Lutasin ang krisis ng mental health sa pamantasan


[Trigger warning: may banggit ng mga salitang maaaring nakakatrigger.]

Kasabay ng patong-patong na krisis sa ekonomya at politika, pasan ng maraming Iskolar ng Bayan ang kakulangan sa serbisyong pang-estudyante, minadaling pagbabalik-eskwela, kalakip ng mga pahirap na polisiyang pang-akademiko. 

Ngayong World Mental Health Day, hindi na sapat ang mga panakip-butas na tugon at malinaw ang panawagan ng kilusang mag-aaral: serbisyong pang-estudyante, pondohan! Polisiyang kontra-estudyante, wakasan!

Ang krisis sa lusog-isip

Matagal nang may krisis ng mental health sa Pilipinas, lalo na sa loob ng mga unibersidad. Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization, 16% ng mga batang Pilipino ang may mental health disorder. Ayon naman kay Yuviengco noong 2017, 96% ng mga mag-aaral ang napag-isipan nang magpakamatay, at higit kalahati sa mga ito ang nakaramdam na walang nakakaintindi sa kanila.  

Sa buong bansa naman, tinatayang nasa anim na milyong Pilipino ang may depression o anxiety — tiyak na dumami pa ang bilang sa gitna ng pandemya. Ayon pa sa isa pang pag-aaral, 44 na kabataan ang naitalang kinitil ang sariling buhay buwan-buwan noong 2020.Â

Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy ang kawalan ng pondo para sa mental health sa Pilipinas. Ayon sa WHO, P68.9 bilyon ang nawala sa bansa dahil sa malalimang problema sa mental health subalit P286 milyon lang ang inilaan na badyet para dito noong 2021 o 3% lamang ng kabuuang gastusin para sa kalusugan. 

Bagamat napagtagumpayan na ang pagpasa sa Mental Health Act noong 2018, patuloy pa ring pinagdadamot ang pondo nito. Sa ilalim ni Duterte ay hindi pinagtuunang ipatupad ang mga batas para tugunan ang problema sa mental health at patuloy itong lumulubha sa ilalim ni Marcos Jr.

Talaban sa humanistikong banyuhay

Sa UP System, bagaman mayroon nang mga hakbang upang tugunan ang krisis, hindi pa rin ito nakasasapat. 

Isinulong ang mga subsidiya para sa gastos ng pagpapakonsulta at pagbili ng gamot, naglunsad ng mga programa na nagbibigay-alam tungkol sa mental health gaya ng Mental Health Month ng mga organisasyon sa Sikolohiya ngayong Oktubre, at pagtatag ng mga programa katulad ng UP Psychosocial Services (PsycServ). Ito ay ilan sa mga binunga ng puspusang pagkalampag ng sangkaestudyantehan sa pamantasan para sa mas humanistikong unibersidad na humuhulagpos sa automaton ng neoliberalismo. 

Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pakikibaka para sa mas inklusibo at makamasang serbisyong mental health.

Sa maraming kampus ng UP, wala pang serbisyo na katulad ng PsycServ. Kahit sa mga mayroon na, kulang na kulang pa rin ang pondo at mga kontraktwal at kapos ang mga kawani nito, kaya naman buwan ang inaabot sa paghihintay na maserbisyuhan. 

Kapansin-pansin ding mayroong  kakulangan sa pagpapakalat ng impormasyon sa iba pang hatid na tulong ng iba’t-ibang institusyon. 

Ang kakulangan ng mga institusyunal na suporta ay pinalalala pa ng pilit na balik-eskwela. Habang tumataas ang kaso ng COVID at presyo ng pagkain at pamasahe, kulang-kulang ang pondo sa edukasyon, slots sa mga klase at dormitoryo, at ayuda para sa mga komunidad.

Nakadagdag din sa anxiety at stress ng mga mag-aaral ang pagtatanggal ng mga academic ease na polisiya gayong nananatili pa rin tayong lugmok sa pandemikong krisis. Hindi naman lisensya ang face-to-face classes upang mawalan ng pagmamalasakit ang pamantasan. Bagkus, lalong kailangan pa nga ito at ang pagbabanyuhay ng Unibersidad sa isang muog na tumutunggali sa mga bulok na praktika ng nakaraan.

Tungo sa lipunang may ginhawa

Kaya naman, kung seryoso ang unibersidad sa pagtugon sa pangangailangang pang-Mental Health ng mga estudyante, hindi dapat ito makulong sa mga solusyong panakip-butas; dapat magkaroon ng komprehensibong tugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral. 

Dapat suportahan ang lahat ng inisyatiba na lutasin ang krisis sa mental health sa pamantasan gaya ng isinulong ng Konseho ng mga Mag-aaral ng KAPP sa GASC Resolution 2022-22. 

Read: https://tinyurl.com/MHResol

Anila, higit sa serbisyong tuwirang tumutugon sa pangangailangang sikolohikal, kailangan ding palawigin ang mga batayang serbisyong pang-estudyante at wakasan ang mga polisiyang walang pakundangan sa kahirapang dulot ng pandemya.

Sa mas malalim na sipat, hindi talaga maihihiwalay ang krisis ng mental health sa pakikibaka laban sa kaltas sa badyte ng unibersidad para sa taong 2023 — tinatayang P2.5B ang ibinaba kung ikukumpara sa kasalukuyang pondo. 

Ang pagkaltas sa pondo ng pamantasan, at ng iba pang pambansang unibersidad, ay isang signos ng ibayong pagsasantabi sa matagal nang isyu sa mental health. Hindi hamak na mas kailangang paglaanan ang mga esensyal na sektor tulad ng edukasyon at kalusugan. Ang pera ng taumbayan ay hindi dapat nilulustay ng mga kurakot na hindi nagbabayad ng buwis at nagbabalik ng ninakaw.

Ang krisis sa mental health ay nakaugat sa isang edukasyong komersyalisado at neoliberal. Sa ngalan ng produktibidad at tubo, ginagatasan nito ang mga estudyante hanggang sa masaid. Hanggang hindi ito nagbabago at wala pa ring edukasyong tunay na mapagpalaya, lulubha lamang ang krisis, ekonomiko man o mental, na kinakaharap ng mga estudyante. 

Malalim ang ugat ng problema sa mental health sa mga pamantasan. Dapat lutasin ito sa pinakaugat at hindi ng mga panakip-butas na solusyon. Kaya, sa huli, ang tanging pag-asa para sa mas maginhawang mental health ay sa pagsusulong ng lipunang malaya sa krisis na dulot ng mga mapaniil na estruktura ng pang-aapi at pagsasamantala na bumibihag sa pamantasan.

Featured image courtesy of Doodling Some Thoughts

Krisis ang 100 days ni Bongbong

“Repression on right to dissent and organize”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *