Pinagtibay ng UP Departmento ng Kasaysayan ang kagyat na papel ng disiplina sa nakaambang pag-alala sa ika-50 na taon mula nang ideklara ang Batas Militar, ang tinaguriang “darkest period” sa kasaysayan ng bansa. Sa higit dalawang dekadang paghahari-harian ng mga Marcos sa Pilipinas noong dekada ’70, dumanas ang bansa ng malubhang krisis pang-ekonomiko, malalang pagsupil sa karapatang pantao’t pamamahayag, at pagsagka sa tunay na demokrasya.
Ngayong nakapailalim ang bansa sa pagbalik ng pamilyang Marcos sa Malacañang, kasanib ang mga Duterte at Arroyo, kapansin-pansin ang katalamakan ng mga pagbabaluktot ng makinarya nina Marcos sa katotohanan ng kasaysayan. Pagdidiin ng departamento, ito ang isa sa mga mahahalagang sangkap sa “pagkapanalo” ni Marcos, Jr. sa nakaraang pambansang eleksyon noong Mayo.
Maaalalang maka-ilang beses na may naiulat na mga iregularidad noong araw mismo ng eleksyon, maging sa pagbibilang nito. Kaakibat pa nito ang malawakang disimpormasyon at black propaganda na ipinakalat ng kampo ng tambalang Marcos-Duterte.
Para sa departamento, hudyat ang pagkapanalo ni Marcos, Jr. ng mas malubhang “banta sa ating pambansang demokrasya.”
Kanilang isiniwalat ang pambababoy sa kasaysayan ng mga Marcos at lantarang pagbubura ng kanilang mga kasalanan sa bayan. Nitong ika-10 ng Setyembre, pinirmahan ni Marcos, Jr. ang Proclamation 53 na nagtatakda sa ika-12 ng Setyembre bilang isang non-working holiday upang pag-alala sa kaarawan ng kaniyang diktador na ama.
Inalmahan ito ng mga kritiko’t tinuturing na isang pambabastos sa mga biktima ng Batas Militar. Kanilang pagkukuwestiyon, “bakit ipagdiriwang ang kaarawan ng isang mamamatay-tao?”
Liban dito, nakaraang inihain din ang isang bill na naglalayong tanggalin ang Philippine Commission on Good Governance (PCGG) na itinaguyod upang ibalik ang mga nakaw na yaman ng mga Marcos. Ayon sa mambabatas na si Manila 6th Dirstrict Rep. Bienvenido Abante, hindi raw nagagampanan nang maayos ng komisyon ang mandato nito.
Pinalala pa ito ng panreredtag at pagbabawal sa mga kritikal na libro at mga tahasang atake sa mga maka-masang organisasyon at indibidwal. Mas lalo pa itong pinalubha ng noo’y pagtatanggal ng PH History sa kurikulum ng highschool sa bisa ng Department of Education (DepEd) Order 20 noong 2014.
“Panghahamak, paninira, pagsasawalang-bahala ang ipinupukol sa mga mag-aaral, guro, at dalubhasa sa kasaysayan na masigasig na iwinawasto ang iba’t ibang anyo ng disimpormasyong pangkasaysayan,” pagdidiin ng departamento.
Malakasang kinukundena ng departamento ang pagtataliwas ng mga historikal na naratibong nagsisiwalat ng mga katotohanan ng Batas Militar. Kanila itong sinasalungat at lalabanan gamit ang kasaysayang “nakabatay sa ebidensya at masusing pananaliksik.”
Taliwas sa pagmamaliit sa “kasaysayan bilang pawang tsismis,” pinaibabaw ng departamento ang kapangyarihan nitong maging “lunas sa sari-saring sakit panlipunan.”
Alinsunod dito, nanindigan ang departamento sa kanilang pangunguna sa pagiging “tagapagtanggol ng katotohanan at katarungan.”
Sa pag-alala sa ika-50 na anibersaryo ng Batas Militar, ilan sa mga ilulunsad na programa ng departamento ay ang mga sumusunod:
- “Historians’ Meet” sa UP Day of Remembrance | Setyembre 21, 2022
- Public History Symposium, serye ng tatlong aktibidad | Oktubre 2022
- National History Students Summit | Nobyembre 2022
- National Training-Seminar for Teachers of Philippine History: Ang Kabuluhan ng Kasaysayan sa Kasalukuyan | Disyembre 2022
Inaasahan ng departamentong makatutulong ang kani-kanilang mga inisyatiba sa ibayong pagpapalalim ng pag-unawa sa Batas Militar at kagyat na paglaban sa anumang uri ng pagbabaluktot sa katotohanan ng pinakamadilim na panahon ng kasaysayan ng Pilipinas.
Featured image courtesy of UP Departamento ng Kasaysayan