Kasabay ng mga hindi kasiguraduhan sa papasok na semestre, halo-halong reaksyon ang nadama ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya kahapon sa resulta ng unang round ng pre-enlistment sa CRS. May ilang natuwa dahil kumpleto ang kanilang units ngunit may ilan rin namang problemado dahil kulang na kulang ang ibinigay sa kanila.
Kahapon rin ang simula ng ikalawang round ng pre-enlistment habang nagkukumahog pa ang buong pamantasan para sa pagsisimula ng Unang Semestre, AY 2022-2023 sa Setyembre 5.
Sa kabila ng lahat, panawagan ng mga estudyante na magkaroon ng sapat na badyet sa edukasyon at magkaroon ng inklusibong at konsultatibong pagplano ang UP upang maresolba ang kakulangan ng units at magkaroon ng maayos na pagbabalik-eskwela.
Sa kasalukuyan, unti-unti nang lumilipat ang Unibersidad ng Pilipinas sa tinawag nitong “blended learning” bagaman marami pa ring klase ang fully onlineo exam lang ang face-to-face.
‘Mabuti pa sa lotto, may pag-asang manalo’
Sa isang linggong pag-eenlist ng mga mag-aaral, lantad pa rin ang kawalan ng katiyakan sa mga klaseng kanilang maaring makuha. Talamak pa rin ang mahiwagang spaghetti at mga mukha ni Pepe the Frog sa mga social media platforms, at ibayong pagdepende sa swerte upang makasungkit ng kumpletong units sa computerized registration system (CRS).
Ngunit, tulad ng mga nakaraang semestre, isiniwalat nito lalo ang matagal nang isyu ng pamantasan sa pondo’t kawalan ng akses ng mga mag-aaral sa kaukulang pagkatuto. Nitong panahon ng pag-eenlist, karamihan sa mga nakapanayam ng SINAG ay kulang ang units na nakuha. Ang iilan, bagaman naka-12, ay may mga kulang pa rin, partikular na sa mga general electives (GEs) at majors nila. Anila, susubok pa sila sa kanilang swerte sa ikalawang round. Kung hindi man uli palarin, sila’y dedepende sa pagwewaitlist at pagpprerog.
Pagdidiin ng ilang mga mag-aaral ng KAPP, nakababahala ang taunang suliranin sa units dahil hindi lahat ay may kakayahan o sapat na oras sa pagkakataong madelay, lalo’t humaharap pa rin ang bansa sa patung-patong na krisis pang-ekonomiko, pangkalusugan, at edukasyon.
‘It’s not me, it’s you’
May kani-kaniyang paghahanda ang mga mag-aaral para sa nakatakdang pagbabalik-kampus ngayong darating na akademikong taon. Sa katunayan, ang ilan pa sa kanila ay inaming hindi pa tiyak kung ano ang maaaring paghahandang kanilang gawin dahil hindi nila tiyak kung makakukuha sila ng klaseng may F2F na component. Ang ilan naman ay minabuting kumuha ng fully online na kurso, buhat man ng panukala ng kanilang departamento o dahil na rin sa mga suliranin kaugnay ng paninirahan o transportasyon.
Para sa pagbabalik-kampus, ipinasa ng administrasyon ang pagpapasya para sa F2F sa mga departamento. Dahil dito, may mga pagkakataong ang ilang mga mag-aaral ay magkaroon ng halong F2F at fully online na mga klase. Ilang beses itong inalmahan ng mga mag-aaral buhat ng kahirapan sa paghahanap ng matitirhan at pagsasaayos ng mga dokumento gayong isang buwan na lang bago ang pagbubukas ng semestre.
Tunay na maka-estudyanteng balik-eskwela!
Bagaman pinatotoo ng administrasyon ang plano nitong magbalik-kampus, tila ay nakagapos pa rin sila sa iilang mga limitasyon, kumpara sa ibang mas maliit na pamantasan. Dagdag dito, nananatiling mabagal ang daloy ng impormasyon at malabo ang mga panuntunan ng administrasyon sa pagbabalik-kampus nito. Pagdidiin ng ilang mag-aaral, tila hindi nila isinaisip ang kondisyon at hinaing ng mga mag-aaral, kaguruan, at mga kawani.
Kaya naman ang panawagan ng mga estudyante sa administrasyon ng UP, gawing inklusibo ang pagpaplano at tiyaking tunay na ligtas at makatao ang pagpaplano para sa pagbabalik-kampus.