Kailangan natin ng unity.
Hindi lamang sa ating hanay, kundi kasama ang mas malawak na masang apektado ng gahum o hegemony ng estadong kontrolado nina Marcos at Duterte. Kailangan itong pandayin bilang pinakadakilang pag-alala sa diwa ng paglaban sa Batas Militar at tunay na pagsilbihin ang agham panlipunan at pilosopiya sa mga kilusan at proyektong mapagpalaya at demokratiko.
Sa panahong minamangmang ang mga kabataan sa bulok at baluktot na edukasyon at patuloy na binabansot ang mga espasyo para sa mapagpalayang mga kaisipan, mahalaga ang papel ng mga alternatibong porma ng pag-aaral at paglikha ng karunungan. Ang realidad para sa maraming mag-aaral ay isang edukasyong nakakalimot at naghuhugas-kamay. Doon, kasabay ng bulok na pasilidad at kagamitan, ay inilalako ang mga bulok na ideya at opinyon.
Ang krisis sa katotohanan at katarungan ay nasasalamin sa pagkapanalo ni Bongbong Marcos bilang pangulo. Palaisipan para sa atin kung paanong nakabalik ang minsan nang pinatalsik. Subalit ito ay realidad na ipinaliliwanag ng gahum ng estado. Ayon nga sa teoristang si Gramsci, ginagamit ng naghaharing-uri ang estado hindi lamang para panatilihin ang kanyang dominasyon, kundi pati kuhanin ang pagsang-ayon ng kanyang pinaghaharian.
Ngayong sila ang nasa poder ng estado, todo-larga ang mga proyekto nina Marcos at Duterte upang hulmahin ang karahasan sa dalawang anyo nito: militarisasyon at disimpormasyon.
Nananatiling marahas ang estado na malinaw sa 10% taas-badyet ng mga militar at pulis sa 2023, habang katiting ang inilaan para sa sektor ng edukasyon at pangkabuhayan. Hindi rin binitawan ang anti-masang programa ng kontra-insurhensiya na minana pa sa nakatatandang Marcos at Duterte. Kalakip nito ay mga pakana upang gamitin ang edukasyon bilang instrumento ng “pagkakaisa”—pagkakaisang walang prinsipyo, pagkuwestyon, at pagtutunggali.
Hindi na bago ang ganitong iskemang hinalaw sa Marcosian playbook. Ang diktador na ama ni Bongbong ay gumamit rin ng armadong dahas at mga ideolohikal na aparato nang ipataw nito ang Batas Militar. Ang naiiba nga lang sa panahon mula kay Duterte, mas malaking banta kaysa ganansya ang pormal na pagpapataw nila ng lantarang diktadura dahil malay ang mga tao sa epekto nito. Sa isang banda, eleksyon ang isang daluyan para sa ganitong awtoritaryanismo.
Sa kasalukuyan, malinaw ang trajektori na nais itimon nina Marcos-Duterte para sa mga kabataan: ang manatiling tahimik habang sila ay pumapatay at nagnanakaw. Sa madaling sabi, ang maging mga konserbatibo at reaksyunaryo. Nais nila ng pagpapayag ng mga mamamayan sa kanilang krimen. At doon malinaw, sa huling suri, sila at sila ang mga salarin at higit na kinakailangan natin silang singilin at pagbayarin.
Aral ng mga pakikibakang kontra-diktadura ang pagbubuo ng pinakamalawak na nagkakaisang prente na ipupukol sa pinakasagad-sagaring kaaway gaya ni Marcos. Ito rin ang ating panangga laban sa mga opensiba ng estado. Sapagkatt hindi tayo magwawagi kung tayo-tayo lang. Obligasyon nating magpanday ng pagkakaisa kahit sa kanilang hindi kapareho ng politika at umasang sa proseso ng tunggalian ay lumitaw ang pagkakaisang anti-Marcos-Duterte.
Ngayong pinaiigting ni Marcos ang gahum ng estado, para humiram kay Gramsci, kailangang ilunsad ng mga mamamayan ang kapwa digma ng posisyon at digma ng maniobra. Ukol sa una at pangmatagalan, intindihin natin kung bakit nagpapatuloy ang armadong rebolusyon at ang ambag nito sa anti-diktadurang pakikibaka at bilang alternatibo sa namamayaning kaayusan. Pagnilayan natin bakit ito niyakap nina Lorena Barros, Bill Begg, Lean Alejandro at iba pa.
Kailangan natin ng mahusay na maniobra upang makakuha ng magandang posisyon. Imperatibo para rito ang paggamit ng agham panlipunan upang humubog ng rebolusyonaryong pampolitikang diskurso at opinyon na hindi nahuhulog sa patibong ng nais ng estadong isipin at pahintulutan natin. Dapat nating gamitin ang mga teorya at konsepto na ating inaaral upang patuloy na aralin, intindihin, at baguhin ang mundo nang sama-sama. Gamit ito, makabubuo tayo ng mas matibay na pagkakaisa at makakaposisyong mapatalsik ang kaaway sa Palasyo.
Ngayong tumitindi ang krisis sa ekonomya, politika, at kultura, ang linyang naghahati sa Batas Militar 50 taon na ang nakalilipas at sa kasalukuyang pamumuno ng isa na namang Marcos ay lumalabo. Makatuwiran pa rin ang maghimagsik at magbalikwas. Ang tanong na lang para sa ating sarili ay handa ba tayong magkaisa upang hindi na muling makalimot at magpahintulot?
Sa huling pagsusuri, tanging sa ating pagkakaisang magbalikwas sa mga Marcos lamang tayo hindi makakalimot.
#NeverAgain
#NeverForget
#ML50
Featured image courtesy of SINAG