Hangga’t pinagdadamot ang pondo sa edukasyon at pinagkakakitaan lamang ang mga eskwelahan, walang happy sa Teachers’ Day, kahit ngayon pang araw ng mga guro.
Bagamat nakasaad sa Konstitusyon na dapat numero-unong prayoridad ang edukasyon sa badyet, palaging nakakahanap ng paraan ang gobyerno na baratin ito at ipagkait sa mga mamamayan, guro, at estudyante ang karapatan sa edukasyon.
Nasa P10.7 bilyon ang panukalang bawas sa State Universities and Colleges, P2 bilyon ang tapyas sa Commission on Higher Education, at P314.5 milyon ang kaltas sa DTI-TESDA. Sa DepEd naman, maski tumaas ng 12%, kulang pa rin ng higit P100 bilyon at malayong-malayo sa rekomendasyon ng United Nations na ilaan ang 6% ng GDP para sa edukasyon.
Ang mga kaltas na badyet na ito ay nagpapalala pa sa sitwasyon ng palabas na balik-eskwela. Dalawang taon mang tumigil ang pisikal na klase, bulok pa rin ang paaralang babalikan ng mga estudyante. Kulang ang klasrum at guro, mababa ang sahod, at may education crisis pa rin!
Maski, sa Unibersidad ng Pilipinas, ang tinaguriang premier state university sa bansa, hindi rin ligtas sa krisis sa edukasyon. Lalo na sa hanay ng mga guro na ginagawa na lamang mga pyesa ng mapanupil na makinarya ng neoliberal na pamantasan sa halip na magpasibol ng pedagohiya para sa mga api at pagpapalaya—sa kanilang mga sarili at sa mga estudyante.
Walang happy sa teachers’ day kung si teacher mismo ay hindi happy buong school year.
Paano ba naman magiging happy si teacher kung kulang na nga ang sahod ay subsob pa sa trabaho? Kung siya ay nireredtag dahil sa kanyang reklamo, kung mas malaki pa ang sahod ng mga berdugo na ang alam lamang ay pumatay? Ika nga ni ACT Teachers Rep. France Castro, “Ginigipit ng administrasyong ito ang pondo para sa serbisyong panlipunan para ibuhos ang pondo para sa bayad utang. Utang na hindi rin naman napakinabangan ng mamamayan.”
Sa taong 2023, palabas lamang na edukasyon ang prayoridad. Ang malinaw sa sektor ng edukasyon ay dambuhalang mga kaltas-badyet at kulang na pondo alinsunod sa dikta ng neoliberal na lohika—ang pagpapanguna sa paglago ng kapital kapalit ng serbisyong panlipunan. Kaya sa 2023 budget ni Marcos Jr., hindi edukasyon ang panalo, kundi ang mga pasistang pwersa, imprastruktura ng dayuhan at lokal na kapitalista, at ang mga nagpapautang.
Bagamat tumindi pa lalo ang pananamantala sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte, hindi na bago itong bulok na pamamalakad. Hindi naman kasi talaga pagkatuto ang prayoridad sa neoliberal na edukasyon; komersalisyado ito, at mas matimbang ang paghahanap ng pagkakakitaan. Kolonyal din, at palaging isinusulong ang interes ng pandaigdigang merkado at mga banyagang kumpanya. Represibo pa nga, dahil wala namang pakialam ang kasalukuyang tipo ng edukasyon sa kapakanan ng estudyante, at gusto lamang nitong matiyak na madaling mapagsasamantalahan ang malilikhang lakas-paggawa.
Kaya nga napakadali na lang para sa kanilang tapyasan ang badyet ng edukasyon? Ang krisis mismo sa edukasyon ay nag-uugat sa krisis panlipunan. At ang solusyon ng naghaharing-poder ay misedukasyon na ang laman ay gahum upang papayagin ang susunod na henerasyon na magpatuloy ang paghahari ng mga Marcos at Duterte ng ilan pang dekada.
Dagdag pang patunay sa kabulukan ng edukasyon ay ang mga gaya nina Popoy De Vera na CHED Chairperson at Sara Duterte na DepEd Secretary. Anong alam ng mga ito sa sistema ng edukasyon kung sila mismo ang pangunahing nagtuturo sa mga pamantasan at paaralan ng mga dahilan ng kabulukan nito: pekeng balik-eskwela, bawas ang saklaw ng free tuition at scholarship, mababa ang sahod ng guro, at laganap ang kontraktwalisasyon? Si Popoy ang matigas na mukha ng neoliberal na edukasyon sa Pilipinas—tuta ng merkado at numero!
Si DepEd Secretary Sara Duterte naman ang simbolo ng lumalalang kultura ng awtoritaryanismo sa bansa. Sa halip na resolbahin ang matatagal ng hinaing ng mga guro at estudyante, ang inihahain ni Sara ay mandatory ROTC, P150-milyong confidential funds, at pangreredtag sa mga gurong unyonista. Ang nais nila ay lumikha ng mga kabataang walang kritikalidad, mga kabataang pumapayapag sa mali, katangahan, at diktadura.
Kahit gaano kalaking pagbati pa ang ipangalandakan ng mga politiko, wala itong silbi hangga’t hindi natutugunan ang pangangailangan ng mga edukador. Hangga’t umiiral ang neoliberal na tipo ng edukasyon at mas matimbang ang pinagkakakitaan kaysa sa pinag-aaralan, panandaliang saya lang ang maidudulot ang regalong keyk at bolpen. Walang “happy” sa Teachers’ Day hangga’t si teacher ay alipin ng misedukasyong matagal nang itinuturo sa atin.
Ang pinakamahalagang regalo na ating maibibigay sa ating mga guro ay sumama sa kanilang pakikipaglaban para sa taas-sahod, regularisasyon, at pagtutol sa mga atake. Higit lalong kailangan ang isang edukasyong naglilingkod, nagpapalaya, at natatamasa ng sambayanan. Sa edukasyong hindi na tubo at numero ang prayoridad, ang guro ay nagiging instrumento ng paglaya sapagkat doon, ang nagdidikta ng pagkatuto ay pagbabagong panlipunan at hindi ang pananatili ng bulok na namamayaning kaayusan at lisyang edukasyon ng Pilipino.
Ngayong World Teachers’ Day, taas-kamao nating pagpugayan ang mga guro ng bayan at mariing kundenahin ang sistemang nagpapahirap sa kanila. Sa huling pagsusuri, kailangan nating hulmahin ang edukasyon na nagpapalaya at hindi nagkukulong; kailangan natin ng mga gurong hindi nakakulong sa mundong hinulma ng mapang-api kundi nagpapalaya sa mga inaapi. At imposible ito, kung walang panlipunang solidaridad na magtuturo sa ating lumaban.
#WTD2023
Featured image courtesy of Ben Nabong