Pakikibaka ang nagpapanday ng Golden Age


Tama naman ang mga Marcos – binuo nga ng Batas Militar ang isang “golden age”, at muli itong bubuuin ng kanilang pandarambong at pandarahas sa ilalim ni Bongbong. 

Subalit hindi iyon ang naratibo ng Golden Age na ginagamit nila upang linlangin ang masang Pilipino. Ang tanging ginto sa panahon ngayo’y ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin, tantos ng kahirapan at walang trabaho, at badyet na nakalaan sa pagbabayad-utang, karahasan, at imprastrukturang makapagbubulsa silang nasa poder. Tila bulkang sasabog ang mga krisis na ito na siyang magpapanday muli sa isa na namang Golden Age ng pakikibaka ng masa.

Sa simula, lalo kung mag-isa, madaling mawalan ng pag-asa sa harap ng “bagong Pilipinas.” Sa isang panig ay mga upisyal ng gubyernong palpak at tanga. Sa kabila naman, mga inaaping ordinaryong mamamayan na hindi naman dapat pinagbubuntungan ng galit. Higit sa lahat, sino ba namang matutuwa na isa na namang Marcos ang magbabagsak muli sa bayan?

Lumilinaw na ang signos nito. Bilyon-bilyon ang kinaltas sa mga batayang serbisyong panlipunan Samantala, lumobo ang pondong nasa tuwirang kontrol nina Marcos at Duterte – confidential pa nga ang malaking tipak nito, at sinasabing esensyal ang paglalaan sa “national security” at ayaw pang amining para masiguro lamang nila ang kapit nila sa posisyon.

Kaya habang umaaray sa gutom at hirap ang masa at nagpaparty si Bongbong, minana pa sa ama ang solusyong naiisip ng huli: militarisasyon at disimpormasyon, mga bagay na hindi na bago. Isang gasgas na mekanismo na ang kanilang pagtugon sa lehitimong kritisismo— babansagan nilang ang mga kritiko bilang kalaban ng estado, ipahahabol sa bata-batalyong trolls at militar, at sasampahan ng kung anu-anong gawa-gawang kaso o kaya ay papatayin. 

Sa madaling sabi, pasismo—desperadong armas ng naghaharing-uri sa panahon ng krisis.

Kailanman, hindi magiging Golden Age ang panahon ng lumalalang krisis. Sa katunayan, kulay ihi pa nga ang kasalukuyang panahon – malayong-malayo sa ginto. Kasingsangsang lamang ng kapanghian ng nabubulok na estadong pinamumunuan nina Marcos at Duterte. 

Subalit, iluluwal ng araw-araw na krisis ang mga kondisyon para sa isa na namang Golden Age ng Pakikibaka. Kahit inaasahang patuloy na gagamitin ng rehimeng Marcos-Duterte ang buong pwersa ng estado upang supilin ang oposisyon, dapat na ring asahan ang sagot dito ng taumbayan: mas masidhing paggiit sa karapatan at paglaban sa mga naghahari-harian. Ito ang katotohanang paulit-ulit nang pinatunayan ng kasaysayan: iniluluwal ng krisis ang pagbalikwas. 

Hindi naman nag-aaklas ang taumbayan dahil lang gusto nito. Wala naman sigurong gustong itaya ang buhay at lumaban sa diktador dahil lang walang magawa. Ang mga pag-aaklas ay produkto kapwa ng obhetibong sitwasyon ng krisis at kolektibong kapasyahng gapiin ito. Ika nga, ito ay kapalarang ipinataw ng mga mapang-api sa inaapi kung saan maaaring lumaya.

Sa panahon ni Marcos Sr., kumilos ang mga kabataan at estudyante, kasama ng mamamayan, sa First Quarter Storm at Diliman Commune, sa kilusang underground, sa pagkapaslang kay Ninoy Aquino, hanggang sa Pag-aalsang EDSA ng 1986. Tumungo ang mga kabataan sa kanayunan at pinalago ang kapangyarihang pampolitika sa dulo ng baril at nagpunla ng mga binhi ng pakikibaka na hanggang sa ngayon ay pinayayabong ng mga inaaping nakikibaka. 

Kaya naman, tayo ay nakikibaka at lumalaban dahil maraming kailangang bakahin o iwasto sa lipunang ating inaaral. Tugon ito sa kumakalam na sikmura, nagpapalting na tenga sa putok ng bomba, at mga matang nakakasaksi ng krisis na sadyang pinalalala ng mga naghaharing-uri.  

Hindi dapat mawalan ng pag-asa, dahil tiyak laging may lalaban at makikibaka. Kung magmumulat, mag-oorganisa, at magpapakilos tayo, gaya ni Marcos Sr., kaya rin nating patalsikin si Marcos Jr. Ito na nga siguro ang pangako ni Pilosopo Tasyo sa Noli Me Tangere na pagdating ng panahon, “sasambulat sa lahat ng dako ang mga naipong luha, himutok at buntong-hiningang matagal na panahong kinimkim sa puso ng bayan.” 

Hindi kailanman magpapasindak ang taumbayan sa tambalang Marcos-Duterte; mapagtatanto din nila na tigreng papel ang mga diktador at pasista. Anumang baril o bomba ang mayroon sila, hindi nila kailanman matutumbasan ang pwersa ng sambayanang sawang-sawa na sa paulit-ulit na panloloko at pananamantala. Mamamayan ang mapagpasya sa tunggalian. Katulad ng lahat ng pasistang rehimen bago sila, babagsak sila sa kamay nag-aaklas na taumbayan.

Ito ang hamon sa ating lumikha muli ng Golden Age—panahong nakatuntong sa deka-dekadang pakikibaka ng mga nauna—upang itanghal at husay at dangal ng mga mamamayang nais lumaya at magtatakwil sa diktadurang mapang-api at mapanlinlang.

Ang ginintuang panahong ito ay papandayin ng walang humpay na pakikibaka at di-hamak na mas mahalaga kaysa sa lahat ng alahas na ninakaw nila Imelda. Ito ang hudyat upang mangarap din para sa lipunang ang Golden Age ay naglilingkod sa sambayanan kung saan mayabong ang agrikultura at industriya, at hindi na Marcos-Duterte ang nasa poder kundi masa.

Featured image courtesy of SINAG

“It is our duty to remind the Filipino people of the unvarnished truth”

Magkaisang magbalikwas at hindi makalimot!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *