Krisis ang 100 days ni Bongbong


Isang-daang araw na mula nang maupo sa Malacañang ang anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Sa pagsapit ng unang 100 days niya bilang pangulo, matapos ang maanomalyang eleksyon 2022, kaliwa’t kanang problemang panlipunan ang umugong sa mga balita habang siya ay abala sa pagpapasarap habang winawaldas ang pondo ng bayan.

Sa 100 days ni Marcos sa Palasyo, ang hatol ng mga mamamayan ay ibayong pagpapalakas ng pagkilos tulad ng ikinasang protesta kaninang umaga sa Mendiola upang kundenahin ang lumalalang krisis sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Pagsirit ng inflation at unemployment

Ayon sa datos ng gubyerno, umabot na sa 2.68 milyon ang walang trabaho sa bansa habang 7.03 milyon ang kulang ang trabaho noong Agosto. Anila ay malaki ang epekto ng pagtataas ng presyo ng gasolina at materyales na makailang-beses nang nagtaas mula nakaraang taon. Giit ng ibang progresibong grupo, dapat taasan na rin ang minimum wage sa bansa na ang pinakamataas ay P570 sa Metro Manila at mas maliit pa sa ibang rehiyon..

Kasabay nito ang tuluyang paglobo ng inflation at pagmamahal ng mga bilihin na sa tinatayang lalampas pa sa 7% ngayong Oktubre. Pangunahing tinamaan sa pagtataas ng presyo ay ang mga pagkain, pamasahe at gasolina, at mga imports dahil sa paghina ng piso kontra dolyar.

Noong Hulyo 2022, itinanggi ni Marcos Jr. na mataas ang inflation subalit ayon sa pinakabagong sarbey ng Pulse Asia, ang pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin ang numero-unong problema ng mga Pilipino ngayon at dismayado sila sa pagtugon dito ni Marcos.

Gabineteng ‘di makumple-kumpleto

Sa halos tatlong taong pamumuhay sa pandemya at pagtaas ng mga kaso ng COVID, wala pa ring itinatalagang kalihim ng Department of Health (DOH) si Marcos. Kalakhan din ng mga miyembro ng kanyang gabinete ay mga malalapit niyang kaibigan at kaalyado sa politika.

Dagdag pa, tatlong matataas na upisyal ng pamahalaan ang nagbitiw sa kanilang pwesto sa isang balasahan ng mga tauhan ni Marcos. Ito ay sina dating Executive Secretary Vic Rodriguez, Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, at Commission on Audit Chair Jose Calida.

Basahin: https://sinag.press/news/2022/10/04/3-marcos-top-officials-resign/

Bilyon-bilyong confidential funds

Aabot sa P9 bilyon ang hiling na pondo ng Office of the President (OP). Dito, higit P4.5 bilyon ang ilalaan para sa diumano’y confidential and intelligence funds (CIF). Samantala, tumaas din ng triple ang badyet ng Office of the Vice President ni Sara Duterte at humiling siya ng P650 milyon CIF para sa OVP at sa Department of Education.

Iginiit din nina Marcos at Duterte na kailangan umano ng “national security” sa pagtitiyak ng de-kalidad na edukasyon at ang pagbabalik sa Mandatory ROTC sa kolehiyo.

Bumwelta naman ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na mas mainam na inilaan na lang ang ganoon kalaking CIF bilang dagdag-pasahod sa mga guro, pagpapatayo ng mga kulang na silid-aralan, o kaya naman pagbibigay-trabaho sa libo-libong nars sa bansa. 

Krisis at budget cuts sa edukasyon

Habang lumaki ang pndo para sa OP at sa OVP, panukala namang bawasan o kulang ang badyet na nakalaan para sa edukasyon, kabilang na ang Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Nasa 10.48% o P10.89 bilyon, ang ikakaltas na pondo para sa SUCs, P2 bilyong kaltas at P22.295 bilyong kulang sa UP-Philippine General Hospital, at 11.25% o P90 bilyong kulang sa DepEd. Nasa P1.5 bilyon din ang ibinawas sa pondo ng libreng tuition sa kolehiyo.

Ginisa ng mga miyembro ng Makabayan bloc ang nasabing kaltas habang mataas ang CIF ng OP at OVP. Anila, dapat ilipat na ang pondo ng NTF-ELCAC sa edukasyon at agarang resolbahin ang education crisis kung saan higit 90% ang may learning deprivation at poverty. 

Dagdag rin sa mga atake sa edukasyon ay ang patuloy na pangreredtag at paniniktik sa mga lider-estudyante at lider-kabataan kagaya ni Manuel at kanilang mga organisasyon.

Panganib sa press freedom

Kasama ang dalawang kaso ng pagpaslang, nasa 13 kaso naman ng karahasan sa midya na ang naitala ng grupong National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). 

Nitong Setyembre, pinatay sa Negros Oriental ang radio broadcaster na si Rey Blanco, ang kauna-unahang mamamahayag na pinaslang sa administrasyon ni Marcos Jr. 

Nitong Oktubre naman, pinagbabaril naman si Percival Mabasa, o mas kilala bilang Percy Lapid na kritiko ng mga Marcos at Duterte, sa kanyang studio sa Las Piñas. Bago siya patayin, binatikos ni Lapid ang mga katiwalian sa gubyerno ni Marcos at redtagging ni Lorraine Badoy. 

Sa isang pahayag, kinundena ng NUJP ang marahas na pagpatay kay Mabasa. “The killing shows that journalism remains a dangerous profession in the country. That the incident took place in Metro Manila indicates how brazen the perpetrators were, and how authorities have failed to protect journalists as well as ordinary citizens from harm,” anila.

Liban sa mga nabanggit, may apat na kasong cyberlibel at isang kasong libel ang inihain laban sa mga mamamahayag habang may dalawang aresto dahil sa cyberlibel at isang ulat ng surveillance at harrassment. Mula kay Duterte, ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos ang titulo ng Pilipinas bilang ika-pitong bansang pinakamapanganib para sa mga mamamahayag.

Hindi fine and fair na human rights situation

Tumindi rin ang pag-atake sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Ayon kay Karapatan Secretary-General Tinay Palabay, “Instead, [the Marcos administration] has allowed the climate of impunity to continue and [has] maintained the policies which result in political repression and human rights violations.”

Taliwas sa posisyon ng Karapatan na kalunos-lunos na ang kalagayan ng human rights sa bansa, itinanggi ito ng bagong-talagang pinuno ng Commission on Human Rights, isang loyalista ng mga Marcos na dating Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ni Marcos, na si Richard Palpal-latoc,  at sinabing “fine and fair” ang sitwasyon.

Nitong nakaraang buwan lamang, naglabas ng arrest warrant laban kina  Kilusang Mayo Uno (KMU) International officer at CSSP student na si Kara Taggaoa at ang Pasiklab Operators and Drivers Association (PASODA) President Larry Valbuena dahil umano sa kasong “pagnanakaw.” 

Noong Hulyo naman, dalawang aktibista mula sa KMU ang dinukot at ipinag-utos na ng korte na ilitaw sina Elizabeth “Loi” Magbanua at Alipio “Ador” Juat at pinananagot ang mga militar sa pagkawala nila. Hanggang ngayon ay nawawala pa rin silang dalawa.

Sa mga komunidad naman sa kanayunan, patuloy ang mga aerial bombing at strafing ng mga tropa ng militar. Kasama nito ang pagkakampo sa mga lokal na baryo at sapilitang pagpapasuko at pamamaslang sa mga sibilyon upang palabasing mga rebelde.

Dagdag sa mga represibong atake na ito, prayoridad din sa 2023 budget, ayon sa IBON Foundation, ang pagbabayad-utang, imprastrukturang batay sa pag-aangkat, at pasismo habang kinaltasan o pinabayaan ang edukasyon, kalusugan, agrikultura, at industriya na esensyal sa pagkamit ng karapatang pantao na mabuhay at panlipunang serbisyo.

Krisis ang danas ng mamamayan

Sa unang 100 araw ni Marcos bilang pangulo, iginiit ng oposisyon na walang naging kongkretong aksyon at tugon sa mga krisis na kasalukuyang kinahaharap ng bansa. Walang malinaw na ulat o pahayag sa magiging “course of action” para sa problema ng mamamayan.

Ayon sa grupong BAYAN, “The past 100 days have been more about posturing, rhetoric and image-building, rather than actual problem-solving.” Binanatan din nila si Marcos matapos ang byahe nito para manood ng F1 Grand Prix sa Singapore, na sinabing “race to the bottom” ang kalagayan ng bansa sa kasalukuyan.

Kagaya ng kawalan ng accomplishment report sa ika-100 daang araw sa pwesto, mistulang wala ring tiyak na mga tagumpay na dama ng naghihirap na sambayanan ang gubyerno nina Marcos at Duterte. Sa higit tatlong buwan ay krisis ang lubusang nanalasa at magpapatuloy ito. Kaya naman ang panawagan ng mga progresibo at rebolusyonaryo ay itakwil silang dalawa.

Featured image courtesy of Trixie Cruz-Angeles (Facebook)

Kailangan ang liwanag sa dilim

Lutasin ang krisis ng mental health sa pamantasan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *