“Our [US-Philippine] alliance is strong and enduring.”
Ito ang tweet ni US President Joe Biden matapos ang isang bilateral meet kasama si Ferdinand Marcos Jr. at kanyang mga kamag-anak at ilang upisyal sa United Nations General Assembly (UNGA) na ginanap sa New York noong Setyembre 22.
Sa pulong nina Biden at Marcos, napag-usapan ang alitan ng Pilipinas at China pagdating sa West Philippine Sea at ang karapatang pantao. Binigyang diin ni Biden ang kritikal na relasyon ng Pilipinas at ng Amerika, lalo na pagdating sa usapin ng West Philippine Sea na nangangahulugang pagtitibay sa mga tratadong ekonomiko at militar gaya ng Balikatan exercises ayon sa Visiting Forces Agreement habang nang-uupat ng digma sa rehiyon ang US.
Malalim ang kasaysayan ng tagibang na ugnayan ng Pilipinas at Amerika. Mula sa panahon ng marahas na kolonisasyon hanggang sa neokolonyal na estado na minsang pinamunuan ng ama ni Marcos, ang tinaguriang alyansang US-Pilipinas ay pabor lagi sa Amerika at kakampi nila.
Sa pagbabalik ng mga Marcos sa poder, ang mensaheng nais ipabatid ng usapan nina Marcos at Biden ay ang patuloy na pagpapakatuta ng gubyerno ng Pilipinas sa kumpas ng Washington kasabay naman ng banta ng pagpapalakas ng impluwensiya ng Tsina sa estado.
US sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr.
Hindi na bago ang papel ng US sa pagdidireksyon ng mga institusyon at prosesong pampolitika, pang-ekonomya, pangkultura, pandiplomatiko, at pagmilitar sa bansa—imperyalismong Amerikano ang maaari nating itawag dito. Isa sa naging kabalikat ng US sa Pilipinas ay si Marcos Jr. na nagpasimula ng mga repormang neoliberal kasabay ng militarisasyon at crony capitalism na nagpapabaha lalo sa dambuhalang dayuhang kapital at nagpahirap sa masa.
Sa neoliberalismo ni Marcos, pumasok ang mga pekeng development projects ng International Monetary Fund-World Bank at ang pagbaba ng halaga ng piso na nagpataas ng presyo ng bilihin. Kasabay nito, sa tabing ng palyadong import-substitution at export-oriented development, ay pumasok ang mga dayuhang kumpanya upang magkamal ng supertubo.
Kakambal ng neoliberalismong ito ang awtoritaryanismong mga polisiya sa politika, militar, at diplomasya. Sa politika, idineklara ang Batas Militar upang manatili siya sa pagkapangulo. Sa militar, nagpadala si Marcos ng mga sundalo na isinabak sa digmaan sa Vietnam at niyakap ang doktrina ng US sa kontra-insurhensiya. Habang sa patakarang panlabas, sentrong pigura sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at maka-US na ugat nito si Marcos Sr.
Higit pang detalyado ang kasaysayan ng pagpapakatuta ni Marcos Sr. sa US sa loob ng higit 20 taon.
Suporta sa kanyang Batas Militar ang kapalit ng pananatili ng kontrol sa mga base militar ng US sa bansa. Kasama ng Mutual Defense Treaty, humigit-kumulang 40,000 tropa ng US ang iniistasyon sa Subic Naval Base na handang umaksyon kung sakaling magkaroon ng kahit anumang pag-aaklas matapos ang proklamasyon ng Batas Militar.
Kasabay ng pagpasok ng mga Amerikanong sundalo ay ang pagpasok ng mga Amerikanong negosyo sa bisa ng Investment Incentives Act na naghikayat sa dayuhang pamumuhunan sa bansa na lohika pa rin ng development paradigms hanggang ngayon. Dagdag pa, kahit wala ng parity rights para sa mga Amerikano, bumaha rin ang dayuhang kapital sa bansa gaya ng sa pagmimina, pagbabangko, pautang, at semi-manupaktura. Subalit, ayon kay Lindsey noong 1983, “prospects for any sustained industrial growth in the Philippines are not at all bright.”
Higit lalo ngayong 50 taon nang ideklara ang Batas Militar ngunit wala pa ring pundamental na pagbabago, isa ang US sa mga hadlang sa pagpapanagot sa mga Marcos at sa mga sumunod sa kanya sa kawalan ng kaunlaran sa bansa. Ang paghahari ng kapital na konsentrado sa kamay lang ng iilan ay nagtutulak sa development na nakabatay sa numero at hindi paglago..
Malinaw rin sa mga ebidensya, ayon sa isang ulat ng The Guardian noong May 2016, alam ng US Central Intelligence Agency (CIA) na nagnakaw ang mga Marcos ng $10 bilyon ngunit hindi ito ipinaalam sa Philippine Commission on Good Governance (PCGG). Ilegal ding pinondohan ni Marcos ang kandidatura nina Jimmy Carter at Ronald Reagan. AT sa loob ng 20 taon ay sinuportahan ang diktadura ni Marcos na isinuka lang nila dahil sa malawakang protesta.
Pinagtakpan ng Estados Unidos ang mga kalupitan at krimen ng mga Marcos upang protektahan din ang kanilang mga pansariling interes. Patunay dito ang isang memo ni Henry Kissinger, isang war criminal at inhinyero ng panunupil sa mga pag-aalsa, kay US Pres. Nixon. Isa si Kisiinger sa sumuporta kay Marcos at sa pagdedeklara ng Batas Militar na ang sabi ay:
“…Marcos probably will appreciate such a stance on our part, and this should result in his continued cooperation in our maintaining effective access to our bases in the Philippines and his assistance in resolving U.S. private investment problems resulting from last month’s Quasha [Page 558] decision.”
Nitong nakaraan lamang, pinuri ni Marcos Jr. si Kissinger at tinawag na “wise counsel” at “absolute rockstar” sa isang tweet. Isa pa, pansinin ang lengwahe, “continuing cooperation” sa larangan ng militar at ekonomiya—mga bagay na hindi nagbago mula sa ama hanggang anak.
Featured image courtesy of Evan Vucci