Mga pag-ibig na nananaig sa gitna ng dulo


”Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala!” – Gat Andres Bonifacio

Sa gitna ng sabay-sabay na mga krisis at disimpormasyon, nakapaloob sa pelikulang Katips ang iba’t ibang uri ng pag-ibig na umusbong sa panahon ng Batas Militar.

Malayo sa mga tsismis na ang Katips ay pawang paninira lamang at galit sa mga Marcos, matalas at matapang nitong inilahad sa pamamagitan ng musika at kuwentong pag-ibig ang mga nangyari sa ilalim ng malagim na Batas na Militar ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.  Ipinakita ng Katips na ang EDSA ay higit sa dalawang kulay o pamilya kundi patungkol sa pakikibaka ng mamamayan upang ipagpatuloy ang simulain ng rebolusyonaryong Katipunan.

Tangan nito ang karanasan ng masang ipinaglaban muli ang kalayaan mula sa tanikala ng pang-aalipin at pagsasamantala ng sariling mga kababayang taksil. Militanteng nakibaka para sa kanilang pag-asa, mga mithiin at mga karapatan. Ito ang tunay na kuwento, ayon sa sinigaw ng nag-viral na matanda pagkatapos manood ng Katips sa sinehan.

Ayon nga kay Pilosopo Tasyo, “Hindi naman pala lahat ay natutulog sa gabi ng aking mga ninuno.”  Inilalahad sa atin ng pelikula ang mga buhay at pagkatao sa likod ng mga numero, sa likod ng humigit-kumulang 70,000 na ikinulong, 34,000 na tinortyur, at 3,240 na pinatay at higit pa sa ilalim ng rehimeng US-Marcos mula 1972 hanggang 1981. Higit rito, ang lugar sa kasaysayan ng pamilyang Marcos na mula’t sapul ay pilit binabaluktot ito para sa kanila.

Mula sa dating musikal na teatro hanggang maging pelikula, pinanday ng musika ang masining na pagpapahayag ng mga naratibo. Ipinagdiwang ang kabayanihan ng mga bagong Katipunero na pinanday ng isa sa mga pinakamadilim na yugto ng kasaysayan: sa mga mosquito press o underground na midya, mga lider-estudyante, mga aktibista, at ang Bagong Hukbong Bayan. 

Kasabay nito ang pagsisiwalat ng totoong pang-aabuso at pandarahas ng mga traydor na mga panatiko, propagandista, at mga berdugong Philippine Constabulary (PC) na walang ginawa sa pelikula kung ‘di manortyur, mandukot, manlinlang, at pumaslang sa ngalan ng kanilang “Apo.” Alang-alang sa pagpapanatili ng kanyang diktadura, si Apo Marcos Sr. na isang magnanakaw, diktador, mala-Hitler, at tuta ng mga Kano kasama ang kanyang asawa’t kapwa magnanakaw na si Imelda at ang tutang si Juan Ponce Enrile, ay tila makabagong Aguinaldo rin.

Subalit kakambal ng pandarahas ang pakikibaka. Sa pelikula, pinangunahan ng mga bagong bayani na sina Ka Panyong, isang manunulat na aktibista sa Ang Bayan; Alet, ang tinaguriang “bagong Tandang Sora”; Estong, isang akbitang propesor ng PUP; Sussie, isang aktibistang Bisaya; Art, isang college freshie sa UP; Greg, isang editor ng pahayagang pangkampus; at si Lara na isang balikbayan mula sa New York. Ipinakita nila na mayroon mang iba’t ibang antas ng kamulatan ay iisa sa tunguhing palayain ang Bayan mula sa mapang-abusong rehimen. Sa pagtampok ng kanilang kuwento ay makikita ang tatlong anyo ng pag-ibig sa gitna ng gulo.

Pag-ibig sa Sarili

Ipinasilip ng pelikula ang masalimuot na prosesong pinagdaraanan ng mga makabagong bayani; unang-una, sa kanilang pagmamahal sa sarili. Kagaya ng kadalasang nawawaglit sa kaisipan ng marami, tao rin naman ang mga bayani. Sa kabila ng ibayong tapang at dunong, hindi sila nawawalay sa minsang panghihina ng loob, pagkukulang sa pag-unawa sa iba, at pagdaan sa samu’t saring mga kontradiksyon at problema.

Madalas ipakita sa pelikula ang mga tagpong muntik nang sumuko ang mga bagong Katipunero. Mula sa pagdadalawang-isip sa pagtatampok ng mga isyung panlipunan sa pahayagang Kulê, sa pagdududa sa bisa ng mga welga, hanggang sa mga huling sandali ng pelikula matapos ang mga kasawiang dinanas ng mga bida. Gayundin, sa muntikang pagsuko ng mga Katipunero sa pagpapaunawa at panghahamig sa mga tila natutulog pang mga kababayan na biktima ng mga propaganda at news blackout.  Panghuli, ang pagkuwestyon sa kung may kahihinatnan nga ba ang pakikibaka at pagpapataas sa antas ng kamulatan.

Subalit, hindi maitatago na iniigpawan ng pelikula ang pagmamahal sa sarili para sa dalawang “higit” na anyo ng pagmamahal. Sapagkat may pag-ibig sa ating mga sarili. 

Pag-ibig sa Kapwa

Ilang dekada man ang lumipas, diwang hindi nagmamaliw sa rebolusyonaryong pakikibaka ang pag-ibig sa kapwa. Hindi naging hadlang ang pangamba at agam-agam sa pag-aalay ng puso ng mga bida sa kani-kanilang mga minamahal. Taliwas dito’y pinalago at pinagtibay pa ng madilim na panahon ang kanilang relasyon sa kapwa – sa masang kanilang pinaglilingkuran. 

Ibayong pag-unawa sa pagkakaiba lalong lalo na sa kanilang kamalayan sa mga isyu. Ibayong pagtitimpi sa mga manhid, at ibayong pagkalinga at pagsasakripisyo para sa iba,kadugo man o hindi. Sapagkat ang kapwa ay kakampi at hindi kaaway, tinitipon, at pinakikilos na tila daluyong.

Uunlad pa ang ganitong tipo ng pag-ibig sa huli’t pinakamatayog na anyo ng pag-ibig, ang pag-ibig sa bayan na daantaon nang nagsusumamo sa kalayaan na inasam rin ng Katipunan.

Pag-ibig sa Bayan

Hanggang nananatiling nakatali ang ating bayan sa pambubusabos ng dayuhan, malawakang kawalan ng lupa at atrasadong ekonomya, at gubyernong kontrolado ng mayayaman, iiral at lalago ang kondisyon para sa rebolusyong dati nang isinulong ng Katipunan kung saan nananalaytay ang pag-ibig sa bayang hindi alintana ang dugong iaaalay para sa kalayaan.

Pagmamahal itong nagbubunga man  ng poot sa kaaway ay dahil inaruga at iniluwal ng pag-ibig sa kauri. Pagmamahal na hangad ang pagkalag sa tanikala upang lumaya sa pangungulila. Kaya ang rebolusyon ay paghahanap din; paghahanap sa kinabukasang nakaugat sa nakaraan.

Hindi nito sinusukuan ang bawat latay, pananakot, pagmamatyag, at pagkabuwal sa kamay ng diktador. Dahil nananatili ang ugat ng paglaban, iluluwal at iluluwal ang mga bagong bayani. Ang dapat nating gawin ay magpasyang maging bayani. Tayong mga inililuluwal ng dilim ang pinakamaningas na liwanag at sa gitna ng gulo, ang pinakamataas na anyo ng pag-ibig.

Sa simula’t dulo ng pelikula ay pinapakilala ang dalawang talinghaga ng bundok: isang patungo sa rurok ng kapangyarihan at isang tungo sa paglaban para sa Bayan. Sa’yong nanood na o manonood pa lamang aling landasin ang pipiliin mo? Nais mo bang akyatin ang rurok ng tagumpay o handa ka na bang patagin ang bundok kasama silang kapwa inaapi?

Sa panahong malawakan ang pambabaluktot sa kasaysayan at katotohanan, malaking hakbang ang mga produktong kultural upang sagupain ang kasinungalingan ng mga Marcos. Simulain ang Katips ngunit hindi dapat magtapos rito. Dapat paunlarin pa ang laban sa larangan ng kultura’t propaganda hanggang sa armado pakikibaka gaya ng mga bagong bayani ng pelikula.

Hindi pa tapos ang rebolusyon. Ika nga ni Amado Guerrero, “ang mga obhetibong kondisyong pambansa at pandaigdigan ay pabor sa kilusang pambansa-demokratiko ng kabataan. Panahon na upang iwagayway at isulong ng makabayang kabataang Pilipino ang bandilang pula ni Andres Bonifacio at ng Katipunan, na may bagong sagisag ng alyansang manggagawa at magsasaka.“

Ngayong nakaamba ang diktadura, handa ka na bang umiibig?

Featured image courtesy of Interaksyon

COA: Over P4.5 billion deficiencies in DepEd distance learning budget

‘Issue urgent decisions and guidelines’ – An open letter to the University

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *