamang ng tradisyon ng hazing sa mga institusyong militar. Taong 2019 din ay pinatay si kadete Willie Amihoy sa Iloilo ng kaniyang opisyal.
Mula 1995 hanggang 2017, mayroong naitalang mahigit 15 kaso ng karahasan sa ilalim ng ROTC. Kadalasan ito ay may kinalaman sa hazing, panreredtag, at direktang pag-atake.
Pagkundena pa ng mga grupo ng kabataan, pagtitibay lamang ang pagbibigay prayoridad sa ROTC ni Marcos Jr. na siya’y “out of touch” sa mga kailangan ng sektor ng kabataan at mga mag-aaral gaya ng pagresolba sa krisis sa kalusugan, edukasyon, at ekonomiya.
Pahayag pa ni Cabalza, “Patriotism and nationalism should be embedded in our education, not military training.”
Pinunto rin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) kung paanong nasa kurikulum mismo umano ng K-12 ang problema, siyang “nagpahina” sa pagtuturo ng Filipino at kasaysayan ng Pilipinas kung kaya humihina ang diwang makabayan ng mga estudyante.
“I am not talking about history, or what is being taught,” saad ni Vladmir Quetua, presidente ng ACT, kundi ang pagbibigay tuon umano sa mga materyales at paggamit ng mga makabagong teknolohiya sa edukasyon na siyang kinakailangan para sa mas mabisang pagtuturo sa kasalukuyang panahon.
Featured image courtesy of News5Everywhere